Nakatawa sa Gitna ng Problema

“Hanga lang ako sa kakayahan ng mga Pilipino na pagtakpan ang sakit na nararamdaman at ipakita ang mas “masayang” larawan sa kabila ng lahat.”

Jon MagatNoong taong 2009, inilathala ng The New Economics Foundation na ang mga Pilipino ay nasa ika-14 sa pinakamasayahing tao sa buong mundo, batay sa 2009 Happy Planet Index (HPI). Ibinatay ng HPI ang pananaliksik nila mula sa mga sumusunod: pagkakuntento sa buhay, life expectancy, at environmental footprint — lupang kinakailangan upang mapanatili ang isang populasyon at makuha ang enerhiyang kinukonsumo nito.

Ang ganitong mga uri ng pananaliksik ang lalong nagpapatunay na ang mga Pilipino, sa kabila ng sapin-saping suliranin at alalahanin, ay nananatiling palangiti at may positibong pagtanggap sa buhay. Kadalasan, ang mga isyung panlipunan na nakakaapekto sa ating pamumuhay ay ginagawang libangan na lamang na nauuwi sa biro at papalitan nito ng saya ang nakapanlulumong sitwasyon at kalagayan ng ating lahi.

Sa henerasyong ito ng mobile phone at short messaging system (SMS), sino ang hindi nakakaalam sa maka-nosebleed na mga hirit ni Inday? Kahit ang pambansang bayani natin ay hindi nakaligtas sa sosyalerang si Inday:

Rizal: Inday, ang hindi marunong magmahal sa sariling wika, ay mas masahol at masangsang pa sa halimaw at malansang isda.

Inday: Thank you for your wonderful words of wisdom. But don’t you know that I’ve already read all your writings? And unfortunately, I was really disappointed because majority of your novels were written in Spanish and Latin. So, therefore, you are the ultimate violator of your own aphorism.

Rizal: Yabang mo! Halimaw!

Sa maraming serye ng text jokes na kumakalat sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino, isa yang si Inday sa pinakapatok na nagpapagaan sa buhay ng mga Pilipino. Hinigitan pa nga ni Inday ang kasikatan ni Ederlyn.

Kung susuriin natin, ang mga birong ito ay naka-ugnay sa pang-araw-araw nating pamumuhay. Kadalasan, nakapaloob sa mga birong ito ang bangungot na pilit nating tinatakasan. Madaling makahanap ng outlet ang mga Pinoy para ang kalungkutan ay maisalin sa kaligayahan. Kahit sa panahon ng sakuna, hindi pinalalampas ng mga Pilipino ang pagbibiro upang mapagaan ang nararamdaman niyang “kirot” na ibinunga ng hindi magandang pangyayari. Eto ang isang classic na halimbawa na kumalat sa Internet pagkatapos ng pinsalang idinulot ng bagyong Ondoy:

Gloria na nagsu-surf sa baha

Ang larawan sa itaas ay in-edit upang palitawin na ang dating pangulo ay nag-i-enjoy sa pagsu-surf sa baha habang ang mga kababayan nating na nasa tunay na larawan ay hindi rin naman kakikitaan ng ganoon katinding pagkabahala sa kanilang sinapit. Marahil, ang birong ito ay nakatutuwa sa unang tingin pero sa likod nito ay maraming kuwento ang maaari nating mabuo.

Hanga lang ako sa kakayahan ng mga Pilipino na pagtakpan ang sakit na nararamdaman at ipakita ang mas “masayang” larawan sa kabila ng lahat. Ito ang isang katangian ng mga Pilipino na hahanap-hanapin ko sakaling mawalay ako sa bansa. Kahit saang sulok ng Pilipinas, may ngiti kang makikita. May simangot ka man na masisilayan, tiyak na madali lang siyang pangitiin. Saang panig ka man ng mundo manirahan, merong problema at alalahanin. Pero kung ako ang tatanungin mo, mas gugustuhin ko nang manirahan sa bansa ang mga tao’y marunong tumawa sa gitna ng mga problema.

Author: Jon Magat

Si Jon Magat ay nagtapos ng kursong AB Mass Communication sa New Era University. Mahilig gumawa ng tula noong kaniyang kabataan, naging kaaliwan para sa kaniya ang pagsusulat. Unang siyang sumubok gumawa ng online journal noong 2002 at opisyal na naging personal blogger noong 2003. Nagkaroon din siya ng pagkakataong magsulat bilang feature writer sa isang classified magazine at ang kaisa-isa niyang feature article ay nalimbag mismo sa kaniyang kaarawan, taong 2000.

2 thoughts on “Nakatawa sa Gitna ng Problema”

  1. Hanggang ngayon,nanatiling panaginip pa rin ang pagbabago. Mahirap mang tanggapin pero ang katotohanan pa rin ang dapat harapin. Higit na mas kailangang higpitan ang pagpapatakbo ng pamahalaan dahil aanhin natin ang demokrasya na sa ating isipan ay puro lang kalayaan kung ito’y hindi nabibigyang hustisya. Kung kalayaan ang nais natin, mas maagap na mas malaki ang responsibilidad na nakapatong sa bawat balikat nating mga Pilipino dahil ang kalayaan na hangad ay dapat pangalagaan at hindi dapat abuso ang pasan. Bawat paglaya ay may kaakibat na responsibilidad. Ilagay natin na ang isang bata ay pinayagang lumabas. Kung kaya may tiwala ang kanyang mga magulang na iingatan niya kanyang sarili para hindi masira o mawala ang tiwalang yaon. Kung baga may babaeng nabuntis dahil naglakwatsya. Talagang guguho ang mundo ng kanyang mga magulang at ang tiwala ay hindi na babalik muli. Gaya ng ating minumutyang Pilipinas ay inaabuso na ng sangkatauhan ang kanilang kalaayaan. Siguro hindi naman natin ‘to maikakaila sapagkat maramng krimen na ang hindi pa nareresulba, may mga di inaasahang pangyayari na nakakasira sa reputasyon nating mga Pilipino gaya ng hostage taking sa mga turista, may maraming batang napabayaan, at iba pang maraming kalapastangang gawa ng mga taong tatak Pinoy. Hindi ba ito ay abuso na.?Tanungin mo sarili mo?
    Sa ating kapanahunan, hindi marapat na sundin ang pamahalaang demokrasya.Hindi karapat-dapat ipaubaya ang ganitong uri ng pamamahala sa mga Pilipinong abusado at sarili lamang ang iniisip. We are not worthy to share freedom. We are not worthy to take pride being a Filipino for even our own selves aren’t worth- praising for.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *