Mind
over Hunger
Ni Alym G.
Escultura
SUWS...ALAS
diyes na ng gabi, eto lang ako sa labas ng inuupahan kong kwarto.
Buti pa ang mga bata sa labas at kanta nang kanta ng "Ang
Pasko ay sumapit". Abutan mo lang piso o higit pa, masaya
na. Samatalang ako, eto nagmamarakulyo na ang tiyan. Di ko lam
kung anong gagawin--eh ganon din lang ang naranasan ko kahapon
at saka noong mga nagdaang mga araw. Sabagay meron pang piso sa
bulsa ko. Maibili nga ito ng isang stick na yosi. Ok na, solve
na. Sabay punta sa karinderya ni Aling Inday at inom ng tubig.
Parang "history repeats itself" na naman ito!
Pero syempre
anong magagawa ko kundi magtiis. Alangan naman na magnakaw, masama
yun! Sabi ng ng tiyo ko, pumatay ka na lang wag ka magnakaw. Mas
nakakahiya raw kasi yun, pero ano ko bali? Di ako papatay, alam
ko kaya yung proverbs na "Ang mabuhay sa tabak sa tabak din
mamamatay." Ganun din yung "Kung ano gagawin mo gagawin
din sa 'yo". Pasayahin ko na lang ang sarili ko sa mga nakakayanan
ko. Mas ok pa yun at wala akong mapeperwisyo.
Pero 'di ko
maintindihan bakit ganito ang buhay. Ika nga magsipag ka raw at
me nilaga, aba naman ako nga masipag na wala akong matikmang nilaga.
Kung di pa ako magpunta sa bahay ng kaibigan ko di pa ako makakain
ng maayos.
Pag kumakain ako naiisip ko din sina Inay at ang mga kapatid ko
sa probinsya: nakain din kaya sila? Naalala ko kasi noon, hati-hati
lang kami sa nilagang kamote at sinampalukang talbos ng kamote.
Kung mapaiba naman eh nilagang saging at ginataang puso ng saging.
O, 'di ba me kombinasyon mga pagkain namin? Kahit ganun lang ang
buhay sa probinsya masaya roon, di mo na kailangan ng apat na
piso para lang pumunta sa kaibigan mo. Maglalakad ka sa ayaw at
sa gusto mo kasi wala namang masasakyan, pero kung medyo swerte
ka at me dumaang kalabaw na me hilang kariton--pwede kang makisabay.
Simple nga
lang pero di maiwasan ang mga buwitre talaga alam mo yun? Kahit
sa probinsya merong nagpapasasa sa pinaghihirapan ng mga mahirap.
Kasi ganito yun, si Mang Pedro yung kapitbahay naming asawa ni
Aling Ditang na me anak na sina Jose at Koni ay nagsasaka..Ok
nga yung pamilya na yun eh, sa laki ng sinasaka--gobyerno me ari
ng lupa, rights lang ang sa kanila--eh walang makain! Paano ba
naman, sa simula lang ng taniman kukuha na ng pera kay Kabise
sa bayan pambili ng pagkain para sa magtatanim. Mga isang buwan
matapos ang patanim, aangkat ng pataba, pestisidyo at kung ano
ano pang mga kaek-ekan sa palay na tinuro ng IRRI na yan! Ayon
pagsapit ng anihan eh itong si Mang Pedro pambabayad lang kay
Kabise ang inani.
Yung malayong
kamag-anak naman ni inay si Ka Julio walo ang anak. Limot ko nga
mga pangalan ng mga anak non kasi sunod sunod ba naman. Basta
ang alam ko pare-pareho ang mukha ng mga yun mapa-babae o mapa-lalaki--iisa
kasi tabas ng buhok nila. Si Ka Julio aalis ng alas tres ng madaling
araw sa bahay dala-dala ang sagwan papuntang laot. Uminom lang
yun ng tinutong na bigas (yun ang kape nila eh). Aabutin hanggang
alas tres ng hapon yun sa paglalaot tapos pag uwi idadaan sa kilohan
ng isda ang huli. Yung nagkikilo naman, si Aling Cedes bungangera
ay napakabarat ( kaya yata yumaman ang pamilya non, me jeep na
nga sila eh). Malaki na ang otsenta pesos na kikitain ni Ka Julio
at ibibili ng mga kelangan sa bahay. Kulang pa araw-araw na lang
na gawain yun. Paano na kaya kung me magkasakit sa pamilya nila?
Namublema na naman ako ng problema ng iba.
Hmm, teka
ubos na yosi ko ah! Nasayang yung ilang parte di ko man lang nahithit,
bakit kasi ang gulo ng isip ko at kung anu-ano ang pumapasok.
Mabuti pa problemahin ko na lang kung ano na naman ipangtatawid
ko ng gutom mamaya. Kakatawa daming naiisip talaga pag nagugutom
ka. Bueno, makatulog nga baka sakali malimutan ko na lang.
"Ang
pasko ay sumapit tayo ay mangagsi-awit!" Ekkk...! Papatakbo
mga bata papunta sa akin... Hehehe, kakarolin pa yata ako. makapasok
na lang sa kuwarto...
-------------
Si Alym G. Escultura, BS Forestry student sa Unibersidad ng Pilipinas-Los
Baños, hay mag-isang nagpalipas ng Pasko.
For comments
and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|