EDSA
3: Tanaw mula sa loob
Ni
Ronald A. Atilano
Unang
pahina
Sari-saring
Kwento
Kung ang gabing ito ay isang maikling kwento, ano ang naghihintay
na eksena bukas ng umaga? Para bang may malagim na katapusang
itinatago ang dilim, at maya-maya'y tigmak ng dugong isasabog
naman ng bukangliwayway. Habang naghahanap ng masisindihan ng
yosi, inaalala ko ang kung anu-anong detalye ng mga naging masaker
sa Chile at Indonesia. At sino ang makakalimot sa mga kabataang
walang buhay na inumaga dito sa Mendiola noong FQS?
Samantala,
may kani-kanya rin namang short stories itong mga kapwa ko refugees.
Halimbawa, itong si Senen, dating LFS member noong Philo student
siya, ay papauwi na galing Mendiola at kasalukuyang umiihi sa
ilalim ng Nagtahan nang matanaw niyang nagma-martsang tila army
ng mga zombies ang mga kampon ni Erap mula sa pinakadulung-dulo
ng kalsada. Labis siyang namangha sa dami ng mga ito at sa nakakikilabot
nilang ingay, dahilan upang siya'y lagnatin at masuka sa kanyang
kinatatayuan. Iika-ika siyang nagtatakbo palayo, lampas sa mga
kubling eskinita, pabalik sa pinanggalingan nyang rally. At dito
na niya sa Beda natapos ang jingle niya.
Aling Paz
ang pangalan ng aleng nagtago sa likod ng pader, kasama ang kanyang
anak. Nagtitinda siya ng kendi at sigarilyo kanina nang magkagulo.
Sa takot, naiwan niya ang lahat ng kanyang mga paninda. Marusing
silang pareho at mukhang gutom na gutom. Kinaumagahan, makikita
ko siyang muli sa ilalim ng punong akasya habang pinapatulog niya
ang kanyang bunso, at kumakain siya ng chicken sandwich.
Si Mang Domeng
naman ang aming kusinero. Chief cook siya sa isang hotel sa Malate.
Tatahi-tahimik lang siya sa isang tabi, na parang ayaw masangkot
sa kung ano pang dagdag na gulo. Pero nang maubusan ako ng Winston,
iniabot nya yung kaha niya ng Hope. Payat siya, marami nang puting
buhok at paos ang boses. Sabi niya, marami siyang mga kasamang
nakaalis na kanina; nagpaiwan lang siya. Dagdag pa ni Mang Domeng:
"Pag nakalaya tayo dito, punta kayo sa hotel namin minsan
at ipagluluto ko kayo."
Alas-singko
na ng umaga. Nahihimbing sa semento ang aming mga kasama. Sumandal
ako sa poste at lumipad sa kabilang mundong walang panaginip.
Pwersa
ng Masa
Nagising ako sa alarm clock ng mga armalayt. Umaga na. Sa
gitna ng malawak na football field, nakapalibot kami habang ipinapaliwanag
ni Chito Gascon ng KOMPIL kung ano na ang nangyayari sa labas.
Aniya, wala pang katiyakan kung gaano pa katagal kami rito sa
loob. Sa himpapawid, dalawang helikopter ang biglang sumulpot,
umikot nang ilang beses na parang nagmamanman. Sa ilang saglit,
inakala kong pauulanan kaming lahat ng machine gun.
Samantala,
mapapanood sa loob ng van ng Channel 4 kung paanong pagdadamputin
ng mga pulis ang mga pro-Erap. Anasan at sigawan mula sa aking
mga kasama.
"Buti
nga sa inyo, mga gago!"
"Dapat
nga, kanina pa nila ginawa 'yan. Ilang oras na tayong stranded
dito!"
"Bakit
di pa pagbabarilin ang mga put---a!"
"Maximum
tolerance daw kasi."
"Tayo
ang dapat isipin ni Gloria, hindi sila."
"Ang
babaho nila! Nangangamoy hanggang dito!"
Muli, napaliligiran
ako ng mga mukha ng People Power 2: office worker, aktibista,
manggagawa, madre, doktor, musikero, businessman, probinsyano,
kolehiyala, bading at lesbyana, mag-syota. Kami ang minsan pang
nagpagulong sa makinarya ng pagtutol. Kami ang nagising at kumilos
upang patalsikin ang pangulong mandarambong.
Alas onse
ng tanghali nang pasukin namin ang mga bakanteng klasrum ng Beda.
Kung makapasok man ang mga pro-Erap sa kampus, mahihirapan silang
matunton ang kinalalagyan namin. Abot-tanaw mula rito sa kubling
silid ang geyt. Sa kabila, naroon ang batalyon ng mga kaaway:
nag-iipon ng lakas, naghihintay ng tamang oras. Maririnig ang
nakasisindak nilang sigaw na parang hamon ng isang hayok na tribu.
