|
KOLUM
Paggunita at Pagsasabuhay ng People Power 2
Ni Mong Palatino
SABI NG Peoples
Consultative Assembly (PCA), maglulunsad ulit sila ng people power
kung hindi titino si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Sagot
naman ng Pangulo: Sino kayo at ilan ba kayo? Dagdag ng isang alyado
ni Ate Glo mula sa civil society (uncivil society ayon kay Herman
Laurel): Hindi tao ang nagpapatawag ng people power kundi ang
Banal na Espiritu. Teka, teka, mukhang may mali dun ha.
Unang anibersari
ng People Power 2 kayat di nakapagtatakang lumitaw ang ibat
ibang media gimik ng maraming grupong nag-aastang makamasa at
tagapanguna ng pag-aalsa ng bayan noong isang taon. Hayaan na
natin silang magbuhat ng kanilang mga bangko. Sana madapa sila.
Higit na dapat
bantayan ang mga ilalabas na pahayag ni GMA ukol sa mga nagawa
niya bilang lider ng bansa. Tiyak na ipagmamalaki niya ang mga
prinsipyong naitaguyod ng kanyang administrasyong iniluklok ng
malawakang pagkilos ng sambayanan. Lulunurin tayo sa mga datos
ng mga proyektong sinimulan at natapos ng pamahalaan sa kanyang
pamamalakad. Mga proyektong hindi naramdaman o nagdulot ng kaginhawaan
sa karamihan.
Kung tutuusin
tama ang PCA sa pagkilala kay GMA bilang isang kabiguan. Walang
pagbabagong naganap sa ating bansang matagal nang naghahanap ng
glorya. Imbes na gumaan ang buhay ay lalong nagdusa ang mamamayan.
Sapat na ang isang taon upang makita ang tunay na kulay ng bagong
rehimen. Humulas na nga ang tunay na mukha ni Ate Glo sa likod
ng kanyang mga pilit na ngiti sa TV at wala siyang pinagkaiba
kay Erap, Ramos o Marcos.
Para sa isang
aktibong kalahok ng People Power 2, mahirap tanggapin sa una ang
mapait na katotohanang isang malaking kabiguan si GMA. Pero kahit
saang anggulo ko suriin ang kanyang pamumuno, wala talaga akong
makitang bagay na maaari kong ipagmalaki.
Kung ganito
ang sitwasyon, makatwiran pa bang gunitain ang unang taon ng People
Power 2?
Ang sagot
ko ay hindi lang dapat gunitain ngunit dapat muling isabuhay ang
diwa ng pag-aalsang ito. Aksidente lamang si GMA kung kaya't siya
ang pangunahing nakinabang sa pagbagsak ni Erap. Naganap ang People
Power 2 dahil sa pagnanasa ng mamamayan ng pagbabago at katarungang
panlipunan. Hindi salik si GMA kung bakit naging matagumpay ang
People Power 2.
Nagwalk-out
ang mga estudyante noon sa kanilang mga klase hindi upang suportahan
si GMA kundi pabagsakin ang isang pamahalaang inutil at kontra-mamamayan.
Natitiyak kong dumagsa ang mga Pilipino sa EDSA hindi upang gawing
Pangulo si GMA kundi pangunahin ang pagtutuldok sa paghahari ng
masamang Pangulong Estrada.
Sariwain natin
ang mahahalagang aral ng People Power 2 dahil dito natin mauunawaan
ang kawastuhan ng ating mga pagkilos noon. Pinatunayan muli ng
People Power 2 na sa ating pagkakaisa ay nagagawa nating hamunin
at baguhin ang ating gobyerno. Sa ating pagkakabuklod naroon ang
tagumpay. Hindi bat ang aral na ito ay sapat nang dahilan
upang gunitain ang People Power 2?
Makiisa tayo
sa selebrasyon ng anibersaryo ng People Power 2. Mas mainam kung
magdaos tayo ng mga sarili nating pagdiriwang at ipagmayabang
ang papel na ginampanan natin o ng ating grupong kinabibilangan
sa eskuwelahan, trabaho, pamilya, barkada, simbahan, at opisina
sa paghuhubog ng ating kasaysayan. Huwag lang nating kalimutang
paalalahanan ang ating mga sarili lalo na ang kaibigan natin sa
Malacañang na hindi pa natatapos ang krusadang ating sinimulan
noong isang taon para sa isang lipunang may hustisya, demokrasya
at kalayaan.
Kung ayaw
pa ring makinig ni GMA sa kabila ng ating pagpapaalala, gamitin
na natin ang sandatang kaya nating panghawakan kahit anong oras
at napatunayan na ang bisa: ang ating pagkakaisa. Alalahanin nating
nag-iisa lamang siya sa Palasyo at mangilan-ngilan lamang ang
masugid niyang tagapagtanggol samantalang tayo ay milyun-milyon.
Salamat sa People Power at napansin natin ito.
-------------
Si Mong Palatino, ang bagong halal na pangulo National Union of
Students of the Philippines, ay chair ng UP Diliman Student Council
noong sumabog ang People Power 2.
For comments
and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|