v10.1
Enero 27 , 2002

Home
About us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

Bookmark Us

 

Ang Pangitain
Ni StarGazer

ISANG NAPAKATAHIMIK at kaakit-akit na umaga, ako'y naglalakad; ang aking mga mata ay nakatuon sa kalawakan ng buong sanlibutan na parang nasa aking harapan lamang. Ang tanawin ay napakaganda. Ang sinag ng araw ay nagsisimula pa lamang umahon sa silangan.

Inilibot ko ang aking paningin sa nagagandahang tanawin na nakapalibot sa akin, ang mabeberdeng bundok na puno ng ibat-ibang halaman at naglalakihang mga kahoy. Ang ibang puno ay hitik ng mga bungang nakakaakit kainin. Ang iba naman ay hitik ng bulaklak, iba't ibang nagagandahang kulay at porma at ang kabanguhan ay humahalimuyak at nasasamyo ko mula sa aking kinatatayuan.

Sa isang dako naman ay nakita ko ang ibat-ibang klase ng hayop: merong kabayo, baka, elepante at iba pang maliliit at malalaking hayop, magkakasamang nanginginain sa malalagong halamang nasa paligid nila.

Nang idako ko ang aking paningin sa kalawakan ng mala-asul na kalangitan, nakita ko ang napakaraming ibon, iba't ibang kulay ng mga pakpak na kumakampay at parang umiindayog sa napakatamis na tugtog ng kanilang awitin.

Kalugud-lugod at napakatahimik ang lugar na ito. Sa aking pag-iisa, nasabi ko sa aking sarili na ito na siguro ang tinatawag na "Eden", ang paraiso ng Panginoon na nilikha N'ya para sa lahat ng nilalang. Biglang namutawi sa aking mga labi ang taos pusong pagpasalamat at pagsamba sa Poong Maykapal sa napakabuti at napakadakila N'yang likha. Ang aking puso ay natigib ng kapayapaan at kaluwalhatian na para bang ako at ang aking Tagalikha ay iisa at nagsasalo sa pagdiriwang.

Ang aking pagmumuni-muni ay biglang nauntol nang ako ay pumabulusok paitaas sa kalangitan. Gayon pa man, wala akong takot o pangambang naramdaman. Hindi ko mawari ngunit ako ay nakakalipad at lumulutang sa alapaap. Sinubukan kong ikampay ang mga kamay at doon ko napagtanto na nakokontrol ko ang bilis at posisyon ng aking paglipad pati na ang pagbaba at pag-akyat sa kalawakan. Sa pamamagitan ng pagkampay ng aking mga paa't kamay, ako ay nanatiling lumilipad sa kataasan ng kalangitan ay patuloy ko pa ring nakikita ang mga kahoy, halaman at mga hayop na nasa ibaba. Para bang sila'y nagkikisaya at nagdiriwang sa aking kinasasapitan. Ang mga ibon naman ay nakikisabay sa aking paglipad at ako'y sinasamahan at dinadala sa hindi ko alam na patutunguhan.

Sa aking paglipad, nakarating ako sa isang pook. Ako'y lumipad paibaba upang suriin kung anong klaseng lugar ito. Habang ako'y bumababa, nararamdaman ko ang kakaibang damdamin na biglang pumalit at bumalot sa aking katawan. Biglang nawala ang sigla at kapayapaan na aking nadarama at ito ay napalitan ng kakaiba at matalinhagang damdamin. Nang ako'y medyo malapit na, nakita ko ang mga bahay na nakaturok, ito'y gawa sa bakal at semento. Napansin at nasinagan ko rin ang mga taong nakatira dito, mga bata at matandang naglalakad sa kalye, babae at lalaki. Ako'y napilitang lumipad nang mas mababa pa upang makita at masilip ang kanilang mga mukha.