Binabalya nila, kinakalampag ang geyt. May ilang nagtatangkang
umakyat sa pader. Alam nilang narito kami.
Kung napapanood
lang ito ni Revsee, sasabihin ko sa kanyang nagising na ang masang
Pilipino. Ngunit ang gumising sa kanila ay hindi si Marx o si
Mao, hindi si Bonifacio o si Rizal o si Recto, kundi si Joseph
Estrada. Ngayo'y naghihimagsik sila, they're storming the Bastille
kumbaga, pero tayo ang nais nilang lipulin. Namputsa, nasa kabilang
dulo na naman sila. Ang Masa, Bayani at Tagapaglikha, ay hindi
kilala ang kanyang kaaway. Heto tayo, kasama natin ang United
Front, ang hindi namamatay na Middle Class: office worker, madre,
doktor, musikero, businessman, estudyante. At kahit pa mamasdan
ko ang kakapusan ng kanilang ideolohiya, hindi ko maikakailang
kaparehong-kapareho ko sila. Sa mga sandaling 'to, natuklasan
kong katulad nila, kinatatakutan ko at kinamumuhian ko ang Masa.
Ang sumunod
na ugong ng mga baril ay tumagal ng minuto, kasabay ng libu-libong
hintakot na sigaw. Mula sa kabila ng geyt, umalsa ang makapal
na ulap ng tear gas at dinala ng hangin sa loob ng silid.
Eskapo
Sa gitna ng pagsusulat ng isa sa mga naunang talata, nagsimulang
maglabasan sa silid ang aking mga kasama. "Wala na raw sila,"
ang paulit-ulit na balita. Nakahinga nang maluwag ang lahat. Isinilid
ko ang notebook sa bag, bumangon sa higaang karton.
Nang bumukas
ang geyt palabas ng Mendiola, nagpalakpakan at nagsigawan ang
mga tao. "Tenkyu! Tenkyu!" ang masaya nilang bati sa
mga kagawad ng PNP. Sa labas, nagkalat sa kahabaan ng Mendiola
ang mga labi ng naganap na gyera. Malalaking tipak ng bato at
semento ang tila ibinuhos ng bagyo sa gitna ng kalsada. Lumingon
ako sa dakong Legarda kung saan naitaboy ang mga pro-Erap. Isang
tsinelas ang nakita kong naiwan sa kalsada.
Nilakad namin
ang daan patungong Malacañang, natatanuran sa magkabilang
panig ng mga pulis, sundalo, at tangke. Sa geyt ng Malacanang,
dalawang kalalakihang maka-Erap ang bitbit ng mga pulis. Duguan
silang kinaladkad at paupong isinandal sa geyt ng palasyo. Mabilis
silang pinaligiran ng mga tao. Isang tadyak ang umabot sa tagiliran
ng isa sa kanila. "Magkano?" ang nang-uusig na tanong
ng isa sa amin. Ngunit nakatingin sila sa malayo, tila hindi alam
kung nasaan sila.
Mula sa hardin
ng Malacañang, kung saan tinanggap kami ng Pangulong Arroyo,
inihatid kaming lulan ng barge sa kabilang pampang ng Ilog Pasig.
At mula doon, isang van ang nagsakay sa amin patungong backgate
ng palasyo, kung saan lumabas kami sa bandang Paco.
Hang-over
Mahigit
kalahating taon na ang nagdaan mula nang maganap ang kwentong
ito (kung kwento nga itong masasabi). Napakalapit ko man sa lugar
ng pinangyarihan, hindi ko namasdan ang kanyang kabuuan, maliban
sa mga ulat na napanood na lamang sa TV kinagabihan. Sa loob ng
silid, sa likod ng geyt, hindi ko namukhaan ang galit ng aking
mga kababayan.
At naiisip
ko: isa ring malaking Silid ang naghihiwalay sa atin sa mundong
ginagalawan nila. Isang higanteng Geyt ang tumatakip sa ating
mga mata palayo sa mundo ng kanilang karanasan. Dahil dito, hindi
natin masakyan kung anong "world view" ba ang nagsabi
sa kanila upang ituring nilang tagapagligtas si Erap. Sa isang
banda, mukhang isinasadula ng ating lipunan ang isang makabagong
Allegory of the Cave (o of the Gate?) ni Plato.
At malay natin,
baka tulad ng bugtong ni Plato, naghihintay din ang sarili nating
kalayaan sa piling nila, hindi sa loob ng ating mga silid, kundi
sa labas ng kweba.
Isang computer programmer si Ronald kung hindi siya kasama
sa mga rally. Mag-iisang taon nang hindi niya naipapasa ang requirement
na romansang nobela ni Prof. Rubin sa UP.
For comments
and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|