|
Aftershock
Ni Jayson
Bernard B. Santos
NATATANDAAN
KO pa kung gaano kabilis ang pintig ng aking puso noong panahong
tanging paglisan ng isang tiwaling pinuno ang nasa aking isip.
Mabilis iyong nagbadya ng buhay kong pag-asam na muling masilayan
ng aking mga kababayan ang minimithing tagumpay at bawiin ang
nilamong pag-asa ng panahong lumipas.
Tandang-tanda
ko pa ang mukha ng aking mga kasamahan. Masaya at tulad ng mabilis
na tibok ng aking damdamin ay alam na nilang sa ilang saglit pa
ay nasa aming mga kamay na ang tagumpay na inaasam.
Tandang-tanda
ko pa ang mga kamay na nag-abot sa akin ng tinapay na sansaglit
ding pumawi ng gutom sa aking kumakalam na sikmura. Mainit iyon
at naramdaman ko ang pagkasabik niyon na aking tanggapin ang kaniyang
alok.
Tandang-tanda
ko pa ang hanging dumantay sa aking mga pisngi. Bagamat maalinsangang
tunay ang panahong iyon, may nadama akong kakaibang simoy ng pagkakaisang
nagpalamig sa aking pandama.
Tandang-tanda
ko pa ang watawat habang ito ay iwinawagayway sa gitna ng hindi
ko na mabilang na mga kababayan kong kaytagal na pinagmasdan sa
langit ang maningning nitong mga bituin at araw.
Tandang-tanda
ko pa. At malinaw pa ang mga alaala sa aking isipan, maging ang
mga nadama ko noon ay sariwa pa sa aking puso.
Parang kailan lang. Niyanig ang lahat ng dagundong ng ating
mga paa sa EDSA. Mabilis na tumiklop ang panahon at masasabing
panibagong pahina na naman sa kasaysayan ang nadagdag. O dili
kayay mas mabuting sabihing panibagong pahina LANG naman
ang nadagdag. Kasaysayan lamang ang lahat. At ang lahat ng aking
mga alaala ay isa lamang malaking katuparan ng matagal nang minimithing
pagdagdag ng bagong mga pangalan sa kasaysayan. Malungkot mang
sabihin subalit pawang ang lahat ng aking haka-haka ay may matibay
na katibayan.
Nasaan tayo
matapos ang EDSA noong nakaraang Enero (2001)? Bumalik tayo sa
dati nating mga buhay. Tama. Bumalik nga tayo sa dati nating mga
buhay. Umikot lamang naman ang lahat, hindi ba? Parang isang commercial
lamang ang lahat ng nangyari.
Matapos ito,
bumalik sa dating programa ang ating pamumuhay. At ang ating mga
sarili, patuloy na hinahanap ang tunay na identidad, ang role
na matagal nang hinahanap ng bawat isa sa atin. Kung noon isang
estudyante kang walang kasiguruhan na makatatapos ng pag-aaral
sa loob ng nalalabing panahon, matapos kang sumigaw at dumaing
sa EDSA, napawi ba ang lahat ng iyong pag-aalinlangan? Isa kang
masunuring anak na nais mabago ang buhay ng iyong sariling pamilya.
Matapos ang ilang araw na pagpupuyat at pagkagutom sa lansangan,
hindi na ba kakalam ang inyong mga sikmura?
Hindi. Sapagkat
hindi natin natamo ang tunay nating minithi noon. At tulad ng
mga taong tinuligsa natin, ilang buwan matapos nating ipakita
ang ating pagkakaisa sa EDSA, hindi rin malinaw kung pasasaan
ang ating mga boses at sigaw. Kung para kanino ang lahat ng inasam
na pagbabago. Kung malinaw ba ang bukas na ating lilingunin. Sapagkat
ang lahat ay kasaysayan lamang. At ito ay hindi natin binigyang
kahulugan at higit sa lahat, isinabuhay.
May daing
sa iyong damdamin sa ngayon. Walang pagbabago kang nakita, bagamat
ito ang hinangad mo isang taon na ang nakararaan. May masaklap
na katotohanang bumalik ang dating Pilipinong kilala mo: ang sarili
mong walang hinangad kung hindi ang pansariling kapakanan at sariling
pag-unlad, ang sarili mong sa paghahangad na makaraos ay kumakapit
sa patalim habang ang kaluluway iniluluwa na ng labis na
kasakiman, ang iyong sariling kilala mo lamang sa salamin subalit
sa puso at diwa ay blanko ang identidad. Ang sarili mo. Ikaw.
Lumaban sa EDSA. May nagbago ba?
Isa lamang
ang kahulugan nito. At kailanman, napapanahong sabihin sa lahat
ng Pilipinong katulad natin na madaling magpalit ng pinuno subalit
mahirap bihisan ang isang buong lipunan.
------------
Si Jayson Bernard Santos ay isang estudyante ng BA Malikhaing
Pagsulat sa Kolehiyo ng Arte at Literatura ng UP-Diliman. Kasapi
siya sa samahang UP-Ugnayan ng mga Manunulat.
For comments
and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|