Tinig.com » Maikling Kuwento

Kahel
Tila hindi bibitiw sa baril ang mga daliri ni Nonoy kahit na pukpukin ng maso.

Buo na ang kanyang kapasyahan: aasintahin niya ang ulo ni M. Villa, ang kanyang pangunahing kalaban sa panguluhan ng bansa, at kakalabitin niya ang gatilyo. Mabaliw-baliw na si Nonoy sa galit dahil may ilang linggo nang halos araw-araw ay laman ng mga balita si M. Villa at ang pagsasalaysay nito ng mga ulat mula raw sa mga sakada ng Hacienda Lucia na siya, kapag nalalasing, ay mahilig na mamaril ng sinumang dumaan sa kanyang harapan. Buo ang paniniwala niyang makasisira ito sa kanyang kampanya, kahit na ang mga marka niya sa lahat ng sarbey ay tila walang alam na tunguhin kundi pataas.

At ngayon, sa kanyang sasakyang nakahimpil may ilang daang metro mula sa tanghalan, nakaabang siya at ang kanyang mga badigard sa pagtawag sa pangalan ni M. Villa.

“At ang susunod na magsasalita, mga kababayan, ay ang dapat na maging susunod na pangulo ng Pilipinas — walang iba kundi si M. Villa!”

Humigpit pang lalo ang kapit ng mga daliri ni Nonoy sa baril. Bumaba ang bintana ng kanyang sasakyan at bahagyang sumungaw mula roon ang bunganga ng baril ni Nonoy.

Subalit natigilan siya pagsipat niya sa teleskopyo.

Mukha niya ang mukha ni M. Villa!

Napaigtad mula sa pagkakahiga si Nonoy at natagpuan niya ang kanyang sarili sa silid-tulugan. Sa kabila ng init ng madaling-araw, kasinlamig ng yelo ang pawis niya. Sinindihan niya ang ilaw sa lampshade sa mesitang katabi ng kanyang kama, at siya’y napalingon sa salamin sa dingding.

Mukha ni M. Villa ang mukha niya!

Kumawala mula sa kanyang lalamunan ang isang makabasag-tainga, kakila-kilabot na sigaw.

Naramdaman niyang niyuyugyog ng kanyang mga badigard ang kanyang balikat at siya’y iniwan ni Pagtulog.

“Binabangungot yata kayo, Ser.”

Maaliwalas ang umaga. Ngunit naglalaro sa dibdib ni Nonoy ang mga damdaming kasindilim ng hatinggabing walang buwan at bituin.

Hinanap niya ang salamin subalit wala ito sa kinalalagyan.

Muli, kumawala mula sa kanyang lalamunan ang isang makabasag-tainga, kakila-kilabot na sigaw.

Hindi na niya malaman kung saan nagwawakas ang panaginip at saan nagsisimula ang totoong buhay. Hindi na niya alam kung si M. Villa ba ay naging siya, si Nonoy, o kung siya ba, si Nonoy, ay naging si M. Villa.

Nagtatakbo siya palabas ng silid-tulugan at nang marating ang silid-kainan, itinaob niya ang hapag at tumilapon sa sahig ang lahat ng pagkaing inihanda bilang almusal at panghimagas — kabilang ang ilang kahel na naggulung-gulong.

Natuon ang mga mata ni Nonoy sa mga kahel at lumitaw sa kanyang diwa ang mga eksena mula sa isa sa kanyang mga klase noong siya’y nasa kindergarten.

“Okay, class, remember — red plus yellow equals orange. Repeat!”

“Red plus yellow equals orange.”

Sa kanyang isip ay parang demonyong nanunudyo ang isang tanong:

Ano nga naman ang kaibhan ng dilaw at kahel, liban sa ang kahel ay dilaw na may halong pula?

At habang sinasabunutan ni Nonoy ang sarili, sa kanyang diwa’y paulit-ulit ang dagundong ng pinapag-isang tinig ng mga paslit na nagsasabing red plus yellow equals orange…

No related posts.

Yaon Ay Isang Ngiti
LAGANAP na ang dilim na hatid ng gabi. Malaya na sa talim ng silahis ng araw ang bawat sulok ng sinungaling na lungsod. Naghahari sa mga tiwangwang na lansangan ang mga nilalang na buhay na buhay tuwing sasapit ang gabi: mga panggabing dyip, night club, motel, mga bakla, callboy, lagalag, pulubi, puta, holdaper at marami pang nilalang na ang dilim na hatid ng gabi ang siyang pananggalang, kalasag, sa mga mapanuring mata ng lipunan sa umaga.

Ang buwan noo’y hindi masisilayan, tinatalukbungan ito ng nagkakapalan at nag-iitimang mga ulap. Waring sinadyang kumutan, ang noon sana’y bilog na buwan, upang itago sa mapaglarong buhay ng mga nilalang sa dilim. Hindi batid ni Tas ang kabilugan ng buwan nang gabing iyon ngunit alam niya, at ramdam niya, ang pagdantay ng malamig na simoy ng hangin sa kaniyang buong katawan.

Ilang sandali na lamang at bubuhos na ang isang malakas na ulan. Kailangan ‘kong magmadali, uulan na. At ang bahay, walang tao. Pauwi na siya mula sa maghapong pagtitinda sa Cubao. Isang tindahan ng kung anu-anong abubot, na pag-aari ng isang matandang Intsik, ang araw-araw na bumabati sa kaniyang umaga at pumapatay sa kaniyang maghapon.

Rekomendado lamang siya ng isang kakilala sa trabahong iyon. Lingguhan ang sahod. Limandaang piso sa loob ng limang araw na pagpapaos at pagtayo. Walang benepisyong natatanggap. Wala ring libreng pagkain. Magrereklamo ba siya? A, ‘wag na, baka matanggal lang ako. Ano pa ba’ng aasahan ko? Wala naman akong tinapos! Ilang taon na nga ba siyang tindera sa lugar na iyon? Isa? Dalawa? Hindi niya alam. Ang tanging batid niya’y matagal-tagal na.

II.

MALIIT lamang siya, at yayat ang katawan. Maikli ang kaniyang kinulay tansong buhok na hindi bumagay sa humpak niyang mga pisngi at nanlalalim na mga mata. Matingkad na kayumanggi, na maihahalintulad sa tsiko, ang kaniyang kulubot nang mga balat. At ang halos hindi na mabilang-bilang na gatla sa kaniyang mukha ang siyang sumisigaw sa natatanging ugali at sa edad na hindi na maikubli ng kaniyang kolorete. Hindi siya nakikitang nakangiti. Walang emosyong nailalantad ang kaniyang mga galaw. Walang bahid ng pagkagiliw sa mga bagay na sa pangkaraniwang tao’y nagdudulot na ng labis na kasiyahan. Pawang pagkabagot. Inis. Kawalang pagtitiwala. Bagamat isa nga siyang tindera, walang kasanayang naidulot ang trabahong ito sa ugaling matagal na niyang dinadala.

‘Wag naman sana ‘kong abutan ng ulan. Sakay siya ng isang dyip na biyaheng Cubao-Divisoria, pauwi na sa inuupahang bahay sa Tondo. Mabilis ang takbo ng dyip, tila nakikipagkarera sa hindi mawaring kalaban. Habang binabagtas ang kahabaan ng Magsaysay Blvd., napagisip-isip ni Tas na kinakailangan niyang bumili ng gamot. Ganitong malamig ang panahon, kailangan ‘kong bumili ng gamot. Mabuti nang handa, baka mam’ya’y atakihin na naman ako ng hika. Maraming naglalaro sa kaisipan ni Tas habang umaandar ang dyip, mga problemang matagal na niyang pinapasan, ang sakit na ilang taon nang nagpapaimpis sa kaniyang baga, ang buwan na hindi niya mahagilap sa kalangitan, at ang nag-iitimang mga ulap na tila nakikidalamhati sa mga pasakit na kaniyang pilit hinahapan ng solusyon at kasagutan.

Nagpara siya. Malayo mula sa botika ang pinagbabaan sa kaniya. Buwisit na drayber ‘yon a. Nakailang sigaw na ‘ko ng  para’y hindi marinig-rinig. Disin sana’y hindi na ‘ko naglalakad. Adik ‘ata ‘yon. Dala ang kaniyang baon na payong, patakbo-lakad siyang nagtungo sa bilihan ng gamot.

Iilan na lamang ang nakasasalubong ni Tas sa daan. Unti-unti na ring nawawalan ng buhay ang bangketa. Ilan na lamang ang nagtitinda at ang iba’y tuluyan nang nakapagligpit, at masabi pa’y mahimbing nang natutulog sa kani-kanilang tahanan.

Maingat si Tas, mapagmatyag at sabihin na nating mapanghusga sa anumang bagay na nakapaligid sa kaniya. Baka isa sa mga taong ito’y mandurukot o kaya’y holdaper. Kailangang mag-ingat. Halos liparin niya ang daan makarating lamang sa pupuntahan at maiwasan ang kung anuman, na para sa kaniya’y masasamang bagay na maaaring mangyari. Wala siyang pakialam sa mga nakasasalubong, lalong higit sa mga “mukhang mahirap” na lagi niyang bansag sa mga taong di-kaaya-aya o kaya’y di mapagkakatiwalaan. Maski ang mga poste’t ilaw ay hindi niya magawang pagkatiwalaan, kahit na ang mga ito’y halos talunin na ang araw sa lakas ng liwanag na inilalaan sa mga kalye at daan. Wala namang tulong ang mga ilaw na ‘yan. Tuloy pa rin naman ang mga masasamang loob kahit nariyan ‘yang mga ‘yan.

Ilang sandali lamang ang lumipas ay nabili na ni niya ang kinakailangang gamot. Uulan pa kaya? Buti naman at naalala ‘kong bumili ng gamot. Madalas ang pagbili niya ng gamot para sa kaniyang hika. Ilan taon na niyang isinusumpa ang sakit kasama na ang mga pangyayaring nagdulot sa kaniya ng kamalasang hanggang ngayo’y gumagambala sa kaniyang mahihimbing sanang tulog. Bata pa siya, siguro’y nasa siyam o sampu o labindalawang taong gulang, nang magkaroon ng hika.

III.

ISANG malaking kumpanya ng pagtototroso ang sinisisi ni Tas sa kamalasang kaniyang dinadala. Malapit ang trosohan sa kanilang maliit na barungbarong sa Lopez, Quezon. Doon sila madalas maglaro noon, sa trosohan na puno ng alikabok. Habulan. Taya-tayaan. Patintero. Tagu-taguan. Matapos ang paglalaro’y mauupo sila sa malalaki at mahahabang troso, magkukuwentuhan ng kung anu-ano. Nakatatakot. Nakatatawa. Nakasisindak. At ilang programang napapanood nila sa telebisyon. Kasabay ng mga hingal, ng mga kuwento’t halakhak ay ang paggiling ng mga makinang pamputol. Mga dambuhalang hugong na naging parte na ng kabataan ni Tas. At ang makakapal na alikabok na sumira sa kaniyang baga.

Simpleng ubo lamang noong una. Hindi na ipinagamot ng kanyang ama, na isa ring trabahador sa trosohan, ang simpleng ubo na iyon. Naiintindihan niya. Mas mahalaga ang pagkain. Sa kanilang kalagayan ay hindi na uso ang gamot, milagro kung ituring ang makakain ng tatlong beses sa isang araw. Tiniis niya ang sakit sa dibdib.

Isang gabi’y nagising na lamang siya at tila isang malaking bato ang nakaharang sa kaniyang lalamunan. Hindi siya makasigaw. Hindi makahinga. Tagaktak ang pawis sa kaniyang mukha. At waring nakakulong siya sa isang masikip, madilim at nakapapasong bartolina. Gusto niya ng tubig. Tubig! Inay, gusto ko ng tubig. Tulungan mo ako, inay. Naglalaro lamang sa kaniyang isip ang mga salita. Isang makapal na ulap ang biglaang tumambad sa kaniyang harapan. Nilamon siya nito.

Nagising na lamang si Tas kinaumagahan nang hindi alam ang mga sumunod na nangyari. Inay, ano pong nangyari kagabi? Mabuti at nagising ang kaniyang ina sa malakas at paulit-ulit na langitngit ng papag niyang higaan. Dali-dali siyang pinainom ng tubig. Hinaplusan din siya ng langis sa kaniyang dibdib at likod. At inanod, tulad ng mga buhangin sa dalampasigan, ang malaking bato sa kaniyang lalamunan. Unti-unti’y bumalik na ang normal niyang paghinga. Hindi niya batid ang lahat.

Mula noo’y naging madalas na ang pangyayaring iyon. Hindi lamang sa gabi. Sa araw. Sa eskuwelahan. Sa palengke. Sa trosohan. Asthma pala ‘to. Nalaman niya mula sa kaniyang guro sa kalusugan. Hika. Sakit daw ng mayayaman. Nakukuha sa matinding pagod. Sa mga usok. Sa alikabok. Sa trosohan.

Sa wari niya’y parte na yaon ng kaniyang buong katauhan tulad ng tibok ng kaniyang puso o paglago ng kaniyang buhok. Nasanay na siya sa bawat pag-atake. Ngunit sa pagkasanay na iyo’y kabawasan naman ng kaniyang mga gawain. Bawal ang sobrang pagod. Bawal ang usok. Ang paglalaro. Takbuhan. Taguan. At nagbago siya mula noon.

Labing walong taong gulang siya nang lumuwas ng Maynila. Hindi na niya naipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral magmula nang mamatay ang kaniyang ama dahil sa emphysema. Nagpasiya na lamang siya na lumuwas ng Maynila at tulungan ang kaniyang ina.

IV.

Ito pala ang Maynila. Nagmistulang isang batang nakarating sa paraiso ng mga laruan ang unang pagtapak ni Tas sa Maynila. Isang paraisong para sa kaniya’y maghahatid ng isang matagumpay na pangarap. Ngunit mali ang naging tugon ng paraiso kay Tas. Nilamon siya nito. Katulad ng iba pang nangarap na makarating sa paraiso, nalunod siya sa magulong daloy ng buhay sa Maynila. Ibang-iba sa buhay niya sa Quezon.

Pinasok niya halos lahat ng trabaho: yaya, janitress, waitress, hostess at iba pa. Ngunit lahat ng iyo’y parang mga ulap na biglaang naglalaho sa langit. Porke ba’t ‘di nakapag-aral e  gaganun ganunin na lang nila ako. Letse nila! Mga mukha silang pera! At tulad ng unti-unti niyang pagkakakilala sa Maynila, natutunan rin niya ang buhay dito. Ang mga mura. Ang mga away. Mga kabastusan. Tuluyan siyang nilamon ng lungsod.

Isang araw, isang liham ang dumating mula sa Quezon. Walang ngalan ng pinagmulan ang sulat. Ang akala ni Tas ay mula iyon sa kaniyang ina. A, nanghihingi na naman ang Nanay. Ngunit hindi iyon ang sulat-kamay ng ina; Ditas, nakikidalamhati ako sa iyo. Ang inay mo’t dalawang kapatid, si Itong at Noy, pare-parehong nakasama doon sa landslide. Hanggang ngayon ay ‘di pa rin sila makita. Muli, nakikiramay ako. Aling Nenita.

Walang emosyong mababakas sa kaniyang mukha nang mabasa ang liham. Blangko. Ngunit may sumisigaw sa kaniyang kalooban. Wala na sila Nanay? Wala na! Hindi maaari. Ano pa’ng silbi ko? Ano?  Nagngangalit ang damdamin niya. Marami siyang gustong sisihin. Ang mundo. Ang karalitaan. Ang trosohan. Ang Diyos.

Naramdaman na lamang niya ang basang-alat na dumadaloy sa kaniyang pisngi. Kusa nang tumulo ang luha na pilit niyang pinipigilan.

V.

ISANG patak ng ulan ang dumampi sa pisngi niya. A, tapos na ‘yon. Gawi na ni Tas ang maalaala ang nakaraan sa bawat sandaling naghihintay siya. Binuklat niya ang payong. Maya-maya pa’y bumagsak na ang ulan. Wala na bang sasakyan? An’tagal naman. Magtatatlumpung minuto na siyang nag-aabang ng dyip, sapagkat panay taksi lamang ang dumarating. Pagkuwa’y naaninagan niya ang isang paparating na dyip. Luma na ito at isang matandang drayber na balbas-sarado ang nagmamaneho. Pinara niya ito.

Naupo siya malapit sa likuran ng drayber. Dito ang pinakamabuting maupuan. Maari akong maipagtanggol ng drayber. Matapos makaupo’y nagmasid siya sa mga kapwa pasahero. Sa tapat niya’y isang matandang babaing nakangangang natutulog, hawak ang bilaong paninda. Sa bandang duluhan ay dalawang lalaki, na naglalaro sa tatlumpu hanggang apatnapu ang edad. Malalaki ang katawan. Mga nakasando ng makutim. Ang isa’y may tato sa kaliwang braso, mukha ng Nazareno. Ang isa nama’y mahaba ang buhok at naninigarilyo. Nagkasalubungan sila ng tingin ni Tas. Nanindig ang balahibo niya. Bakit mapula ang mata niya? At bakit sila nakaupo sa dulo ng dyip? Naghinala siya.

Sa gitna naman ng dyip ay isang babaing estudyante, nakauniporme ng pang-nars. May dala itong dalawang makakapal na libro na nakapatong sa mga hita nito. Napansin niyang iwas din ang batang babae sa dalawang lalaking nakaupo sa duluhan ng dyip. May namuong takot sa kaniyang dibdib. Bumibilis ang tibok ng kaniyang puso.

Mga holdaper. Bababa ako. Nagpara siya. Para mama! Para!  Ngunit matagal bago siya mapansin ng drayber sapagkat abala ito sa pagharurot ng kaniyang dyip. Kasabwat ang drayber, naisaloob niya. Para mama! Para sabi e… Para!

Nang marinig siya ng drayber ay agad nitong itinabi ang dyip. Dali-dali siyang bumaba. Mabilis at handa. Nakita niyang nakangiti ang dalawang mama, nakatingin sa kaniya. Kinawayan pa siya matapos makababa. Humarurot muli ang dyip.

Hay, salamat! Gumaan ang pakiramdam niya matapos makababa. Ang akala niya’y mahoholdap siya. Nagpasalamat siya sa sarili. Alam niyang holdaper ang mga iyon. Sigurado siya sa kaniyang kutob, sa sansaglit na paghuhusga. At naalaala niya ang estudyanteng babae. Ano kayang mangyayari sa kanya? A, bahala siya, kung tatanga-tanga siya e mahoholdap talaga siya. Dapat e  kanina pa siya bumaba sa dyip na ‘yon.

Tumila na ang ulan.

VI.

MULI siyang nag-abang ng masasakyan. Panatag na ang kaniyang kalooban. Sa Arellano siya naibaba ng kaninang dyip. Tumila na ang ulan. Uulan pa kaya uli? Madilim pa rin ang kalangitan at ang buwan ay nakukumutan pa rin ng nagkakapalang ulap. Naglalaro pa sa kaniyang isipan ang nangyari kani-kanina lamang. Ang batang estudyante, ang dalawang lalaki at ang tinderang mahimbing ang tulog. Masuwerte pa rin ako. Buti na lang at magaling akong kumilatis ng tao. Bahala sila sa buhay nila! Tuluyan nang naglaho ang kabang kanina lamang ay nagpapabilis sa kaniyang paghinga.

Isang bagu-bago pang dyip ang huminto sa kaniyang harapan. Hindi niya ito pinara, sapagkat lumilipad pa rin sa kaniyang diwa ang mga pangyayari. Ngunit ngayo’y handa na siya sa muling yugto, wala na ang kaba, at siya’y kampante na ang dyip na iyo’y wala nang kamalasan.

Sumakay siya. At muli, doon siya naupo malapit sa drayber. Bata pa ang drayber na iyon. Mukhang binata sa kaniyang pagkakakilatis. Butuhan ang pisngi’t singkitin ang mga mata. May malaking pilat din ito sa bandang leeg. Wala nang kalaman-laman na pasahero ang dyip maliban sa isang lalaking katabi ng drayber. Payat ito. Malaki at luwa ang mga mata, iyong tinatawag na matang-butiki. Marahil e pagarahe na ito, naisip niya.

Nagbayad siya. Bayad ho ‘ma. Inabot iyon ng lalaking katabi ng drayber. A, konduktor, naisip niya. Tahimik sa loob ng dyip. Tanging hugong ng makina, at matinis na bulungan ng drayber at konduktor ang nagsisilbing musika sa gabing iyon.

Nakatanaw lamang si Tas sa patay na tanawin ng lungsod. Nagkakalat ang mga basura sa kunsaan, mga basurang kinalkal ng mga gumagalang askal, pusa at malalaking daga, at ilang palaboy. Nakatiyempo pa siya ng isang daga na hinihila-hila ang isang plastik ng basura. Tsk! Tsk! lamang ang naging tugon niya sa tanawing iyon.

Muling lumipad ang diwa ni Tas. Ang mga basura, ang mga askal, pusa’t daga, sa isip niya’y walang pinag-iba sa mga tao. Nabubulok na mga kaluluwa. Marurumi. Mababaho ang budhi. Iba talaga ang buhay sa umaga at ang buhay sa gabi. Ang lungsod ay nagbabagong anyo sa dalawang yugto. Ang umaga’y kaanyuan ng masasayang tawanan at halakhak, makukulay na pangarap, magandang pamumuhay. Isang kaanyuan ng katiwasayan at kapayapaan. Samantalang ang gabi, ang laganap na dilim, ay isang panibagong mukha. Ang kublihan ng kapusukan. Ang mga hantungan ng nagbabadyang panganib. Sa gabi–tuwing gabi madalas nagaganap ang mga krimen, ang mga aksidente, ang mga ‘di maarok na pangyayari.

Biglang gumuhit ang isang kidlat sa kalangitan. Nagulat si Tas. Nagambala sa pagmumuni. Ano ‘yun? Sandali pa’y umatungal naman ang isang malakas na kulog. Muli siyang nagulat at sa sandaling iyon ay napasigaw siya. Lumingon sa kaniya ang drayber at konduktor. Wala ho, nagulat lang ‘ko sa kulog. Kumunot ang noo ng dalawa kasabay ng pagtaas ng mga kilay nito. Ngumiti ang mga ito.

Akala ko e ‘di na uulan. Sana e mam’ya na bumuhos, malapit na ako sa Divisoria e. Maputik pa naman d’on. Malapit na siyang makauwi. Gusto na niyang ilapat ang kaniyang likod sa kutson na nakuha niya sa paybsiks, na kaniya pang hinuhulugan. Nagsunod-sunuran na ang pagkulog at pagkidlat. ‘Wag kang uulan.

Ngunit siya’y nabigo.

VII.

AT bumuhos nga ang isang napakalakas na ulan. Ibinaba niya ang trapal ng dyip. Punyetang ulan naman ‘to! Ang kaninang katahimikan ay pinalitan ng malakas na hampas ng ulan sa bubungan ng dyip. Tila hinahampas ito ng daang-katao. Hinahampas at sinisigawan. Napansin ni Tas ang pagbagal ng sasakyan.

Unti-unting nag-primera ang drayber, at tuluyan nitong itinabi ang dyip sa kanto ng Masangkay at Recto. Bakit kaya huminto ‘yong drayber? Nasiraan siguro. Sira ang poste sa kantong iyon. Papatay-patay na animo’y ilawan sa nightclub. Humarap sa kaniya ang konduktor. Ano ‘yon? Hindi ito sumagot. Iniangat nito ang isang paa at humakbang patungo kay Tas. Ano ‘ho ‘yon? Nagbayad na ‘ko a? Hindi pa rin ito sumagot. Tumabi ito kay Tas.

Tatlong salita ang naibigkas nito, “Holdap ‘to ale!?” garalgalin at may bahid ng itinatagong takot at kaba ang boses na iyon. Ha? “Putangina, bingi ka ba? Holdap ‘to? Sasaksakin kita! Ilabas mo na’ng pera mo!?” Itinutok sa kaniyang tagiliran ang lansetang iyon. Isang dangkal at kalawangin nang lanseta. Natakot siya. Nabigla sa mabilis na pangyayari. Ano ‘to? Ano ‘tong nangyayari? Kumakabog na ang kaniyang dibdib. Tila daan-daang mga padyak ng mga paa ang naroon, mabibilis, nag-uunahan, hindi niya maabutan. At siya’y kinakapos ng hininga. Malalim na hugot. Hinga. Buga. Hinga. Buga.

“Saksaksakin kita!? Ilabas mo na’ng pera mo!?” Hindi niya narinig iyon. Wala siyang ibang naririnig kundi ang mabilis na tibok ng kaniyang puso at naghahabol na hininga. “Hoy! A-ano? Ila-labas mo na’ng pera mo!?” Napalunok ng malalim ang kundoktor.

“Pare, ano na ‘yan? Saksakin mo na ‘yan ‘tas itulak mo sa labas! Putang’na mahuhuli tayo d’yan e. Saksakin mo na’t tapon sa labas! Bilisan mo, habang malakas pa’ng ulan.” Sigaw ng drayber sa konduktor. Hindi ito mapalagay, palinga-linga, at ang mga daliri nito’y naglalaro, waring nag-gigitara sa hangin. “Bilisan mo, pare!”

Hindi maintindihan ni Tas ang nangyayari. Saan ako nagkamali? Malalim na hugot. Hinga. Buga. Hinga. Buga. Na’san ang gamot ko? Sisigaw ba ako? Ano? Ilalabas ko ba’ng pera ko? Ano’ng gagawin ko? Natatakot ako. Malalim na hugot. Hinga. Buga. Hinga. Buga. Naramdaman niya ang dulo ng lansetang iyon, na nakalapat sa kaniyang tagiliran. Lumalalim. Mahapdi. Sumusugat.

“Saksakin mo na ‘yan! Larga na tayo!”

Bahagyang inilayo ng holdaper/konduktor ang lanseta, mga dalawang dangkal mula sa nagdurugo nang tagiliran ni Tas. “Tangina, makulit ka a!” Itinarak na nito ang lanseta. Aaagghh!  Malalim. Ibinaon nang husto. Dagling iniangat, at tuluyan nang inialis. Kinuha nito ang bag ni Tas at inihagis sa drayber. “O, pare!” Hinawakan nito si Tas sa kamay at inakay pababa ng dyip. Hindi alintana ang malakas  na ulan. Inilapag nito si Tas sa mismong kanto na iyon, sa ilalim ng poste, ang posteng hindi  mapagkatiwalaan ni Tas. Mabilis itong pumanhik sa dyip. “Tara, pare!” Humarurot ang dyip.

VIII.

SI Tas, siya’y naroon sa kantong iyon, sa ilalim ng poste, tigmak ng dugo ang buong katawan na binabanlawan ng malakas na ulan. Nalalasahan ang maalat-alat na tubig-ulan. Nilalamig siya. Basang-basa. Manhid sa naghahalu-halong emosyon. Puno ng pagtataka. Saan ako nagkamali? At naalaala niya ang babaing nakangangang natutulog, ang estudyanteng nars, ang dalawang lalaki sa lumang dyip. Ang nakaiinis at nakapanghihinala nitong mga ngiti, ang makukutim nitong sando. At naalaala niya iyon, ang pangitaing iyon. Iyon ba ang sagot? Ang kahabag-habag na mukha?

May mainit-init na naglagos sa kaniyang mga mata, humalo ito sa ulan na tila nakikiniig sa pinagmulan. At siya’y napangiti, isang matipid na ngiti. Ngiti hindi ng galak. Yaon ay isang ngiti ng pagkaunawa. Ngiti ng pagkatanto.

Nagpatuloy ang buhos ng ulan.

No related posts.

Tasa ng Kape
Walang ibang kapiling ngayong umaga kundi ang tasa ng malamig na kape. Mapait sa lasa kahit pa nga, halos tatlong kutsarang asukal na puti ang nailagay. “Pampa-diabetes,” sabi ng isang sulok ng namamanhid nang isip.

Nakatanaw sa bintana, abot-tanaw ang esterong halos hindi gumagalaw samantalang ang mga batang nakatuwaang manghuli ng kulikak, nagsisigawan, naghahalakhakan. Gusto mang mahawa sa hagikhikan habang ang isang paslit, na nakatuwaang manghuli ng kulikak, madulas at tuluyang magpalublob sa maitim at mabahong tubig, ngunit hindi magawang mangiti dahil…”

Nagpaalam siya papunta lamang sa isang kaibigan. Puting-puti ang kamiseta na tinirnuhan ng kupas na pantalong maong. Suot niya ang paboritong sandalyas na balat. Hindi na siya nagmedyas gawa nang basa pa, kasama ng sandamakmak na labadang kamiseta, karsonsilyo, panty, bra. Kanina lamang natapos banlawan ang nakababad.

“Huwag kang mag-alala, hindi naman ako magtatagal. Kailangan lamang naming mag-usap ni Martin, sa demolisyon,” sabi niya. Halos ayaw lumingon sa akin. Nakatalungko nakatanaw sa maruming tubig ng estero.

“Sabi ko sa’yo, huwag ka nang makisawsaw. Hinahanap ka ng ilang maton noong isang araw. Hindi ko sila kilala. Mabuti na lamang at hindi tumuloy dito. Natatakot ako,” ani ko. Gayunman, patuloy ang kanyang pag-aayos para umalis.

“Kung patatakot ka sa kanila, talagang tatakutin ka,” sabi niya. Lumapit. Hinaplos ang aking buhok na sabug-sabog dahil sa kanina pa sabunot, higit at hatak ng sariling kamay. Ayaw ko nang sinasabi niyang hindi dapat matakot dahil may bagay na dapat ikatakot. Hindi ko maintindihan kung ano ang gusto niyang iparating o gusto niyang maabot. Basta ang alam ko lamang, kung maisisingit niya sa oras ang pagbabasa sa mga libro niyang nababalutan ng kung hindi asul ay pula, ng mga dokumentong iniipit pa niya sa damitan, at ilang sulat na nagmumula sa kung saan na nakaselyo lamang ng scotch tape at wala man lamang adres. O kaya naman, ang pakikipag-usap din niya sa ilang mga tao na nakilala lamang sa mga palayaw. May Ka Osang, Manay Inday, kung anu-anong pangalan. Pagkaminsan, dumadalaw sila sa barung-barong. Pabulong kung mag-usap sila. Halos ayaw iparinig. At pagkaminsan, hindi, kadalasan, nakikitulog sila, nakikiamot sa tuyo at kaunting kanin. Matapos ay aalis muli. Patungo kung saan, hindi man lamang ipaalam sa akin.

Ngunit minsan, naringgan ko sila: “Lahat ay dapat magbigkis at lumaban — sa pangunguna ng mga manggagawa, sa tulong ng mga magsasaka.”

Hindi ko maintindihan, ang salitang magbigkis; ano ang tungkol sa mga manggagawa? Ano ang tungkol sa mga magsasaka? Ano ang tungkol sa kung anong sinasabi nilang sektor, saray ng lipunan?

Alam ko… Hindi siya taal na taga-amin. Dayo lamang siya roon. Nagsimulang makipag-usap sa kung kanikanino. Matamis siyang mangusap at magaling magpaliwanag. Sa inuman, siya ang tanungan — umiinom siya pero hindi naglalasing. Nakikituloy siya sa isang entresuwelo malapit sa amin.

Nagkita kami, minsan nang nakatambay ako malapit diyan sa may Avenida. Nag-aabang ako ng magbibigay ng laman para sa tiyan. Mag-isa lamang ako. Wala na sina inay at itay dahil matagal nang patay. Nang minsan kasing maggibaan, ang dalawang matanda, natutulog. Wala ako noong oras na iyon, nasa kalsada para maghanap ng ikabubuhay. Ayon sa mga saksi, itinuluy-tuloy ang mga pagbubuldoser. Nadamay ang matanda. Kaya nga, sa gitna ng tag-araw, walang tigil ang ulan sa aking mga mata.

Iniakyat niya ako sa motel. Nagkausap kahit pasumandali. Hindi niya ako ginalaw. At nalaman kong matagal na pala niya akong tinitingnan. Gusto raw niya ako. Napatitig ako sa kanya. May kung anong humaplos sa puso ko. At doon nga nagsimula ang lahat.

Kaaway raw siya ng estado, kung sino man o kung ano man ang tinatawag nilang estado. Basta ang alam ko lang, may dumating na kung sino: mga mukhang hindi mapagkakatiwalaan. May hinahanap silang pangalan: Marcelo Madlangsakay. Napatapat sila sa bahay. Itinanong kung may kakilala akong ganoon ang pangalan. Ang sabi ko’y wala. Inilarawan nila ang mukha, ang tindig at lalim ng hugot ng boses mula sa lalamunan. Siya iyon. Pero bakit iba ang pangalan? Hindi Marcelo Madlangsakay ang ibinigay niyang pangalan kundi Alejandro Mananquil. Hindi ako kumibo. May sumikdo sa dibdib ko. Basta ang sabi lamang sa akin ng mga maton, mag-iingat lamang kami sa kanya. Kaaway siya. Hindi dapat ipagkatiwala sa kanya ang buhay ninuman. Lason siya sa isip. Tibo siya sa puso ng sinumang maaring magmahal sa kanya.

“Babalik ka kaagad, ha? sabi ko sa kanya. Hinagkan niya ako sa labi. Sa mga mata niya, kakaiba ang nakita ko… pero hindi ko maipaliwanag.

“Maghintay ka lang,” aniya.

Parang may kung anong sumikdo sa dibdib ko nang mabalitaan ko ang isang komosyon. May lalaking dinukot ng anim na lalaki. Katulad ng suot niya. May mga nakasaksi, isinalarawan ang nakita nila. Nakapanghihilakbot dahil parang baboy daw na inihagis sa loob ng sasakyan. Hindi raw siya nag-iisa. Tinanong ang mga taong nasa paligid subalit ayaw nilang magsalita.

Ilang araw na rin siyang hindi dumarating. Manhid na ang isip ko sa pag-aalala. Ayaw niyang bumalik ako sa mga kalsada. Subalit hindi ko mapigilan ang sarili ko na hindi gumala. Pinipili ko talagang makatalik ang alam ko o mukhang pulis. Baka naman nalalaman nila. Kailangan ko siyang makita at makausap. Nanginginig ang mga kamay ko habang pilit na itinataas ang tasa ng lumamig na kape. Kumpirmadong siya nga ang parang baboy na pilit na isinakay sa sasakyan na walang plaka at madilim ang salamin. Siya nga ‘yon. Sinabi na sa akin ng mga kasamahan niya nang minsang dumalaw sa akin.

“Sumama ka na lamang sa akin,” sabi ni Manay Inday. “Delikado ka rito!”

Hindi ako kumibo. Matagal ang pananahimik. Hanggang nulas sa dibdib ko: “Pag-iisipan ko. Baka kasi bigla siyang umuwi wala ako.” Hindi rin kumibo si Manay Inday. Hinaplos niya ang braso ko. Niyakap bago siya tuluyang umalis.

Sinimsim ko at hagya lamang na dumaan sa lalamunan ko. May nakaharang na kung ano. Nasa isip ko ang hitsura niya bago siya umalis: maging ang mga alaala nang araw-araw na kasama ko siya. Maging ang mga panahong kasiping ko siya. Ang bawat haplos ng palad niya sa aking balat. Ang mga halik niya… Nasaan na nga kaya siya?

Nakatingin pa rin ako sa estero, sa mga batang nanghuhuli ng kulikak na inilalagay nila sa isang bote ng coke. Tuloy ang laro.

Inilagay ko na lamang sa lababo ang tasa ng kape. Ni hindi nga nangahalati ang laman.

Maliligo ako. Kailangan kong lumabas. Baka makita ko siyang muli sa Avenida, kung saan niya ako nakilala nang husto. At kung hindi ko siya makita, baka bukas! Baka bukas, makita ko na siya. Kung hindi? Paano kung hindi? Ipinilig ko ang ulo ko. Inalis ang kung anong agiw. Sa puso ko, nararamdaman ko ang kabog. Pero hindi ko iniisip na may masamang nangyari sa kanya. Inisip ko na lamang, dulot ng ininom kong kape kanina ang kabog na nararamdaman ko sa dibdib ko.

No related posts.

Bulong sa Kawalan
ITO ang pinakahihintay ni Linda. Maya-maya’y darating na ang asawa niya. At alam niya na ito’y lasing na naman, at siya, siya’y makararanas na naman ng mga sapak, tadyak at sampal. Ngunit handa na siya. Matagal na niyang napagdesisyunan ang lahat.

“Tangina! Ano ba’ng pinaggagawa mo?” sigaw ni Berto. “Umiiyak y’ong anak mo, ikaw e nar’yan sa kubeta’t naglalaba! Asikasuhin mo nga ‘yang tarantadong anak mo, ang ingay.”

Anak ko? Hindi mo ba anak ‘yan? Anak natin Berto, anak natin! Iyon ang gusto niyang isigaw, ngunit pinangungunahan siya ng takot, ng kaba sa asawa. Ayaw na niya ng mga suntok, ng mga tadyak at mga sampal at mga sigaw. Gusto niya ang dati. Ang dating si Berto na nakilala niya. Mabait. Maaruga. Mapagmahal.

“‘Intay lang Noy, and’yan na si Nanay.”

Iyon ang mga salitang nabanggit niya. Hindi niya nais pa ang makipagtalo sa asawa. Alam niya ang dahilan sa pagbabago nito.

“Linda, umayos ka ha. Istorbo ‘yang anak mo. Nakakahiya sa kapitbahay,” wika ni Berto habang inaayos ang unan na hihigan.

“Oo, Berto. Sige, magpahinga ka na.”

Hinele-hele niya si Noy. Ilang sandali lamang ay nakatulog na ito.

Tulog na rin ang kaniyang asawa.

SI Noy. Siya ang kaisa-isang anak ni Linda. Ang anak na bunga ng pagmamahalan nila Berto. Ang anak na matagal nilang hiniling. Kunsaan-saan sila namanata, sumayaw, para sa pinakamimithing anak. Napadpad sila sa mahihiwagang bundok, sa mga nagmimilagrong puno, sa mga sugo umano ng Maykapal. Naghintay sila. Nagtiyaga. Naghintay at nagtiyaga.

“Berto, sana naman e dinggin na tayo sa taas. Andami na nating pinuntahan. Natatakot ako na baka wala talaga,” minsang sambit ni Linda habang magkatabi silang nagkukuwentuhan sa kanilang papag.

“‘Wag kang matakot Linda. Magtiyaga lang tayo,” sagot ni Berto.

“Pa’no kung hindi na nga talaga? Paano–”

“Anung pa’no? Basta manalig lang tayo. Di ba nga e maraming nagsabi na kapag sumayaw sa Obando e walang palya ‘yon? O’ tayo ‘di lang sa Obando, sa Manaog pa, sa marami pang iba. Sa Quiapo. Mabait daw ang Nazareno. Kaya ‘wag ka’ng matatakot, magkakaanak tayo.”

Hindi na nakasagot si Linda. Tama ang kaniyang asawa. Darating din ang tamang panahon. Ang tamang pagkakataon.

At iyon nga. Lumipas ang dalawang taon ng paghihintay, pagtitiyaga at pananalig, sa wakas ay dininig din sila ng Maykapal. Nagpasalamat sila, binalikan ang lahat ng lugar at tao na, ayon sa kanila, ay nakatulong sa kanilang pagsisikap at pananalig na magkaroon ng pinakamimithing anak.

“Magkakaanak na tayo Linda,” masayang wika ni Berto.

“Oo, Berto, sa wakas,” sagot ni Linda, kasabay ang pagguhit ng ngiti sa labi nito.

Matapos ang ilang buwan–siyam na buwan–handa na si Linda sa pagsusupling. Pinaghandaan niya ito. Ito ang pinaka-mahalagang  araw para sa kanilang mag-asawa. Ang araw na iluluwal ang kanilang si Emmanuel.

“Ano’ng ipapangalan natin sa kanya, Berto?” sambit niya habang hinihimas-himas ang bilugan nang tiyan. “Sabi nung duktor no’ng nakaraang ultrasound e lalaki raw. Ano kayang magandang pangalan, ha, Berto?”

“Emmanuel. Emmanuel, Linda. Emmanuel!” masayang tugon ni Berto.

“Emmanuel? Emmanuel? tama, iyon na lang Berto. Magandang pangalan.”

“Oo, iyon ang nais ko Linda. Nabasa ko kasi minsan na’ng ibig sab’hin niyon e… tagapagligtas. Ang Tagapagligtas. S’ya ang magliligtas sa’tin Linda. Magliligtas sa’tin sa kalungkutan, sa pagnanais sa isang anak. Si Emmanuel.”

Pebrero 26. Ikatlo ng madaling araw. Martes. Ang araw na magigisnan ng isang Emmanuel ang liwanag. Ang araw na pinakahihintay ni Linda. Ang araw na magpapabago kay Berto.

MAGULO ang isip niya. Ayaw niya ang gagawin. Natatakot siya. Matagal nang may bumubulong sa kaniyang mga tainga. Isang bulong na hindi niya alam kung saan nanggagaling, o saan nagmumula. Isang bulong ng pang-uudyok.

Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.

“Hindi ko kaya,” sagot ni Linda sa bulong.

Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.

“Sino ka ba?”

Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.

“Iwan mo ‘ko. Mahal ko si Berto. Alam ko’ng ‘di niya gusto’ng mga ginagawa niya sa’kin. Alam ko’ng magbabago siya. Tumigil ka na!”

Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.

Umiiyak na siya. Nagsusumamo na sana’y layuan na siya ng bulong na iyon.

Narinig niya ang pagbangon ni Noy. Nagising ito sa malalakas na salitang ibinabato niya  sa hangin. Nilapitan niya ang anak, inalo.

“Pasensiya ka na anak, ha. May problema lang ang Nanay. Si Tatay? Parating na ‘yon. May pasalubong sa iyo.”

Nagsisinungaling siya. Alam niyang ni minsan ay hindi nag-uwi ng pasalubong si Berto para sa anak na si Noy.

Nakatanga lang si Noy. Nakatingin sa kaniya ang bilugan nitong mga mata.

Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa. Naririnig na naman niya ang bulong na iyon.

“Tumigil ka na!” sigaw niya.

Nagulat si Noy. Kumunot ang mukha, nagbabadyang ito’y iiyak.

“Hindi, anak. Hindi ikaw ‘yon. Tahan na, tahan na.”

Tok, tok, tok… tok, tok…

Napabaling si Linda sa pintuan.

“Li–Linda, aahhandito na ‘ko.”

Sandali siyang nag-isip. Hindi niya alam ang gagawin. Bubuksan pa ba niya ang pinto? Ayaw niyang gawin iyon. Natatakot siya. Nababahala.

Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.

Lalayas na lamang silang dalawa ni Noy. Ngunit saan sila pupunta? Wala siyang alam na mapipisanan. Wala siyang kamag-anak dito sa lungsod.

Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.

“Linda! Aaano ba? ‘Di mo ba ako pagbubuksan ng piiiinto? Lindaaa!”

Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.

Sigaw pa lamang ng asawa’y nanginginig na ang laman niya.

Nararamdaman na niya ang mga suntok, ang mga tadyak, ang mga sampal. At iyo’y lumilikha ng galit sa kaniyang damdamin. Limang taon nang ganoon. Sipa, tadyak, suntok. Sampal, sipa, suntok. Napupoot siya sa bawat sandaling maalaala ang mga iyon. Limang taon nang ganoon. Mula nang matuklasan nila ang kalagayan ni Noy. Si Noy na kanilang pinakamimithi noon. Ang anak na matagal nilang hinintay. Hiniling.

Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.

“Linda! Tangina, ang t-tagal mo’ng buksan ‘tong pinto a?”

Bag, blag, blag…blag, blag, bag…

“Li-lindaaahhh!”

Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.

Iniisip niya ang anak. Si Noy ang mas mahalaga kaysa anupaman. Hindi niya pababayaang masaktan si Noy. Nais niyang lumaki ito ng maayos at mabuti, sa kabila ng kalagayan nito.

Ngunit ang ama nito, si Berto, na dati’y mahal na mahal si Noy, ngayo’y ayaw na siyang makita. Isinusumpa si Noy. Ikinahihiya. Hindi ko ‘yan anak, Linda! Hindi! Nasaksaktan siya sa ganoong asta ng asawa. Bakit hindi niya matanggap? Bakit hindi niya maunawaan na iyo’y kanilang hiniling? Si Emmanuel, ang kanilang tagapagligtas! Bakit ikinakaila ni Berto?

Pilit niyang inuunawa ang asawa. Maiintindihan din niya, ang lagi niyang naibibigkas sa sarili. Ngunit hindi na lamang pagkakaila ang nagagawa ni Berto. Humahantong na sa muhi sa anak. Sinasaktan niya ito. Sinasaktan ni Berto ang kanilang tagapagligtas. Si Emmanuel, ang tagapagligtas, ay naging sumpa sa katauhan ni Berto. Ayaw ni Linda na nasasaktan ang anak. Si Noy ang mahalaga kaysa anupaman. Hindi niya pababayaang masaktan si Noy, ang kanyang tagapagligtas.

Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.

…siya…ikaw…gawa…ikaw…ikaw…una…ikaw…

Bag, blag, blag…blag, blag, bag…

…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…

“Kapag hindi ako ang gumawa, siya ang gagawa,” naisaloob ni Linda.

Tama ang bulong, kailangan niyang kumilos. Si Noy ang mahalaga kaysa anupaman.

…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…

Tumayo siya upang pagbuksan ng pintuan ang asawa. Pinunasan niya ang luha sa pisngi at iniwan si Noy sa kanilang kuwarto.

“Dito ka lang anak, ha. May gagawin lang ang Nanay.”

Binuksan niya ang pinto. Nakita niya ang namumungay na mata ng asawa, masamang nakatingin sa kaniya. Sinuntok siya nito. Tinamaan siya sa nguso. Napaatras siya.

“Ikaw Linda, ha. Ayaw kong g-ginagago mo ‘ko!”

Muli siyang sinuntok nito. Tinamaan siya sa dibdib. Tinadyakan. Hinawakan sa buhok at sinampal-sampal. Naamoy niya ang mabahong hininga ng asawa, pinaghalong suka at laway at alak.

…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…

“‘Wag mo ‘kong g-ginagago ha!”

Sampal uli.

“Asan ‘yang anak mo ha? Ang tuod mong a-anak!”

Hindi siya sumagot. Itinulak niya ang asawa. Tumayo siya at tumakbo sa bandang kusina.

“Tatakbo ka pa, ha. Si-sige, dito muna ko sa a–”

…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…

Kinuha niya ang kutsilyo — malinis, matalim — at agad na bumalik sa asawa. Nakita niyang hawak nito si Noy, nakaambang sasakalin. Si Noy, nakatanga lang sa sariling ama, hindi alintana ang nangyayari. Hawak niya ang kutsilyo–malinis, matalim. Hawak niya ng mahigpit.

…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…siya’y…

At sinaksak niya sa likod ang asawa. Madiin.

…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…siya’y…mamamatay

Napaigtad ito at bumagsak sa sahig, nabitawan si Noy na bumagsak naman sa papag.

…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…siya’y…mamamatay

Sinaksak pa niya itong muli. Nakapikit siya. Isinasama sa bawat saksak ang poot, ang pagkamuhi. Si Noy ang mahalaga kaysa anupaman. Hindi niya pababayaang masaktan si Noy, ang kanyang tagapagligtas.

…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…siya’y…mamamatay

Isa. Dalawa. Tatlo. Saksak. Isa. Dalawa. Saksak. Tila mga patak ng ulan na bumubuhos sa tigang na lupain ang mga saksak na iyon. Mabilis at nagsasayaw sa hangin.

“Lin–”

Napatigil siya sa salitang iyon. At binuksan niya ang kaniyang mga mata. Nasa harapan niya ang asawang nilalamon ng sariling dugo. Wakwak ang tiyan at nakanganga. Ang mga mata nito’y pinaglahuan ng diwa’t kaluluwa. Bumaling siya sa anak, kay Emmanuel. Nakatingin ito sa kaniya. Nakatanga. Walang kamuwang-muwang sa pangyayari.

At siya’y humagulgol. Humagulgol nang humagulgol hanggang sa ang kutsilyo — tigmak na ng dugo — ay muling nagsasayaw sa hangin.

No related posts.

Ahmed, Sampung Taong Gulang
Kangina pa napapansin ni Sham ang batang lalaking iyong nakatayo malapit sa kanya at nakatitig sa kanya. Hindi na lamang niya pinapansin.

Sa palagay niya’y hindi naman tiktik ang batang iyon, sapagkat paano kaya magiging tiktik ang isang sa hitsura’y ni hindi pa tin-edyer?

At kung tiktik man ang bata, ano naman ngayon kung malaman ng militar at ng pamahalaan na ang ipinunta nila sa paaralang iyon sa Datu Piang, Maguindanao ay isang humanitarian mission para sa mga napilitang lumikas mula sa kani-kanilang tahanan dahil sa mga operasyon ng militar laban sa Moro Islamic Liberation Front? Wala siyang makitang masama sa posibilidad na malaman ng militar at ng pamahalaan na siya, si Sham, ay kabilang sa pangkat na namimigay ng relief goods sa mga napilitang lumikas, habang ang iba naman sa mga kasamahan niya’y nagsasagawa ng serbisyong medikal at psycho-social, gayundin ng dokumentasyon ukol sa kalagayan ng karapatang pantao sa nasabing lugar.

Naalaala niyang may kailangan siyang kunin sa kanilang sasakyan kaya’t saglit niyang iniwan ang kanyang mga kasamahan.

Habang lumalakad siya’y napansin niyang sinusundan siya ng bata. Hindi pa rin niya ito pinapansin – hanggang sa tawagin siya nito. “Kuya.”

Tumalikod siya at tiningnan ang bata. Noon niya napansing parang pirming nanlilisik ang mga mata nito.

“Halika, me sasabihin ako sa ‘yo.”

Huwag naman sanang tumagal at marami pang gagawin, naiisip ni Sham. Nilapitan niya ang bata.

“Ano y’ong sasabihin mo?”

“Sabihin mo muna sa ‘kin, Muslim ka ba o Krist’yano?”

“Muslim.”

Saglit na wari’y sinipat-sipat siya ng bata bago ito nagsalitang muli. “Y’ong tito ko, binaril ng mga sundalo. Hindi naman rebelde ‘yon. Nakita ko. Nangingisda lang sa ilog, pinatay na nila.”

“Ano’ng pangalan mo?”

“Ahmed.”

Nagpakilala rin si Sham. “Ilang taon ka na?” tanong niya kay Ahmed.

“Sampu.”

Naalaala niya ang mga kasamahang bahagi ng psycho-social team.

“Alam mo, me mga kasama akong p’wedeng makatulong sa ‘yo. Gusto mo, ik’wento natin sa kanila y’ong nangyari sa tito mo?”

“Mga Muslim din ba sila?”

“Me Muslim, me Krist’yano.”

“Ayoko!”

Ang pagtakbo ni Ahmed ay yaong takbong tila hindi siya hihinto hangga’t may lupa sa ilalim ng kanyang mga paa.

No related posts.

Not Here
ALFREDO HAD HEARD from an aunt, a few months before coming back to the Philippines, that Aling Marta – his regular dealer of puto, kutsinta, sapin-sapin, and other rice-based snacks, or kakanin – had passed away.

“When did it happen?” he had asked his aunt, who had called him long-distance on his birthday.

“A little over a month ago.”

He knew that it was true, for why would an aunt lie to him about a matter like that, which was quite close to his heart?

But there was a part of him that refused to believe Aling Marta had passed away. He refused to believe so because he had become quite close to Aling Marta – she had become like an aunt to him – and, in addition, had become friends with her only son, Caloy. He was not only sad for Caloy; he also felt that with her passing, a part of his life had left him.

Alfredo loved kakanin from childhood, and there were a few who sold these along the national highway, near their village – but as far as he was concerned no one there sold better kakanin than Aling Marta. And so he made it a point to buy something from her whenever he was going home from an errand to the town proper, and later, on, whenever he was coming back from his classes at the municipal college.

After college, he found himself having no opportunity to do anything except to count flies. His search for jobs had taken him several times to as far as the provincial capital – to no avail. This, despite the fact that he had graduated with satisfactory grades.

Eventually, he decided to join the multitudes who had left the Philippines searching for greener pastures abroad because of the lack of such pastures in their own land.

He went to the US, where another aunt had been residing for over a decade. For two years he worked secretly, illegally, as a baggage boy at a grocery store in Honolulu – even though he had finished Business Administration at the municipal college back in his hometown – while applying for permanent residency status. There were glitches in his application so he had to repeat the process and stay for another two years. After getting his green card, he was advised not to travel back to the Philippines right away to avoid legal problems concerning his status. It was only after his sixth year there that he was advised that it was already “safe” to go back to the Philippines.

Still, he was not able to return right away. He spent a year more saving money for his plane fare.

He had left the Philippines at a time when his hometown and several other towns in the country were rapidly undergoing a change of face. It was the time of then-President Fidel V. Ramos’s Philippines 2000, which promised “progress” to the Philippines.

In their hometown, the food stalls along the national highway, near their village, were giving way to factories owned by American, Japanese, and German businessmen. A number of fastfood outlets were also sprouting in the area.

As he was nearing their village, he noticed that Aling Marta’s stall was among those that had given way, replaced by a branch of an American fastfood chain.

He did not take a second look. He would not have anything to do with something that had taken over a part of his life.

CALOY WAS NOT home when Alfredo came to visit him. It was one of Caloy’s sisters, Ria, who let him into the hut.

“He’s at work,” Ria said as she offered him a chair and started preparing juice for him.

“Where’s he working? By the way, I heard what happened to your mother,” he said as he was taking his seat.

The moment that passed was like an eternity. The silence was punctuated only by the sound of the teaspoon bumping against the glass as the juice was being mixed.

Ria’s eyes were dim as she gave Alfredo the juice drink and sat in front of him. “She fell sick soon after the municipal government forced us out of our stall,” she said.

“Is that so?”

“That kakanin business was one of Nanay’s main reasons for living. When we lost it, she seemed to feel that the world had come to an end for her. Imagine having worked at it for most of her life, and being able to support Kuya’s studies at the municipal college with the earnings from it, and then suddenly losing it just like that. And Kuya suddenly had to stop college, not even making it to third year. She became very depressed, went on like that for about three years, and passed away.” She took a long sigh. “That was a thriving business that fetched us more than what Kuya earns right now from sweeping the floor at the restaurant.”

“Which restaurant?”

Alfredo felt what, to him, was the shock of his life upon hearing the name of the restaurant. It was the same fastfood outlet that had replaced Aling Marta’s stall.

On the way home, Alfredo did not even take a glance at the fastfood outlet. He was excited to see and talk to his friend, but not here – he would not have anything to do with this place.

No related posts.

April
HINDI KA NA nagkasya sa ikaw lamang ang masaya sa sinasabi mong lambing sa iyo ni April, ang babaeng makailan mo nang itineybol sa beerhouse na iyon. Mula nang makilala mo siya’y wala kang pakikipagkuwentuhan sa mga kabarkada mo na hindi siya napasasali sa mga paksa ng usapan, kahit sa mga sandaling halatang iba na ang gusto nilang pag-usapan.

Minsan pa nga’y niyaya mo ang dalawa sa mga kaibigan mo, sina Tony at Fred, sa nasabing beerhouse, kahit na tinatamad silang lumabas nang gabing iyon, at kahit na kapos ka sa pera nang panahong iyon ay nag-alok ka pang sagutin ang kanilang inumin at pulutan mahikayat lamang silang sumama.

Magiliw mo silang ipinakilala kay April nang tumabi siya sa iyo, at ilang sandali pa’y para kayong walang katabi kung magyakapan at maghalikan.

At minsan pa’y narinig mo ang mga katagang makailan mo na ring narinig sa kanya. “Gusto kitang maging asawa.”

“Talaga?”

“Oo. Gusto mo, kahit bukas, pakasal tayo.”

At isang halik ang matagal niyang pinadapo sa iyong pisngi, at kayo’y nagyakapan nang ilang sandali.

Naghiyawan ang dalawa mong kabarkada, kahit na alam nilang sa mga ganoong lugar, ang gayong pangyayari’y isang tagpong nagpapaulit-ulit na lamang na gaya ng mga eksena sa mga pelikulang nasa mga sirang DVD o VCD.

Sa iyo’y bago pa rin iyon, kahit na tatlong beses na kayong nagkikita ni April at tatlong beses na niyang nasabi sa iyong gusto ka niyang maging asawa at kung gusto mo’y pakakasalan ka niya kahit bukas.

Bago iyon sa iyo sapagkat sabi mo nga sa iyong mga kabarkada, sa ilan mo nang pagtatangkang magpaibig ng babae’y noon ka lamang nakatagpo ng gayon kalambing. Naiisip mong sa dami ng dinaanan mong baku-bakong daan ay may nadaanan ka ring maayos. Naiisip mo nang tanggapin ang alok niyang pakasalan ka kahit bukas, kung gusto mo.

“E ano ngayon kung GRO s’ya?” tanong mo sa isang kapitbahay na napagkuwentuhan mo ng tungkol sa inyo ni April? “Basta nagmamahalan kami, bakit ba?”

Lingid sa iyong kaalaman, nakatuwaan nina Tony at Fred na isang gabi’y bumalik sa beerhouse na iyon nang silang dalawa lamang. Si April ang kinuha nila bilang kateybol.

“O, nasa’n y’ong kaibigan n’yo, si Eric?”

“Obertaym sa trabaho,” ani Fred.

“Kaya sa ‘min ka muna ngayon,” ani Tony.

Maya-maya pa’y pinag-eensayuhan na siya ni Tony ng mga bulok na linyang madalas na marinig ng mga babae sa kanilang mga manliligaw.

“Sana, maging mag-asawa na lang tayo,” ani April kay Tony.

“Pa’no na si Eric?” wika naman ni Fred.

“Ba’la na kayo do’n, di ko na problema ‘yon.”

Hindi roon nagtapos ang lahat, pagkat pagkaraan ng ilang oras at serbesa at pulutan ay sabay-sabay silang tatlong pumasok sa isang motel na di-kalayuan sa beerhouse na iyon.

Pagkaraan ng ilang araw, inusig ng kanilang budhi sina Tony at Fred at isinalaysay ang lahat.

Nasuntok mo sa mukha si Tony, na hindi naman pumalag. Isa pang suntok ang nailagan naman ni Fred.

“Putang ina n’yo, pare! Ba’t n’yo naman ako tinalo?”

“Di ka namin tinalo, pare. ‘Wag kang magalit, kahit sino’ng tumeybol sa kanya, pare, gano’n ang sasabihin n’ya. Trabaho n’ya ‘yon, pare, e,” ani Fred.

“Oo nga, pare,” salo ni Tony. “Ba’t, ‘kala mo seryoso y’ong gusto ka n’yang maging asawa? Sinasabi nila ‘yon sa lahat ng kostumer nila, pare.”

Ngunit lumusot lamang sa kabilang tainga mo ang lahat ng sinabi nina Tony at Fred.

Nagpunta ka sa beerhouse na iyon kinabukasan at huminging makateybol si April. Masaya siyang bumati at lumapit sa iyo, ngunit nang hahalik na sa iyong pisngi’y sinampal mo nang malakas, bagay na ikinapatili ng ibang GRO.

“Niloko mo ‘ko!”

Tumakbo si April papunta sa kanyang silid at susundan mo sana siya, ngunit nakaiilang hakbang ka pa lamang ay hawak ka na sa magkabilang bisig ng dalawang bouncer, na nagtulong upang kaladkarin ka at ibalibag sa labas. Nagtangka ka pang pumasok na muli sa beerhouse, nagsisisigaw ng putang ina mo, April, putang ina mo, at ang sumunod na naisipan ng mga bouncer ay paulanan ka ng mga suntok at sipa hanggang sa kumain ka ng alikabok sa aspalto.

Sa isip mo’y naging gagasurot na lamang ang laki ni April, at gusto mong tirisin siya hanggang sa maglaho siya sa balat ng lupa. Hindi mo maunawaan kung bakit niya nagawa sa iyo ang gayon.

MAUUNAWAAN MO SANA, kung narinig mo lamang ang kanyang paghagulgol pagpasok na pagpasok sa kanyang silid.

Mauunawaan mo sana, kung nakita mo ang kanyang pagtitig sa kaisa-isang litrato nilang mag-anak, kuha ng isang kaibigan niyang litratista sa probinsiya nang magtapos ng elementarya ang kanyang kapatid na si Junior may ilang taon na ang nakalilipas.

Nasa larawang iyon, bukod kay Junior, ang ama niyang matagal nang nakaratay dahil sa tisis, sakit na madali naman sanang gamutin kung di lang wala yatang panahong hindi sila kapos sa salapi, kahit na nagkakangkukuba na ang kanyang ina sa paglalaba para sa mayayamang pamilya sa bayan nila nang pitong araw sa isang linggo. Nasa larawang iyon, bukod kay Junior, ang iba pa niyang kapatid na hindi makapag-aral nang tuluy-tuloy kahit na bago magkasakit ang kanilang ama, hindi pa sumisikat ang araw ay nasa bukid na ito at itim na ang langit kung ito’y umuwi.

Napahiya siya nang gabing iyon at hindi na muna siya lalabas upang tumeybol. Ngunit marami pang ibang gabi, kaya’t tiyak na di siya sasala sa pagpapadala ng salapi para sa pagpapagamot ng kanyang ama at para sa mga gastusin ng kanyang mga kapatid sa paaralan.

No related posts.

Balatkayo Lamang
PALIPAT-LIPAT AKO NG istasyon sa radyo dahil sa sunud-sunod na narinig kong kagaguhang kanta. Naiisip ko nang hindi yata ako makapagpapahinga sa kalilipat ng istasyon, ngunit isang lumang kanta ang tumawag sa aking pansin at nagpahinto sa aking pagpihit:

…Magandang bulaklak

Ang s’yang katulad mo

Ngunit paglapit ko’y walang bango

Balatkayo pala ang pag-ibig mo

Na natubog lang sa ginto

O kaysakit naman

Nasayang lang ang pag-ibig ko…

Aywan kung bakit ang kantang ito ang napagdiskitahan kong pakinggan gayong masayang okasyon ang pupuntahan ko mamaya.

Matapos ang kanta’y naramdaman kong sinusuyo ako ng antok. Tiningnan ko ang aking relo: may isang oras pa bago ang aking lakad. Pinatay ko ang radyo at ako’y humiga sa sopa upang umidlip.

Ang idlip ko’y talagang idlip lamang pala. Hindi pa ako nakakakalahating-oras nang gisingin ako ng timbre.

Nang buksan ko ang tarangkahan at makita ko ang mukha ni Ernest, alam ko na ang magiging tugtugin ng usapan. Magiging si Kuya Eddie ako. Ibubuhos niya sa akin ang lahat ng kanyang sama ng loob sa nangyari sa kanila ng asawa niyang si Dely, na kaopisina ko.

“Natutulog ka yata, naistorbo ba kita?”

“Hindi naman.”

Ngunit nang mga sandaling iyon ay gusto kong itanong sa Diyos kung bakit ibinigay niya sa akin ang papel ng isang Kuya Eddie ng lahat yata ng sawi sa pag-ibig sa mundong ito ng kawalang-pag-ibig. Nawalan na nga ako ng ganang pumasok sa relasyon dahil sa dalas kong mapagbuhusan ng mga kasaysayan ng mapait na karanasan sa pag-ibig, at ngayon ay heto nga si Ernest.

Balitang-balita sa aming opisina ang nangyari kina Ernest at Dely, dahil hindi naman nawawalan si Dely ng okasyon upang isambulat sa buong mundo ang tungkol sa kanyang personal na buhay kahit na wala namang nagtatanong. Sa aming ilan nang team-building seminar at maging sa mga pulong ng aming departamento, palagi siyang nakahahanap ng butas upang mauwi ang usapan sa kanyang buhay, at kapag nagsimula na ito’y mahaba pa ang kanyang kuwento kaysa sa talakayan tungkol sa team-building at iba pang usaping pang-opisina.

Wala pang limang buwan silang kasal ay heto na’t gustong ipawalang-bisa ni Dely ang kanyang kasal kay Ernest, na ikalawa na niyang asawa. Magulo naman ang kanyang kuwento kaya hindi rin namin mawari ang buong kuwento mula sa kanya. Nariyang tinatabangan na raw siya, nariyang mayabang daw si Ernest at palagi siyang pinupulaan, nariyang hindi raw malinis sa bahay at iba pa – samu’t saring puna kay Ernest na hindi niya mapapagtahi-tahi upang makita sana ang buong larawan ng kadahilanan ng kanyang kagustuhang makipaghiwalay.

“Madalas kasi, hindi s’ya nagsasalita, ‘tapos, pag nagsalita s’ya, buhos naman.”

“Oo nga, e.”

“Pa’no ba’ng pagkakak’wento n’ya?”

“Naku, paakyatin mo na lang ako sa tuktok ng Everest kesa ipak’wento sa ‘kin ‘yan. Pa’no ko maikuk’wento, e s’ya mismo, hindi maik’wento ‘yan nang maayos?”

HINDI KAMI GAANONG nakapagkita ni Ernest mula niyon, ngunit palagi niyang pinadadalhan ng mga mensahe ang aking cellphone, mga mensaheng replay lamang ng mga nasabi niya nang hapong gisingin ako ng kanyang timbre mula sa pagkakaidlip. Si Dely ay paulit-ulit din sa kanyang istoryang walang istoryang hindi naman ipinakukuwento sa kanya.

Naputol lamang iyon nang ako’y ipadala ng kumpanya sa New Zealand para sa isang kumperensiyang tumagal nang dalawang linggo. Iniwan ko sa Pilipinas ang aking cellphone at salamat na lamang at hindi alam ni Ernest ang aking e-mail address. Ang mga e-mail naman sa akin mula sa opisina ay pulos na tungkol sa usaping pang-opisina.

Matapos ang kumperensiya’y nagtagal ako sa New Zealand nang isang linggo pa: wala akong ginawa kundi libutin ang iba’t iba niyang lugar, lalo na ang kanyang kanayunan, sa kagustuhang kahit sa maikling panahon ay mapadaluyan ng sariwang hangin ang utak ko. Mahirap din ang maging isang Kuya Eddie nang hindi mo naman ninanais; at, sa kabilang banda, ang araw-araw na makarinig ng kuwentong hindi naman kuwento at hindi mo naman ipinakukuwento.

Pagbalik ko sa Pilipinas ay kuwentong pagbabalikan din ang narinig ko. Nakipagbalikan si Dely sa una niyang asawa, ang magaling na si Dick na kaya niya hiniwalayan ay sapagkat maraming kaaway sa lugar nila at pati silang mag-ina ay nadadamay at ayaw kumuha ng maayos na trabaho at madalas pang pinipilit siyang iwan ang kanyang trabaho upang maging maybahay nang buong panahon at malimit pang pinipilit siyang makipagtalik. Ang usapan pa nila’y iiwan niya ang kanyang trabaho, na siya pala niyang ginawa ilang araw bago ako bumalik. Malaking pasanin at perwisyo ang naiwan sa aming departamento dahil sa kanyang biglaang pag-alis.

Nabuo rin ang kuwento. Si Dely, si Fidela Mangaral na isang lay preacher sa kanilang parokya na kayhilig mangaral tungkol sa tapat na pakikipagrelasyon at madalas na kulang na lamang ay duruin ang ilang kaopisina naming nakagawa ng maliliit na kamalian sa kani-kanilang relasyon, ay nang-iwan ng ikalawang asawa upang makipagbalikan sa una.

Hindi pa alam ni Ernest ang nangyari, anang mga kaopisina namin nang tanungin ko. Hindi ko maisip kung sasabihin ko sa kanya o hindi.

Nang mga sumunod na araw ay padalas nang padalas ang pagpapadala ni Ernest ng mensahe sa aking cellphone. Gusto niyang makipag-ayos ngunit tinatakasan siya. Hindi na naman siya maghahabol, gusto lang niyang makipagsara nang maayos.

ISANG GABI’Y NIYAYA ko siya ng inuman at saka ko sinabi sa kanya ang nangyari.

Isinubsob niya sa kanyang mga palad ang mukha niya at kuminig ang kanyang mga balikat.

Isang rock ballad na pangkasal ang tinugtog ng banda:

As we walk the golden mile

Down the pretty aisle

I know that you are mine

And there’s nothing in this world

That I know I wouldn’t do

To be with you everyday

Every hour, every minute

Take my hand and let me lead the way

All through your life

I’ll be by your side

Till death do us part…

“Putang ina n’yo, nang-aasar ba kayo?” sigaw ni Ernest, sabay hagis ng isang bote ng serbesa sa direksiyon ng tanghalan. Tinamaan sa mukha ang bokalista. Sunod niyang inihagis ang isang upuan at pagkatapos ay ang hapag. Hinila ko siya palabas nang makita kong palapit na sa amin ang mga bouncer.

Malayu-layo na kami sa bar nang kami’y huminto sa pagtakbo.

Tumalungko si Ernest sa bangketa at isinubsob ang mukha sa mga tuhod niya. Muling kuminig ang kanyang mga balikat.

“Di ko naisip kahit kelan na me tao palang gano’n kasama! Putang ina n’ya! Putang ina n’ya!”

Naisip kong sa ibang pagkakataon – hindi ngayon dahil lalabas lamang sa kabilang tainga ang anumang sasabihin ko – ay maipababatid ko kay Ernest na hindi siya ang kauna-unahang taong nalinlang ng isang pag-ibig na balatkayo lamang.

No related posts.

Kompo
Intro:

Tirik ang araw. Ang sementadong daan ay umuusok. Uhaw. Tila isang disyertong sabik sa pagmamahal ng tubig. Ngunit hindi tubig ang nais ng sementadong daan, kundi “dugo”. Dugo ng isang nagliliyab na puso.

Chorus:

Halos magtalik na ang aming mga pawis ng aking kakapit-bisig. Mainit noong araw na ‘yon, ngunit mas mainit ang mithiin ng mga nagtipon-tipon na aktibista’t estudyante sa panulukang iyon ng Mendiola. Isa lang ang sigaw nila.

“Edukasyon, Edukasyon. Karapatan ng Mamamayan!”

Nasa kompo ako no’n. Oo, kompo ang tawag nila kapag nasa unahan ka ng isang mob (pinaikling mobilization), rally o kaya giyera, at transiyon at batuta ng mga matatabang buwaya/pulis ang kaharap mo. Hindi ako aktibista o anupaman, pero kung bakit ako nasa kompo nung araw na yon, sumisigaw at nagtitiis sa matinding sikat ng galit na araw, ay hindi ko masyadong alam. Basta ang alam ko lang ay kailangan kong lumaban, dahil kung hindi, malamang ay hindi na ako makapag-aaral.

Verse I:

Estudyante ako nga isang pang-masang unibersidad dito sa Maynila. Maliit kumpara sa mga pribado at “exclusive schools” ang binabayaran kong matrikula.

Isipin mo. 20,000 pesos o mahigit pa laban sa 300-600 pesos na tuition fee. Sa’n ka pa?

Kung mahirap ka katulad ko at walang tatay na Congressman o politiko, sa tingin ko’y babagsak ka rin at mamahalin ang pang-masang unibersidad na pinapasukan ko.

Sintang Paaralan ang tawag ko sa pinakamamahal kong unibersidad. Sa 12 pesos per unit na matrikula dito, tiyak na marami ang magtataas ng kilay, may magdududa at magtatanong.

“Dose? Ano’ng makukuha mo d’yan?”

Kung tutuusin barya lang ang Doseng ito para sa mga konyo’t mayayaman. Pero sa tulad kong estudyante ng Sintang Paaralan, kayamanan na ang Doseng nilalait ng ilan.

Payak lang ang postura ng pinakamamahal kong unibersidad. Masang masa ang kabuuan nito, mula loob hanggang labas. Pagpasok mo pa lang ay bubungad na sa’yo ang maruming riles ng tren kasama na ang mga barung-barong na pumapaligid dito. Sa likod naman ay matatanaw mo ang Ilog Pasig (magtiis ka na lang sa amoy dahil katapat din nito ang isang malaking oil depot). Simbolo na ng ating lipunan ang aking Sintang Paaralan kung kaya’t ang pag-aaral ko dito, kahit luma na ito at kulang-kulang ang pasilidad, ay maituturing kong sulit. May bonus ka pa dahil ang buong kwarto mo ay ang mismong lipunan at hindi ang pangkaraniwang kwarto na may apat na sulok.

Noong nakaraang araw ay may pumutok na nakatatakot na balita.

“Oy! Alam n’yo mga klasmeyts, tataas na daw y’ung tuition fee natin next sem.” sabi ng isang kaklase kong puno ng kolorete ang mukha.

“Talaga? Totoo ba ‘yan? Magkano ba itataas?” tanong naman ng isang kaklase kong hindi mo alam kung nangungutya o nagtatanong lang ba.

“Magiging 75 pesos per unit na daw tayo!”

Nagitla ako.

Malaking problema kapag ang 12 pesos per unit na binabayaran kong matrikula ay tumaas ng 75 pesos. Naisip ko na baka hindi na ‘ko umabot ng fourth year at kung mamalasin ay hindi na makapagpatuloy. Hindi kasi kaya ng nakakapagod kong part-time job na sustentuhan ang pag-aaral ko. Bukod kasi sa pagiging estudyante, isa rin ako sa libu-libong working student. Service Crew ako (o alipin) sa isang kilalang fast food chain na pulang tutubi ang mascot. Ang ilang libong kinikita ko dito ay kulang pa sa upa ng tinitirhan naming bahay sa Tondo. Kulang rin sa pambaon ko, sa pambaon ng tatlo ko pang kapatid, pagkain, at pambayad ng tubig at kuryente.

Ako na ang tumayo bilang haligi ng lunos kong pamilya. Grade 6 pa lamang ako ng mamatay si Tatay. Pinatay siya habang pauwi galing trabaho. Tatlong beses sinaksak sa likod ng hindi pa nakilalang salarin. Isa kasing lider-manggagawa si Tatay, matapang at may paninindigan. Lider rin siya ng kanilang unyon sa pinagtatrabahuang pabrika. Ang pagkamatay ni Tatay ang nagturo sa akin na ang isang prinsipyo’y napakahalaga ngunit may kakabit na kamatayan.

“Anak, ang prinsipyo’y hindi nabibili. Ang prinsipyo’y inaalagaan at iniingatan.”

Si Nanay naman ay pasingit-singit na lamang sa paglalabada matapos ang malawakang tanggalan sa pabrika ng sapatos. Isa siya sa hindi pinalad na manatili.

Kung matutuloy ang pagtaas ng matrikula sa aking Sintang Paaralan, tiyak na delubyo ang dulot nito sa hikaos kong pamilya.

Verse II:

Bukod sa murang tuition fee, kilala rin ang Sintang Paaralan ko bilang lunduyan umano ng aktibismo. Sa pagmamasid, masasabi kong totoo ito dahil masikhay ang aktibismo dito. Pero kahit maraming samahan at organisasyon ang nagkakalat dito, wala akong sinalihan (kahit gusto ko) dahil mas matimbang ang tawag ng pamilya ko. Kailangan kong mag-aral at kumayod dahil ako lang ang inaasahan ng Nanay at mga kapatid kong pawang nasa elementarya pa lamang.

Bagama’t hindi ako naging aktibista, pusong aktibista naman ako (namana ko ‘ata kay Tatay). Mula sa paglaban sa pagtaas ng sahod ng mga manggagawa, libreng lupa para sa mga magsasaka hanggang sa usapin sa edukasyon, privatization, komersyalisasyon at ang TFI, lahat ng ipinaglalaban nila’y kaisa ako. Kapag may mga pagkakataon na pwede akong makasama sa isang rally, hindi ko na pinalalagpas dahil masarap ang lumaban at ipagtanggol ang karapatan ng bawat isa.

“Sumama na kayo! Walk-out tayo!” malakas na sigaw ng mga aktibistang may programa sa ground ng Sintang Paaralan.

“Mga kapwa ko mag-aaral. Ang usapin na ito na pagtataas ng ating matrikula mula 12 pesos hanggang 75 pesos per unit ay hindi lamang laban ng mga aktibista. Laban nating lahat ‘to. Ang sama-sama nating pagmamartsa patungong Malakanyang ang siyang tanging makapaghihinto sa pansariling interes ng ating ganid na pamahalaan.” sigaw ng paos at may mahabang buhok na aktibista.

“Tama!” sagot ko ng pabulong.

Hindi lamang laban ng mga hardcore naming aktibista ang usapin ng TFI. Laban rin ito ng buong unibersidad at laban na rin marahil ng sambanayan.

May klase ako nang magtawag ng walk-out ang mga aktibista. Di ko na pinasukan ang mga susunod ko pang mga klase nu’ng araw na ‘yon dahil mas nanaig ang pagnanasa kong sumama, lumaban at magtanggol.

Intro:

Tirik ang araw. Ang sementadong daan ay umuusok. Uhaw. Tila isang disyertong sabik sa pagmamahal ng tubig. Ngunit hindi tubig ang nais ng sementadong daan, kundi “dugo”. Dugo ng isang nagliliyab na puso.

Chorus:

Mahirap ang gampanin ng isang nasa kompo. Alam ko dahil makailang beses na rin akong naging kompo (kahit di ako aktibista). Marami na akong nasamahang rally magmula first year pa ako.

Mas gusto kong maging kompo pag nasa mob o rally (salamat sa mga aktibistang pinapayagan akong isama sa kompo kahit hindi ako aktibista totally). Mas masarap kasi ang pakiramdam kapag nasa harapan ka, katapat ang mga pulis. Kahit panay palo, bukol at pasa ang madatnan mo, masarap, dahil mas nakadaragdag ang mga ito sa paghubog ng pananaw ko sa buhay at lipunan.

Ilang oras na rin kaming nakatayo sa ilalim ng tirik ng araw. Natapos na rin ang programa ng mga aktibista. Maswerte nga’t naabot namin ang Mendiola, mas maririnig ng “nakaupong nunal” ang mga sigaw at hinagpis namin.

Hindi kasi kinaya ng mga pulis ang pwersa ng libu-libong kabataang nagkakaisa sa iisang layunin. Edukasyon para sa lahat.

Bawat isa’y may nagliliyab na puso at isa ako sa mga nag-aapoy na lumaban, hindi lang para sa aking Sintang Paaralan, para na rin kina Nanay at Tatay. Siguro’y masaya si Tatay na nakikita niya ang kaniyang panganay na anak bilang isang taong may prinsipyo’t dignidad tulad niya.

Adlib:

Narinig ko ang usapan ng dalawang pulis sa harap ko.

“Sarge, tumatagal na ‘tong mga b’wisit na ‘to dito a! Kailangang kalusin na ‘tong mga ‘to Sarge!” sabi ng pulis na may matabang tiyan.

“‘Wag kang mag-alala. Tuloy ang beerhouse natin mam’ya. Hinihintay lang ang hudyat sa “taas”. Pag dumating ‘yon, alam na’ng gagawin!” nakangising sagot ng kalbong pulis.

Nag-iba ang pakiramdam ko nung sandaling marinig ko ang usapan ng dalawang pulis.

“Mga kasama, tutal at nandito na tayo sa makasaysayang Mendiola. Bakit hindi tayo sama-samang sumugod at pasukin ang palasyo ng tutang rehimen!” patudyong hamon ng isang lider-aktibista.

Alam ko na lalagpas na sa limitasyon ang hamon na iyon ng lider-aktibista. Bawal na. Ngunit ano ba ang limitasyon, ang bawal? Sagad na sa buto ang pagpapabaya ng “nakaupong nunal” sa edukasyon. Sa kabataan. Sa mga mamamayan. Lumala ang kahirapan. Gutom. Krimen. Resulta ng ganid nilang pamumuno. Ngayon, ano ang sinasabi nilang limitasyon, ang bawal? Sila ang nagtatakda ng limitasyon ngunit tayo ang magtatakda ng kasaysayan. Kung ang pagsugod sa Palasyo ang magiging sagot sa bulok na sistema. Bakit hindi?

