|
Narito
pa ang Bayanihan
Ni Alexander Martin Remollino
APAT NA araw iyong habang panahon nang nakaukit sa kamalayan ng
sambayanang Pilipino. Apat na araw iyong nagkaisa ang mga mamamayang
Pilipino alang-alang sa isang dakilang layunin. Sa biglang tingi'y
tila walang naidulot na anumang makabuluhang bagay ang apat na
araw na iyon. Hindi ba't apat na araw iyon ng buong poot na pagtutol
sa walang pakundangang pagkakanulo sa kapakanan ng bayan? Ngunit
ngayo'y narito pa rin ang mikrobyong apat na araw nating isinuka
noong Enero 2001. Wala bang saysay ang apat na araw ng People
Power 2?
Mayroon din
naman, at di maipagwawalang-bahala ang naiambag nito sa ating
kasaysayan. Naipakita nitong kung tayo'y magkakaisa ay kaya nating
baguhin ang nakapanlulumong kalagayan ng ating bayan. Hindi ba't
natanggal natin noon ang isang pamahalang hindi makitaan ng katinuan
at kakayahan?
Iyan ang tagumpay
ng People Power 2 na madali-dali nating nahahalata. Datapwat mayroon
din itong tagumpay na hindi natin nahahalatang gaano.
Panahon itong
tayong mga Pilipino'y ipinagpapalagay na lahat ng buong mundo
na mga magnanakaw at mangmang at puta, kagaya ng karamihan sa
ating mga pinuno. Panahon itong maraming Pilipino ang wala nang
makitang maipagmamalaki sa pagiging Pilipino.
Sa gitna ng
ganitong kalagayan, itinanghal ng People Power 2 ang isang pagkaganda-gandang
kaugaliang Pilipino: ang bayanihan, ang pagdadamayan sa panahon
ng pangangailangan.
Apat na araw
iyong kung nasa EDSA ka, ang umalis sandali upang bumili ng pagkain
ay isang pisikal na imposibilidad. Sa EDSA, ang mga tao noo'y
tila mga tilapyang ipinagsiksikan sa isang latang nauukol lamang
sa sardinas. Ni ang magkamot ng nangangating ilong o ang himasin
ang ulong nananakit ay kayhirap na gawin. Paano pa ang pagbili
ng pagkain?
Hinding-hindi
ko malilimot yaong mga nagtungo roong may dalang pagkaing laan
hindi lamang sa kanilang mga sarili kundi maging sa pinakamaraming
kanilang mabibigyan. Naroon yaong mga ale't mamang nasa ibabaw
ng tulay na hagis nang hagis ng tinapay nang hindi na inaalam
kung sino ang makasasambot. Naroon yaong mga madreng nagpamudmod
ng sandamukal na kendi at inumin.
Harapan ko
ring nakita-at hindi lang minsan-kung paanong namahagi ng sarili
nilang pagkain ang hindi lang iilan sa kanilang mga katabing ni
hindi nila alam ang pangalan.
Marami ang
nagtatanong kung nasaan na ang pagkaganda-gandang kaugalian nating
bayanihan. Ang sagot? Narito, narito pa sa baul ng ating mga puso-natabunan
nga lang ng katakut-takot na alikabok-at naalaala nating halukayin
at ilabas nang minsang ang daan-dang libong may malasakit sa matwid
ay magtipun-tipon sa makasaysayang lansangan na ang pangala'y
EDSA.
Na nagawa
natin ang magbayanihan sa isang panahong kinailangan nating gawin
ito ay nagpapakitang may pag-asa pang maitayo sa ating bayan ang
isang lipunan kung saan ang mga tao'y nagtutulungan at hindi nag-aapakan.
For comments
and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|