Mga Pamatid-Uhaw sa Tag-Init

“Sa isang tropikal na bansa tulad ng Pilipinas, hindi na bago ang mainit na panahon. At tuwing tag-init, iba’t iba ang gimik ng mga Pinoy.”

Jon MagatIlang linggo rin nating ninamnam ang malamig na panahon. Isang pagkakataon itong sandali lang nangyayari sa ating bansang may dalawang uri lamang ng klima: tag-init at tag-ulan. Ngayon, paminsan-minsan ay nararamdaman pa rin natin ang malamig na panahon lalo sa gabi pero dama na rin nating papasok na ang tag-init.

Sa isang tropikal na bansa tulad ng Pilipinas, hindi na bago ang mainit na panahon. At tuwing tag-init, iba’t iba ang gimik ng mga Pinoy.

“Sa malamig kayo dyan!” Ito ang pinakamabilis na pamatid-uhaw sa mainit na panahon. Sago’t gulaman na ang pantamis ay arnibal. Ahh… ang sarap! May mga sariwang prutas din na panalo kapag ginawang juice: buko at melon ang dalawa sa paborito kong prutas na ginagawang juice. Samahan mo ito ng malamig na yelo at swak na swak na pamatid-uhaw o panulak mo sa iyong pananghalian. Kung gusto mo naman ng mas malamig pa dyan, pwede kang gumawa ng fruit shake: buko shake na may halong pandan, melon shake, o kaya ay mangga shake. Pwede rin ang banana shake. Ilabas lang ang blender, lagyan ng pinirasong mga prutas na nabanggit, haluan ng gatas at asukal at syempre, yelo! Yummy!

Sa mga mahilig namang kumain lang ng sariwang prutas, ok na ok ang hiniwang pakwan na pinalamig nang husto bago ihain. Ok din gawin yan sa melon at manggang hinog. At napag-uusapan ang mga prutas at pampalamig, sinong Pilipino ang hindi nakakaalam at umaayaw sa napakasarap na halo-halo? Gaya ng iminumungkahi ng pangalan nito, halo-halo ang sangkap na sinamahan ng makremang gatas, asukal at yelo. Paborito kong sangkap sa halo-halo ang nata de coco, langka, pinipig at saging na saba. Meron din itong gulaman, sago, at kaong. Ang iba ay hinahaluan pa ito ng beans at leche flan.

Naging uso rin ngayon sa mga malls ang dating sikat na “street food” kung ituring, ang scramble. May pilang pagkahaba-haba, lahat gustong matikman ang tila-ice shake na hinaluan ng powdered milk, candy sprinkle, marshmallow, chocolate bits at kung anu-ano pa. Buhay na buhay pa rin naman ang nilutong sago na inihahalo rin sa yelo at flavorings na ayon sa panimpla mo. Lahat ng iyan, pamatid-uhaw sa mainit na panahon!

Ewan ko sa inyo pero ako, parang bigla akong naglaway sa isinulat ko. Para tuloy gusto kong lumabas ngayon at maghanap ng halo-halo sa mga tabing-kalye.

Author: Jon Magat

Si Jon Magat ay nagtapos ng kursong AB Mass Communication sa New Era University. Mahilig gumawa ng tula noong kaniyang kabataan, naging kaaliwan para sa kaniya ang pagsusulat. Unang siyang sumubok gumawa ng online journal noong 2002 at opisyal na naging personal blogger noong 2003. Nagkaroon din siya ng pagkakataong magsulat bilang feature writer sa isang classified magazine at ang kaisa-isa niyang feature article ay nalimbag mismo sa kaniyang kaarawan, taong 2000.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *