Paskong Pinoy

Herwin CabasalIba pa rin ang Paskong Pilipino! Wala na ngang sinsarap ang pagdiriwang ng kapaskuhan sa Pilipinas.

Disyembre na naman.

Nanlalambing na ang malamig na simoy ng hangin. Naririnig na ang nakaaaliw na Christmas carol ng mga munting bata sa lansangan na parang mga anghel sa kalangitan na nagsisiawit ng papuri sa Panginoon sa saliw ng mga maliliit na tambol, lira, at trumpeta.

Isinasabit na ni Kuya ang parol sa labas ng bahay. Kumukuti-kutitap na ang mapaglarong ilaw sa paligid na inihanda ni Tatay. Abala naman sa pagpapaganda ng Christmas tree si Nanay sa loob ng bahay habang nagbabalot na ng mga regalo si Ate. Si bunso naman ay buong tiyagang nakatingala sa langit na punung-puno ng mga kumukurap-kurap na bituwin, umaasa sa pagkaway ni Santa Claus. Kukuha pa nga iyan ng medyas at saka isasabit sa bintana, baka raw bukas paggising niya ay may lamang bagong laruan.

Sa loob ng bahay ay masisilayan din ang isang maliit na belen sa altar. Naroon sina Jose, Maria, at ang sanggol.

Tumataginting na ang malakas na tunog ng malaking kampana sa simbahan sa kabayanan. Nag-aanyaya sa mga tao na makiisa sa Simbang Gabi. Pagkatapos ng misa ay nag-aabang naman ang espesyal na bibingka katabi ang umuusok na tsaa pati na ang kulay ubeng putubungbong.

Bisperas na ng Pasko. Noche Buena! Nagluluto si Nanay ng katakam-takam na hamon. Pinapaikut-ikot lamang naman ni Tatay ang kinatay na baboy na nakatuhog sa buho sa ibabaw ng baga. Habang si Kuya ay naghahalo ng halaya sa malaking kawali.

Malapit nang pumatak ang alas-dose. Inihahanda na ni Ate ang mga pinggan at baso sa hapag-kainan. Nakahain na ang kanin at mga ulam. May kare-kareng sugpo, embutido, beef steak, kaldereta at adobo. Mayroon ding rilyeno at pritong manok. Inilabas na rin mula sa ref ang halaya, leche flan, at iba pang minatamis tulad ng beans, garbansos, at fruit salad naman mula sa freezer. Nariyan din siyempre ang quezo de bola at suman. Makakalimutan ba naman ang malinamnam at malutong na lechong baboy sa gitna ng mesa habang kagat ang isang mapulang mansanas sa kanyang bibig? Bukod dito ay nakapaikot din ang mga bilugang prutas: dalanghita, ubas, peras, pakwan, mangga, melon, at marami pang iba! Ibinuhos na rin sa pitsel na may mga tipak ng yelo ang Coke.

Pasko na!

Nagsiupo na ang buong mag-anak sa mahabang mesa. “Sa ngalan ng Ama, Anak, at Espiritu Santo. Salamat po Lord sa mga pagkaing ito na Iyong ibinibigay sa amin. Salamat po dahil sama-sama po kami nina Tatay, Nanay, Kuya, at Ate. “Happy Birthday, Jesus!” ang panalangin ni bunso sa kanyang pamumuno bago kumain.

“Maligayang Pasko!” ang bati nila sa isa’t isa. Humalik na ang magkakapatid kina Tatay at Nanay. At silang lahat ay nagyakapan. Masayang nagsalu-salo ang pamilya sa pagsalubong sa kapaskuhan. Pagkatapos kumain ay nagpalitan ngayon sila ng mga regalo at Christmas card.

Kinaumagahan.

Nag-uunahan sa paliligo ang magkakapatid at sabik na sabik sa pagsuot ng mga bagong damit at magarang sapatos. Nagsimba ang buong pamilya at sama-samang nagpasalamat para sa dakilang araw na ito. Tumuloy ngayon sila sa bahay ng kanilang lolo at lola. Naroon din ang kanilang mga tito at tita. Nagkamustahan naman ang magpipinsan. Ang iba ay galing pa sa Maynila. Ang ilan naman ay galing abroad. Ang mga maliliit na bata kasama si bunso ay abala naman sa pagmamano sa kanilang mga ninong at ninang kasabay ng pag-abot ng malulutong na aginaldo. Ang saya talaga ng Christmas party para sa reunion ng malaking pamilya!

Iba talaga ang Paskong Pinoy! Saan ka man sa mundo, hahanap-hanapin mo pa rin ang magandang araw na ito sa Pilipinas. Dahil dito sa atin, ang pamilya ay ang salamin ng kapaskuhan.

Masdan mo ang inyong belen.

Leave a Reply