EDSA
3: Tanaw mula sa Loob
Ni
Ronald A. Atilano
NOONG MADALING-ARAW
ng Mayo 1, 2001, habang kasalukuyang lumulusob patungong Malacañang
ang daan-libong mga Erap loyalists upang pabagsakin ang pamahalaang
Arroyo, may humigit-kumulang sanlibong mga indibidwal ang nagtipon
sa Mendiola upang pigilan ang nakaambang rebelyon. Kapit-bisig
nilang pinaligiran ang lahat ng lagusan patungong palasyo at nangakong
hindi bibitiw hanggang sa pagdating ng mga kalaban.
Bandang alas
dos ng umaga nang umugong naman ang balitang armado ng icepick
at pana ang mga sumasalakay. Dahilan ito upang lumamig ang ulo
ng karamihan at magplano ang ilang lider ng mas praktikal na mga
hakbang.Upang maiwasan ang pagdanak ng dugo, pinatuloy silang
pansamantala sa kampus ng San Beda College upang doon magpalipas
ng panganib. Labing-isang oras, tatlumpu't pitong minuto ang itinagal
nila sa loob habang patuloy na nagaganap ang tinaguriang "Edsa
3" sa labas.
Isa ako sa
mga nakulong noon sa loob ng San Beda, at mula sa isang madilim
na klasrum, sumusulat ako sa aking journal.
Sa kubling
klasrum
1 Mayo
2001. Alas dose ng tanghali.
Humigit-kumulang
sa sandaang tao sa isang klasrum. Kung pipigilan ko ang sumisikip
na kaba sa dibdib, kung aalis muna rito sa katawan kong nasa gitna
ng panganib, sasabihin kong para lang kaming nasa prayer meeting
nito. Iba't ibang mukha mula sa iba't ibang sulok ng Maynila ang
narito sa kubling silid, at sa tagal ng kung anong hinihintay
na programa, napipilitan kaming kausapin ang isa't isa.
Sari-saring
kwento kung paanong napadpad kami rito, at kung anong engkanto
ang pumasok sa mga utak namin kagabi upang magdumaling pumarito
sa Mendiola at ika nga e, ipagtanggol ang Republika.
Nakakatuwang
isipin na nasa piling ako ngayon ng mga accidental heroes kahit
pa nga sabihing napaliligiran kami ng mga kababayang handang sumalakay
anumang sandali.
Gitara
ni Jun Lopito
Kampus
ng San Beda. Alas tres ng madaling araw.
Patuloy ang
pasok ng mga tao mula sa geyt galing ng Mendiola. Maya't maya,
marahan ding sumisiksik sa kumpol na ito ang mga sasakyang animo'y
galing pa sa di-mahulaang larangan. Humihiwa ang talim ng mga
headights sa agos ng mga anino. Madidilim ang mga mukhang dumarating.
Lumalakas ang mga bulungan.
Ang unang
reaksyon ko: kung paanong mabilis na makakatakas dito. Kaya lang
naman ako napadpad dito ay para lang sa isang ordinaryong rali--isang
ordinaryong People Power. Makikisigaw sa "agit" ng mga
nasa entablado. Makikisabay sa mga natatandaan pang awiting rebo.
Habang nagpapalipas ng hang-over sanhi ng isa na namang gabi sa
Padi's Point.
Pero heto
ako sa loob ng Beda, pasado alas tres ng umaga. Walang butas na
malusutan palayo Palakad-lakad sa halip na naghihilik na. Palinga-linga
sa halip na maayos nang nananaginip sa aking kama. At di ko maiwasang
basahin ang mga damdaming nagkukubli sa likod ng nasasalubong
na mga mukha. Kinakabahan din kaya sila? Nangangamba kaya sila
dahil masyado silang nagpadalus-dalos? At kung hindi, kung totoo
ang kahinahunan at determinasyong namamasdan ko, anong tapang
ang itutumbas ko para sa kanila--akong masugid na deboto ng flower
power (gaya ni Ely Buendia) at walang maisasalungat sa papalapit
na dahas?
Mula sa posteng
kinasasandalan ko, tinatanaw ko ang karamihan habang sila'y nagsisipagdasal
sa maliwanag na chapel. Umaalingawngaw ang mga unang putok ng
armalayt galing sa labas. Sa geyt, humahangos na ring papasok
ang mga myembro ng dyaryo at telebisyon, ang delegasyon ng mga
relihiyoso, mga pulis at pulitiko. Mula sa kaguluhan, balisang
naglalahad ng balita ang isang singkit na lalaki, hawak ang kanyang
kamera:"Sobrang dami nila, pare! Buong dalawang milyon yata
galing Edsa sumusugod na dito. Dalawang pulis na ang patay. Yung
depensa sa Nagtahan, bumagsak na!"
Masakit pa
ang ulo ko pero di ako abutan ng antok. Naglalakad akong paligid-ligid
ng compound, tila writer na namamaluktot sa pag-iisip ng plot.
Marahan akong nakikihalubilo sa mga tauhan nitong pelikulang tri-dimensyonal,
marahan at malungkot, na parang gumigitara si Jun Lopito sa likod
ng aking tenga. God's playing the blues. "Blues" na
matatawag, sabi ko sa sarili, kung nilalamon ang bayan ng kudeta
at ikaw ay naglalakad sa loob ng San Beda.
Magkakasunod
pang putok ng M-16 mula sa dakong Legarda ang bumasag sa metapisikal
na gitara ni Jun Lopito. Isang pintig ng pulsong naglalambitin
sa mga hininga. Sa isang iglap, ang realidad ng animo'y papalapit
na mga sandatahan ay naging mga espada, o bala, sa aming mga ulunan.
Sa unang pagkakataon, nakilala ko sa likod ng sari-saring mga
facial expressions: gulat, mangha, pagkalito, ang takot. Inaakay
ng isang ina ang anak niya sa likod ng posteng semento upang iwasan
ang mga ligaw na bala. Walang tigil ang teenager sa pagtunghay
sa cellphone, tungkol sa mensaheng kahahatid pa lamang ng mga
estasyon. Ang mag-asawa ay magkayakap na nakaupo sa isang sulok
ng hall. Sa kabuuan nitong kampus, ang mga anino ay balisang nagpapasikut-sikot.
Ang dating mga bulong ay naging sigaw.
Syempre, natatakot
din ako. Kung dudumugin nila kami, mahirap magtanggol kung may
hang-over na pasan-pasan sa ulo. At saka napakasaklap naman yatang
matapos na ang lahat-lahat sa buhay ko nang hindi ko man lang
naipasa yung requirements ni Rubin sa MP173. (Palagay mo kaya,
magdadalawang-isip silang todasin ang tulad kong may "binubuhay"
na romansang nobela at kwentong pambata?)
Lakad lang
ako nang lakad. Nang mapagod, itinayo ko ang isang nakakalat na
silya. Naupo. Ngumiti sa akin ang aleng kaharap. Kinumusta ko
siya. "Kumusta po kayo?" tanong ko sa kanya. (Kasabay
na kasabay ng "kayo?" ang muling kresendo ng mga putok,
na parang sinasabing "Wala sa lugar ang tanong mo, tanga!")
Maaliwalas ang mukha niya. Nakakapanatag ng kalooban. Isang "irony"
tuloy na taga-KMU pala siya. Mas naging magiliw ang ngiti niya
nang batiin ko siya ng "Happy Labor Day", kasabay ang
trivia na ito ang kauna-unahang Mayo Uno na "kakampi"
ng kilusan ang gobyerno.
"Tapos
dito pa tayo mamamatay," pabirong sabi niya.
Ikalawang
pahina
|