Pilipino, Nabasa mo na ba ang Noli at Fili?

Ang Liwanag na Handog ng Noli Me Tangere

Sa mundo ng panitikan ay sadyang maihahanay ang walang kamatayang nobela ni Dr. Jose Rizal sa mga maniningning na obra maestra—Noli Me Tangere.

Hanggang sa kasalukuyan, magdaan man ang maraming bagyo’t unos, lumipas man ang libu-libong taon, hindi pa rin titila ang layunin ng may-akda para sa bayang tumubo sa Silangan. Patuloy ang pagyabong ng katotohanan sa bawat puso ng mambabasa at mananatiling nakaimbak sa ating kaluluwa ang bawat titik na binuo gayundin ang mga tauhang nagkaloob sa atin ng daan upang lubos nating makilala ang ating mga sariling pawang nakahimlay sa madilim na uri ng panahon ng daigdig.

Ang Noli Me Tangere ay siyang sumasalamin sa katagang “Huwag Mo Kong Salingin”. Kailanma’y hindi masasaling ni matitingki ng karuwagan at kasinungalingan. Sa kanyang mga pahina’y patuloy na sisikat ang nakasisilaw ngunit malambing na liwanag na inihahandog sa bawat Pilipino. Hanggang sa dulo’y masasalamin ang diwa ng pagkamakabayan. Hindi titinag sa paghabi ng Pilipinisasyon sa bayang luklukan ng kabayanihan at pag-ibig sa tinubuang lupa. Isang likha ng panulat at talino, higit kasama ang puso, na bahagi na ng ating pamumuhay. Kasama mo sa paghagkan sa ligaya at pagbayo sa kalungkutan. Nakikibaka. Nakikipaglaban. Subalit may matibay na paninindigan para sa kapayapaan. Walang puwang ang punyal at madugong pag-asa. Mananatiling sumasagwan sa lawa ng katatagan at kaluwalhatian.

Totoo. Ibinaon man nila sa ilalim ng lupa ang malamig na bangkay ni Dr. Rizal, katawan lamang niya ang kanilang nasupil, ngunit ang katotohanang kanyang isinawalat sa bawat sulok ng daigdig ay ‘di kailanman mapapawi. Ihagis man sa pugon, patuloy sa pakikibaka ang Noli Me Tangere. Ito’y hindi lamang pakikipaglaban sa panahon ng tusong Kastila na siyang kumitil sa kalayaan ng bayan noon kundi sa lahat ng mapang-api at mapanlinlang sa lahat ng panahon.

Sa nobelang ito, ang bawat kabanata’y matatanim sa ating buong pagkatao. Kahit sa mga panahong ito, binibigyang-lunas nito ang kahinaan at kamalian ng bawat Pilipino at hinihilom ang sugat na nagdulot ng pagkadapa sa ibabaw ng lupa. Kahit sa mga panahong ito, ibinubunyag ang kabulukan ng mga ganid na nakaluklok sa kapangyarihan. Kahit sa mga panahong ito, itinatanghal ang tunay na uri ng pamumuhay ng bawat Pilipino. Ngunit ganoon pa man ay matatanaw pa rin ang aplaya ng pag-asa at tagumpay upang matanto ang kasaganaan at kalayaan mula sa nagdidiliryong kasamaan.

Ang bawat salitang binitawan ni Crisostomo Ibarra at ng mahiwagang nilalang na si Elias ay tiyak na magpapalinaw sa iyong pananaw. Samahan mo si Maria Clara sa paglalakbay sa hardin na puno ng mababangong bulaklak habang umaawit ang kanyang mga matang nagniningning. At supilin ang mga nagbabalatkayong uri ng taong gumagala sa paligid. Mahabag sa Inang Bayan sa katauhan ni Sisa at malumbay sa katauhan ni Pedro, at mahiya para kay Donya Consolacion. Hanapin ang sagot sa mga palaisipan ni Pilosopong Tasyo.

Ang nobelang ito ay nilikha hindi lamang upang umaliw kundi upang magsilbing armas sa pagsugpo sa kamangmangan.

Kamangmangang nagdudulot sa atin ng luha’t pighati.

Sa pagbuklat ng aklat na ito’y mamamatay kang may magandang pananaw.

Paglilok ng Pananaw Mula sa El Filibusterismo

Narinig natin ang nakatutulig na sigaw ng pusong ginapos ng mabigat na tanikalang pulos tinik. Namalas natin ang rumaragasang agos ng dugo buhat sa bukal ng pag-ibig sa bayan.

Ang mga bagay na ito ay siyang ipinadama sa atin ng nobelang El Filibusterismo mula sa paglilok ng Ginoo ng Nasyonalismo—Dr. Jose Rizal.

Nililok ng mabuting ginoo ang tuwirang balangkas sa mabuting pananaw sa pagkamit ng kalayaan ng bayan. Itinuwid niya ang baluktot na landasin ng mga Pilipino. Ginamit ni Rizal ang kanyang paet upang sa kanyang paglilok ay matapyas ang bulok na sistema ng pamahalaan at simbahan noong panahong yaon. Hinulma niya ang lipunan bilang isang maunlad na lupain sa darating na bukas. Binuhusan ng matitingkad na kulay ang mga pangarap na ito hanggang sa nabuo ang imahen ng isang bayang hinubog sa pag-asa, tamang edukasyon, banal na relihiyon, at dalisay na pag-ibig.

Sa katotohanan, ang imaheng ito ang naging huwaran ng pangarap ng maraming Pilipino sapagkat matindi nga ang naging sugat sa panahong labis na ang pagdurusa ng ating bayan sa kamay ng malulupit na Kastila.

Kung sa Noli Me Tangere ay nagising ang nahihimbing na mga Pilipino, sa El Filibusterismo naman ay nagbangon na! Tuluyan nang nag-alsa! Kaya’t sa kasaysayan, naganap ang paghihimagsik ng Katipunan hanggang sa tuluyan nang nasumpungan ang kalayaan.

Sa katotohanan pa rin, ipinagpatuloy nila ang naudlot na adhikain ni Simon madugo man ang pamamaraan. Binuhay ang kanyang pagnanasang magkaroon ng bagong lipunan na magiging bukal ng kalayaan at kaunlaran. At ang pangarap na ito ang higit na nakaimbak sa kanyang baul ng kayamanan.

Ngunit sa katotohanan pa rin, sa kabila nito, ipinahayag pa rin ni Rizal sa kabuuan ng akdang ito na ang karahasan ay hindi tuwirang lakas upang makapiglas sa mahigpit na kapit ng mga mapaniil. Ngunit sa kabilang pananaw, ayon sa mga naglunsad ng himagsikan, labis na ang paghihintay at kailangan nang pagbuklurin ang tapang!

Sa kasalukuyang panahon, ito ay isa pa ring matinding hamon sa bawat Pilipino. Kung ating mainam na susuriin, ang pagkamatay ni Simon ay hindi pa ang katapusan ng kasaysayan sa nobela. Ito ay isang pagsisimula pa lamang.

Anong kabanata ang iyong idudugtong?

Sarili lamang natin ang makasasagot nito dahil tayo ay manlililok ng ating sariling pananaw.

1 thought on “Pilipino, Nabasa mo na ba ang Noli at Fili?”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *