Time-Space Warped

Sa ngayon, itim na ang konsepto ng greener pasture at mapait na ang land of milk and honey dahil isa na lamang itong idyomang magtatago ng pagkadismaya, pagkainis at kawalang pag-asa sa bangkaroteng takbo ng buhay sa Pilipinas.

Irrelevant na rin ang konsepto ng pagpapaypay ng nasyunalismo, demokrasya, matinong gubyerno, bagong pulitika at iba pang lenggwahe at jargon na ginagamit ng mga matatandang kilusan para itarak ang kanilang alternatiba sa kasalukuyan.

Laos na nga din ang “serve the people” at “man for the masses” dahil nilabnaw na ito ng kontra-komunistang propaganda ng militar laban sa mga partidong patuloy pa ring lumalaban sa marginal, header at footnotes ng kabuuang political landscape at kasaysayan ng lipunan.

Paos na ang henerasyong umaatungal sa kahabaan sa EDSA, umaariba sa kahabaan ng Recto at higit sa lahat, wala nang dating ang Mendiola, Plaza Miranda, Liwasang Bonifacio. Pandidilatan at kibit balikat na rin ang mga panipi mula sa sulatin nina Marx, Engel, Lenin at Mao at malamang sa hindi bibihira na rin ang nakakakilala kina Prodhoun, Stirner at Warren. Minamani-mani na lamang ng henerasyong ito ang konsepto ng modelo at influences gaya ng pagkawala ng iconodules sa panahong ninanaknak ng iconoclasts ang monolitikong kapangyarihan ng mga relihiyon.

Irrelevant na nga rin ang konsepto ng MTV at ang henerasyong itong ng kabataan na nabubuhay sa espasyo ng MySpace, bumubuo ng komunidad sa tulong ng Multiply at naglalahad ng pansariling kuru-kuro at pananaw sa pamamagitan ng blog, nagpapakasaya sa pamamagitan ng RPG, nakikipagtalakan sa pamamagitan ng forums at higit sa lahat, 24/7 plugged in para hanapin si pag-ibig at masumpungan ang kalibugan.

Sa totoong buhay nga lang din ay sasapat na ang mga call centers na parang kabuting nagsusulputan para tanggapin ang malaking bilang ng mga kabataang marunong mameke English Carabao at makapamuntong New Jersey o Manhattan upang hubugin ang sarili nilang dimension, batas at pagbibigay ng buhay na patotoo sa post-modernong konsepto ng personal freedom at individual choice sa kabila ng kawalang malay sa kung sino si Nietzche, Foucalt, Baudrillard at iba pang pangalang mahirap i-memorize.

Walang kabuhay-buhay at walang kalibug-libog ang kabataan sa usaping lalampas sa kanilang sarili at kahit mabuhay pa si Rizal sa libingan upang igiit na ang “kabataan ang pag-asa ng bayan” ay mas nanaisin na lamang niyang humimlay sa rebultong binabantayan gaya ng pagbabantay sa labi ni Bonifacio kesa maggiit at manermon hinggil sa papel ng kabataan sa kanyang lipunan.

Kaya nga mas makabubuti pang burahin na lamang sa limot ang linyang iyan sa napakaraming panimula o panghuling gitla ng mga madalas umaakyat sa entablado para magpaliwanag, mangatwiran, mangumbinsi at maglahad na para bagang kapado nila at basado nila ang galaw, buhay at ritmo ng kabataan. Kulang na lamang ay sabihin nating, sawa na kami sa hamon, puro na lamang challenges, wala man lang pag-asang binibigay.

Sumisiklo ang sinisismo, pesimismo at idealismo na parang mga electronic particles sa hangin at ang pagsasalimbayan nito’y nagbibigay ng isang chilling effect kung saan ang buong lipunan ay umiikot pero isang static, stagnated at space-warped. Wala itong pinag-iba sa treadmill, stationary bicycle at iba pang analohiyang nagpapakita ng galaw ngunit walang pag-usad.

Ito ang matuturing nating defining moment sa kasaysayan ng henerasyon ito: limitations, mortality and breaking points. Apathetic para sa iilan, complacent para sa marami. Binabaon tayo sa dami ng hamon ng kasaysayan, tumatakas sa paghanap ng matinding tulak pero patuloy na hinahapo sa paikut-ikot na ikid ng buhay kasabay ng pagkuyakoy sa kung ano ang latag natin.

Sa panghuling salita, masaya na ang henerasyong ito sa mundo nila bagaman alam nilang the ang luma ay di na makapamumuno sa lumang paraan dahil winasak na nito ang kanyang pagiging lehitimo, kapangyarihan and pang-akit. At higit sa lahat, walang gagawin ang herasyong ito kahit alam nilang sa kanilang sinapupunan susulpot ang bago na hindi tinatakan bilang komunista, hindi nilamon ng sistema at hindi umaastang messiah na magliligtas sa sambayanan.

Kay sarap bang mabuhay sa isang time-space warped?

2 Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.