Manyaman

“Hindi nagtatapos ang pagiging Pilipino natin sa isang balitang halos ilugmok tayo sa kahihiyan sa mata ng buong mundo. Hindi ba natin naisip na sa maraming beses na tayo ay nadapa bilang isang bansa ay ganun din karaming beses tayong nagtulung-tulong upang bumangon?”

Jon MagatIsang karangalan para sa akin ang maimbitahan upang magsulat nang pamalagian dito sa Tinig.com. Sa totoo lang, hindi madaling um-oo pero magdadalawang-isip naman ako kung ito ay aking tatanggihan.

Hindi madaling mag-isip kung ano ang angkop na isulat buwan-buwan na pakikinabangan ng mga mambabasa. Sa maraming pwedeng pag-usapan, nang mapagpasiyahan kong tanggapin ang isang pagkakataong mabigyan ako ng ganitong gawain, inisip kong magsulat tungkol sa maraming katangian at kagandahan ng ating bansa at ng ating lahi. Kabi-kabila man ang hindi magandang balita sa atin ay nais ko pa ring ipagsigawang maganda pa rin ang Pilipinas, at masarap pa ring maging Pilipino.

Hindi nagtatapos ang pagiging Pilipino natin sa isang balitang halos ilugmok tayo sa kahihiyan sa mata ng buong mundo. Hindi ba natin naisip na sa maraming beses na tayo ay nadapa bilang isang bansa ay ganun din karaming beses tayong nagtulung-tulong upang bumangon? Pinakamagandang halimbawa (at pinakasariwa sa ngayon) ay ang delubyong naganap noong isang taon na naging tanyag sa pangalang Ondoy. Kahapon ay ginunita ng bansa ang unang taon ng bagyong ito. Maraming kwentong kalunus-lunos ang maaalala sa pangyayaring ito pero nakatutuwa ring isipin na buhay na buhay ang isang katangiang maipagmamalaki natin bilang mga Pilipino — ang bayanihan. Mabilis na tumugon ang iba’t ibang sektor ng lipunan, mga pribadong grupo, sangay ng pamahalaan, maging ang mga indibiduwal na tao upang tulungan ang mga nasalanta ng hagupit ni Ondoy. May mga kwento pa nga ng kabayanihan sa sandaling nagaganap ang matinding pagbuhos ng ulan nang mga panahong iyon. Hindi alintana ang sarili, maisalba lamang ang ibang tao.

Ngayon, panibagong mga pagsubok na naman ang hinaharap natin bilang isang bansa, at sa mga susunod na panahon ay may mga darating pa. Pero kung iisipin natin, hindi naman tayo lubusang nagagapi nito dahil na rin sa likas nating pagtutulungan.

Marami tayong maaaring pag-usapan. Marami tayong madidiskubre sa pagiging Pilipino natin. Sa pag-iisip-isip at paglagom ng mga pangyayari, sa huli, sasabihin mo na ang pagiging Pilipino ay manyaman!

Ang manyaman ay salitang Kapampangan na ang ibig sabihin ay masarap. – Patnugot