Nabigla ako doon sa aking namasdan. Ang mga taong ito ay naglalakad ng walang destinasyon at paikot-ikot na nilalandas ang kalsada. Sa kanilang mga mata ay nakita ko ang kapaitan sa buhay na kanilang nilalandas, ang kalungkutan at kawalang pag-asa ay nababasa ko sa kanilang isipan. Ako ay nagtataka kung bakit sila namumuhay ng ganito. Sa tingin ko ay hindi naman sila pulubi o naghihirap sa mga materyal na bagay. Ang kapaligiran ay malinis at maayos din naman. Ngunit bakit sa kabila ng kanilang kasaganaan ay hindi ko man lamang masilayan ang pag-ibig at pagmamahal sa isa't isa, ang sigla, katapatan o kapayapaan; bagkus lahat sila ay nababalot sa pighati at kapaitan ng kalungkutan at pagdurusa.

Sa kawalan ng sagot sa aking katanungan, naisipan kong kausapin ang Poong Maykapal. Ako'y nagsumamo sa Kanya: "Diyos ko, bakit ganito ang sinapit ng mga taong ito? Bakit sila malulungkot at puno ng hinagpis at kapaitan na para bang wala nang silbi ang kanilang mga buhay? Ako'y naaawa sa kanila, Panginoon. Meron ba akong magagawa upang sila ay mahango sa hirap na kanilang tinatahak? Paano ko po sila matulungan?"

Sa aking panalangin, biglang nagsalita ang Panginoon, isang napakadakilang tinig ang aking narinig--napakaamong boses na parang nanggaling sa langit, doon sa mismong tronong Kanyang kinaluluklukan. Ito'y tila isang malumanay na awit na kapag narinig ng tao ay magbibigay ng kapayapaan at kagamutan sa lahat ng sanlibutan. Ang sabi ng mahiwagang tinig: "Anak, tulungan mo sila. Turuan mo sila".

"Turuan ko po sila? Paano ko po gagawin iyon? Hindi po ako marunong magturo!" ang sagot ko sa Panginoon.

Ako'y biglang naalimpungatan. Nanginginig ang aking buong katawan. May mga luhang dumaloy sa aking pisngi. Dama-dama ko ang bigat na nakaatang sa aking balikat. Ako'y naguguluhan. Hindi ko alam ang aking gagawin, higit sa lahat, hindi ko alam kung paano ko ito sisimulan.

"Sana Panginoon ko, isiwalat mo sa akin ang iyong dakilang hangarin at ituro mo sa akin ang nararapat at tamang landas".

 

For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.


Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved

MULA SA PATNUGOT
Happy Anniversary!

KOLUM
Paggunita at Pagsasabuhay ng People Power 2
Ni Mong Palatino

SA ISYUNG ITO
Remembering Just Another Ordinary Day
By Herbert Villalon Docena
Tuloy ang Laban
Ni Mao Ocson
Aftershock
Ni Jayson Bernard Santos
Looking Back at EDSA
By Gari R. Lazaro
Betrayal of EDSA Promises
By Amie Dural
It's Payback Time!
By Page Reyes
Ang Pangitain
Ni StarGazer
Bagong Taon
Ni Rodel Mayores
Mind over Hunger
Ni Alym G. Escultura

NEWS FEATURES
Marred by Irony: People Power 2 Reunion Draws Mixed Reactions
People Power 2 Anniv: Mendiola Rally Celebrates Estrada’s Ouster, Condemns Arroyo’s Policies

MAIKLING KWENTO
Delta Transit

Ni Vladimeir B. Gonzales

Waiting By Gollum
Bintana Ni Peaches

MGA KUWENTONG PEOPLE POWER 2
A People Power 2 Journal
By Dennis A.S.Aguinaldo
Edsa 3: Tanaw mula sa Loob
Ni Ronald A. Atilano
Narito pa ang Bayanihan
Ni Alexander Remollino
Liham ng Tagumpay
Ni Ederic Eder

MGA PATAWA AT ALAALA NG PEOPLE POWER 2
Huling Paalam ni Jose Velarde
Oh la la, Oreta P--- ka!
People Power 2 Links
At iba pa

TULA
01212001
Sa Kalyeng Itim
Jack and Jill (Filipino Version)
Dalawang Koridong Pasahero ng Delta Transit, Magkatabi Ngunit Di Nagpapansinan
Bagong Maghapon
A Dove in the Midst of the Storm
an interruption
Wait for Me
Pasko sa Looban