1964 nang bumulwak sa landas ng panitikan sa Pilipino ang Mga Agos sa Disyerto, isang kalipunan ng maiikling kuwento nina Efren Reyes Abueg, Dominador Mirasol (SLN), Rogelio L. Ordoñez, Edgardo M. Reyes, at Rogelio Sikat (SLN). Mula noo’y nakadalawang edisyon pa ito: isa noong 1974 at isa pa noong 1993.
At ngayo’y muli itong inililimbag. Kahapon, inilunsad ang ikaapat na edisyon ng klasikong kalipunan sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) sa Sta. Mesa, Maynila.
Panandang-bato sa kasaysayan ng panitikan sa Pilipino ang paglabas ng Agos noong 1964.
Lumitaw ito sa isang panahong nangingibabaw sa panitikan sa Pilipino hindi lamang ang sentimentalismo’t katimpian sa wika, kundi maging ang paglulunoy sa romansa’t kalibugan, gayundin sa walang-kapararakang mga kababalaghan – mga bagay na makikita noon, pangunahin, sa karamihan sa mga akdang naglabasan sa mga popular na magasing Liwayway, Bulaklak, at Aliwan.
Sumulpot din ang Agos sa isang panahong umiigting ang salungatan sa lipunang Pilipino: sa pagitan ng iilang nakaririwasa, sa isang banda; at ng nakararaming dukha.
Ngayon nga’y muling inililimbag ang Agos, at ngayon ma’y maaaring ituring na napapanahon ang muling pagbulwak nito.
Kung noo’y sentimentalismo’t katimpian sa wika ang kinalaban ng mga manunulat sa Agos, ang aklat ngayo’y maaaring tingnan bilang kontrapunto sa naghaharing pambabalasubas ng kung sinu-sino sa wikang pambansa – na sa kasawiang-palad ay sinusuhayan pa ng ilang bahagi ng akademya.
Wala na ang Bulaklak at ang Aliwan at ang Liwayway naman ay pasinghap-singhap at ilang ulit na tuloy na napabalitang tumiklop na, ngunit ang mga imprentang ngayo’y halos nagmomonopolyo sa paglalabas ng mga aklat sa Pilipinas – kabilang ang ilang imprentang pampamantasan – ay masigla sa pagpapalaganap ng “panitikang” pulos na tungkol sa tamis ng unang halik, sa pagtatagpo ng mga titi at puki at pagsasalpukan ng mga puson, at sa pakikipagsagupa sa mga engkanto’t aswang. May ilang maliit na palathalaang ganitong mga paksa rin ang ispesyalisasyon.
At matingkad pa rin ang mga sakit ng lipunang inilantad sa liwanag ng limang may-akda ng mga kuwento sa Agos: ang karalitaang bunga ng inhustisya’t ang desperasyong dala nito, ang kapabayaan at pagmamalabis ng mga maykapangyarihan, ang kalupitan ng lipunan sa mga itinuturing na naiiba, at ang kawalang-kahulugan ng buhay para sa marami. Buhay na buhay pa rin ang mga Andong at Anto at Tata Selo, na itinulak ng kawalanghiyaan ng mga kapitalista’t panginoong maylupa sa landas ng karahasan; ang mga Mang Itoy at Lino Fajardo na halos ay literal nang kumapit sa patalim upang mabuhay lamang; ang mga Elias na dumanas ng bigat ng kamay ng batas dahil sinagip ang ginahis na puri ng babaeng sinisinta; ang mga kagaya ni Clemenia at ng ina ng batang si Ida na dahil sa labis na kahirapa’y nabulid sa pagbibili ng sariling laman; ang mga Ogor at Quentin na biktima ng mapanghusgang lipunan; at maraming iba pang tauhang binigyang-buhay nina Abueg, Mirasol, Ordoñez, Reyes, at Sikat.
Maaaring may pagbabago sa ilang detalye, ngunit sa pangkalahata’y matingkad pa rin ang mga kalagayang naghahari nang unang bumulwak ang Agos. Kaya naman 46 na taon matapos na ito’y unang malimbag, nananatili ang kasariwaan ng mga akda sa antolohiyang ito.