MAIKLING
KWENTO
Bintana
Ni
Peaches
NAGLALAKAD
AKO kanina papauwi. Hindi ko nga maalala kung ang sinakyan ko
ba ay FX o dyip. Pagod na siguro ako. Ang hindi ko lang makalimutan
sa araw na ito, habang naglalakad ako napuna kong malungkot na
naman ang buwan at wala na naman yatang balak magpakita kahit
na isang bituin ngayong gabi. Mag-iisa na naman ang buwan, parang
si Nanay. Pero kung minsan, kapag nandyan ang mga bituin mukha
nang masaya ang buwan, pero si Nanay malungkot pa rin. Nakaabang
na naman siya sa may harap ng gate pag-uwi ko. Bakas na naman
sa mukha niya ang pag-aalala. Nasanay na ako. Kung minsan nga
iniisip ko na masuwerte pa rin ako kasi may nag-aalala para sa
akin. Ang hindi ko maintindihan, nang salubungin niya ako ay hindi
man lang ako sinita dahil sa hindi ko pagtawag at hindi pagpapaalam
na gagabihin pala ako.
"Pumasok
ka na. Nakahain na," ang halos pabulong na sabi ni Nanay.
Sa sobra ko
sigurong pagkagulat, sumunod na lang ako. Napansin kong sarado
ang malaking bintana sa kusina na pinagmumulan ng malakas na hangin
kapag kakain na kami o kaya'y pinapanooran namin ni Nanay ng paglubog
at pagsikat ng araw, ng mga ekspresyon ng mukha ng buwan, kutitap
ng mga bituin, iba't ibang kulay ng kuwitis sa Bagong Taon pati
na ng pagsasara ng mga talulot ng Vietnam rose na itinanim ni
Tatay sa pamimilit ni Nanay sa makitid na lalagyan ng halaman.
Tatanungin ko sana si Nanay. Pero hindi naman pala siya sumunod
sa akin. Nagbihis na muna ako at lumabas ulit para magyayang kumain.
"Mauna
ka na. Hihintayin ko pa ang tatay mo."
Matunog ang
pagkakasabi ni Nanay. Hindi ko na nakuhang magtanong na talagang
dahilan ng pagyaya kong kumain. Wala pang mga kapatid ko. Napuna
kong wala pa ring bituing kasama ang buwan. Nag-iisa pa rin siya.
Naisip ko na lang na tanungin ang aming katulong, na lagi namang
nasa mood magkuwento kung anong alam niyang nangyari sa maghapon
sa loob ng bahay.
"Isay!
Ano na naman bang nangyari dito kanina? Bakit nakasara ang bintana?
Asan si Tatay? Nasa kabila ba?" Pabulong kong tanong.
"Wala
pa. Umalis kaninang hapon. Mukhang magkagalit sila e. Pero hindi
ko alam kung anong pinag-awayan."
"Salamat
ha! Kumain ka na ba? Sabay ka na kung gusto mo."
Tango sabay
iling na lang ang naisagot ni Isay. Tinawag na siya ni Nanay.
Magdidilig na raw sila. Nagtaka naman ako, alam kong alam ni Nanay
na hindi ako sanay kumaing mag-isa. Ayaw din niya sigurong magdilig
mag-isa.Kumain na lang ako. Hihintayin ko na lang silang dumating.
Mukhang wala pang balak magkuwento si Nanay na lagi naman niyang
ginagawa. Hindi ko tuloy alam ang gagawin ko. Buti na lang Biyernes
na ngayon; walang klase bukas at walang kailangang madaliing ipasa
o pag-aralan. Manonood muna ako ng TV.
Nagising akong
bigla nang may kumalabog na pinto. Ibinagsak yata. Lumabas agad
ako ng kuwarto. Naabutan kong umiiyak si Nanay. Dumating na ang
tatay, nagkulong sa kuwarto, pinatay rin ang ilaw. Napamura tuloy
ako. Sa sarili lang. Nasan ang mga kapatid ko. Ano bang nangyari?
Sino ba'ng tatanungin ko?
"Nanay,
anong nangyari?" ang mahina kong tanong.
"Hindi
ko alam. Bigla na lang uminit ang ulo ng tatay mo. Tapos kanina
umalis siyang hindi ako kinikibo. Pag-uwi niya kakausapin ko na
sana. Ayun! Pumasok sa kuwarto at hindi man lang ako pinansin."
Paiyak na kuwento ni Nanay.
Ano ba naman
'to. Lagi na lang ganito. Kung kailan tumanda ang mga magulang
ko mas humirap magkaintindihan. Mga bata pa lang kami, madalas
na silang mag-away, minsan nga umabot pa sa muntik nang hiwalayan
e. Siyempre, kampi kaming tatlong anak sa nanay namin.
Laging andyan si Nanay: kausap, kakuwentuhan, sumbungan, hingian
ng allowance, taga-alaga pag may sakit, tagapaalam kay Tatay pag
may lakad, at kung ano-ano pa. Laging andyan si Nanay. Para sa
amin o para kay Tatay. Naalala ko ang buwan, lagi rin siyang nandyan.
Maulap, maulan at kahit sa madaling araw makikita mo pa siya.
Para sa gustong ngumiti, malungkot, mangarap, humiling, o kahit
na para lang malaman na nasa planetang Earth pa rin, kasi isa
lang ang buwan. Lagi siyang nandyan.
Ikalawang
pahina
|