“Ano mga kasama? Isang hakbang paharap, sabay-sabay!” sigaw pa niya.

Masidhi na ang damdamin ng lahat. Iisa ang iniisip. Humakbang. Lumaban.

Humakbang kami sa kompo.

Nagsihanda ang mga pulis. Transiyon at batuta laban sa nagliliyab na puso ng mga aktibista’t estyudante.

“Isang hakbang pa mga kasama! Isa, dalawa….tatlo! Hakbang mga kasama!” utos uli ng lider-estyudante.

Bago pa man kami humakbang ay sinalubong na kami ng malademonyong palo ng mga pulis. Kapit-bisig kaming mga nasa kompo, tila mga bangkay na manhid sa anumang sakit. Bawat palo ng mga pulis ay katumbas ng sampung hakbang ng aming hanay.

Maya-maya pa’y lumuwang ang hanay ng mga unipormadong pulis.

Trak ng bumbero.

Binomba ng tubig ang hanay ng mga kabataan, ngunit matatag ang kompo. Hindi nagpatinag. Giyera kung giyera ‘ika nga.

Huminto ang pagbomba ng tubig, ngunit hindi nito napatay ang nag-aapoy na puso ng mga aktibista’t estyudante. Nanatiling nakatindig ang kompo. Basang-basa ngunit nag-aalab.

Sandaling katahimikan…

Isang nagngangalit na sigaw ang pumutol sa sandaling kapayapaan.

“Mga kasama, mga kapwa ko estudyante. ‘Yan ang pasismo ng gob…..”

“Bang, bang, bang…..Bang, bang!”

Mga putok ng baril.

Nagpulasan na ang lahat. Sa kanan, sa kaliwa. Palayo sa mga pulis. Palayo sa Mendiola. May tumakbo patungong Legarda, patungong Quiapo, Morayta. May ilang dumapa. Mayroong nagtago sa mga katabing eskwelahan, sa poste, sa kainan. Lahat ay nagulat at nagtaka.

Ang isang simpleng rally ng mga kabataan ay nauwi sa isang giyera, literal na giyera, ngunit pulis lang ang may sandata. Ang pulis at baril ay iisa. Marahas. Pasista.

Nagulat ako sa mga nangyari. Mga sigaw. Putok ng baril. Biglaan lahat. Ang mga bala’y waring isang palaso, pana, may puntirya. May hinahanap. May papatayin. May mamamatay.

Intro:

Tirik ang araw. Ang sementadong daan ay umuusok. Uhaw. Tila isang disyertong sabik sa pagmamahal ng tubig. Ngunit hindi tubig ang nais ng sementadong daan, kundi “dugo”. Dugo ng isang nagliliyab na puso.

Refrain:

Sumakit ang aking ulo. Humapdi. Para akong namanhid. May dumadaloy sa aking ulo. Hinawakan ko. Dugo (paano na sila Nanay?). Nangatog ang tuhod. Bumulagta ako sa sementadong daan. Duguan. Sandali pa’y unti-unti ng lumalabo ang aking paningin. Unti-unting dumidilim hanggang sa tuluyan nang lamunin ang liwanag

“Mga kasama, tulungan niyo ‘ko! Bilisan niyo…. Dalin’ natin siya sa ospital!” sigaw ng isang babae.

Nagsusumamo.

Umiiyak.

Coda:

Napatid ang uhaw ng sementadong daan. Ang kanina’y tila isang disyertong sabik sa tubig ay nagalak. Tumatawa. Humahalakhak. Ang pagmamahal na kanyang hinahanap ay dumating muli. Pula. Dugo. Dugo ng nagliliyab na puso.

No related posts.

‘Joanne’
Si Joanne ang “only rose among thorns” sa grupo namin sa Lab work ng Chemistry nung nasa kolehiyo pa kami.

Sinadya yata ng propesor na may isang babae sa grupo para magkaron kami ng moderator kung baga. Nasa amin daw kasi ang masasamang tinapay ng klase at baka sakaling tuminu-tino ang hitsura namin kung mapalamanan ng kahit isang babae.

Tinatamad kaming lahat magtrabaho kapag wala siya dahil walang makakapag-utos sa amin kundi siya. Ang palusot namin palagi, hindi pupuwedeng mag-proceed sa labwork kung may maiiwang isang kagrupo. Nasa kalagitnaan na kasi ng term nang sunud-sunod naman na umabsent si Joanne. Doon ko nakita na bigla na lang nahirapan mag-solve o magbilang ng valence electrons si Pol. Napansin ko rin na nakakaantok palang maghalo ng chemicals na siya namang pinagtitripan at sinisinghot na lang ni Jimbo. Ang isa ko namang kagrupo, si Biton ay palagi na lang nagugutom kaya pabalik-balik sa canteen. Kapag wala na talagang magawa nakikinig na lang ako sa paulit-ulit na kuwento ni Jimbo tungkol sa syota niyang sobrang hilig makipag-sex.

Naramdaman ko ang puwang sa bakanteng upuan na katabi ko noon, para akong pinagtaksilan ng sipag ko sa pag-aaral kung wala si Joanne. Naisip ko na ang kung anong mga sakit na puwedeng dumapo sa kanya, lalo na’t medyo maulan-ulan na rin noon. Hindi lang yata sa grupo namin nararamdaman ang pagkawala niya dahil kahit ibang kaklase at estudyante sa kabilang klase namin ay nagtatanong din.

“Nahan na si Ms. Padilla?” tanong ng propesor namin.

“Hindi namin alam, Sir.”

“Baka inaway naman ninyo?”

“Naku hindi, Sir,” ang sabi ni Jimbo na pinag-iinitan ni Prof dahil sa hikaw niya sa kanang tainga.

“Mr. Tamayo! Hanapin mo si Joanne kung nasaan man siya dahil sa susunod na pag-absent niya, I’ll advise her to drop my subject!”

Nagkatinginan kaming apat sa sinabi ni Prof. Pagbalik namin sa lab, nag-usap usap kaming mga boys kung sinong kokontak kay Joanne.

“‘Kaw na Pol! Hindi ka naman mauubusan ng load eh.”

Tumanggi si Pol.

“Ano ba kayo, baka may magselos pa diyan,” sabay kindat  sa akin.

“Bakit Henry, may ‘namamagitan’ na ba sa inyong dalawa? Ha?”

Tiningnan kong mabuti si Jimbo. Gusto ko sanang sagutin ng “Oo” kaya lang mahirap panagutan ang kasinungalingang ‘yun, lalo na kung sakaling bumalik si Joanne. Maliban kasi sa pag-aabot ko ng test tube sa kanya, sabay na paghiram ng libro sa library at patapun-tapon na sulyap mula sa salamin at flasks na nagpapalaki ng suso niya ay wala talagang namagitan sa amin. Grabe lang talagang manukso ‘tong mga mokong sa grupo, eh ni hindi nga nila makuha ang number ni Joanne.

Ang sabi ni Prof, dalin namin next meeting si Joanne by hook or by crook. Nagkatinginan ulit kaming apat at nauwi kay Biton ang trabahong hanapin siya. Hindi naman kasi marunong magreklamo si Biton at maamo siya sa aming lahat. Kinakalikot niya ang microscope nang sawayin siya ni Jimbo.

“Hoy, Biton hanapin mo ‘yung prinsesa natin ha! Pati tuloy ‘tong trabaho natin eh naabala dahil sa kanya.”

Tumangu-tango lang si Biton na parang kalabaw.

Mga alas kuwatro na nang lumabas kami sa laboratoryo. Gusto ko sanang manood ng sine o kaya’y kumain sa labas dahil kasusuweldo ko pa lang. Ang iba kong kaklase kung hindi magbibilyar ay sama-samang magpupunta sa kani-kanilang mga tambayan at gigimik.

Dahil alas kuwatro pa lang naman, dumaan muna ako sa Quiapo at sinilip ang mga bagong palabas sa sinehan. Ang totoo, naroon ako para hanapin ang kaibigan kong sikyu na magpapapasok sa ‘kin nang libre. Kaya lang, parang nagbago ang isip ko pagdating doon. Puro kasi lumang western at bold ang nakadisplay. Puwede na ring pagtiyagaan kaya lang nung sinilip-silip ko pa kung nandun ang kaibigan kong sikyu, karelyebo niyang hindi ko kakilala ang nandun. Di bale na. Hindi ko rin naman ganun kagusto ang ipinapalabas nila.

Hindi ko sinasadyang makasalubong si Biton sa Bowling alley pag-akyat ko para bumili ng softdrinks. Mag-isa siyang nakaupo at nakatingin sa mga nagbibilyar. Nagpapalipas lang siguro ng oras. Sa laki ni Biton, talagang hindi ka na lang tumitingin sa dinadaanan mo kung makasalubong mo siya at hindi mapansin. Kakasuweldo ko lang at gusto kong mag-good time ang sabi ko sa kanya.

“Ano inuman na? Basagan tayo ngayon,” yaya ni Biton.

Pero dehins muna dahil pahinga ang bituka ko ngayong hapon. Mamayang gabi pa ang iskedyul ko ng inom. Ayaw ko namang magbowling dahil bano ako sa sport na ‘yun. Ang totoo nga niyan, bano ako sa kahit anong sport na asintahan ang labanan.

Niyaya ko na lang si Biton na sumama sa akin. Hindi ko muna sinabi kung saan kami pupunta, ang sinabi ko ‘yung gusto kong gawin. Gusto kong mag-good time. Hindi ko alam kung anong klaseng good-time ang hilig ni Biton pero ililibre ko siya sa tipo ng good-time ko. Nakakaawa naman kasi siyang iwan sa bowlingan nang mag-isa.

Sumakay kami ng dyip paluwas ng Quezon Avenue at bumaba kami sa kanto ng Araneta. Sa isang matinong restaurant ko siya dinala. Matinong tingnan sa labas, dahil nagsisilbi naman sila ng mamilog at pansit pero may mga piling customer ang nakakaalam na may makalupang putahe palang sinisilbi sa loob. Dati ko nang napuntahan ‘yun kahit noong hindi pa ako kumikita ng sariling pera. Katulad ni Biton, niyaya lang rin ako ng isang kaibigan. Walang gaanong pinagbago ang modus operandi nila, pati hitsura ganun pa rin. Ang mga ganitong lugar naman yata ay hindi talaga nagbabago. Hinahanap ko ‘yung dating pinili ko noon dahil nangako akong babalikan ko siya pero hindi ko na mahanap. Mga bago at mukhang mas bata pa itong nakikita ko sa menu. Umorder na ako ng mamilog para sa aming dalawa ni Biton. Siyempre numero lang ang ibibigay nila, pagkatapos papasok ka na sa banyo na walang palatandaan kung panlalaki o pambabae. Doon makikita ang isang hagdan na pumapanhik sa isang pasilyo sa taas, kaliwa’t kanan makikita ang mga kuwarto na gawa sa plywood at nakakandado.

Hindi ko na gaanong inintindi si Biton, basta’t ang mahalaga ay mag-enjoy kaming dalawa. Sumenyas ako ng okay at sumenyas din siya ng okay. Ibinilin ko siya sa sikyu ng kabilang building na humihigop din noon ng mami.

“Pa’no, pre uuna na ‘ko. Basta’t pag nabanyo ka eh huwag mong pipigilan.”

Ni hindi ko man lang ginalaw ang mami.

Naghihintay sa itaas ng mamihan ang mga sandosenang babaeng nagtinginan lahat sa akin. Hindi ko agad naipakita ang numerong hawak-hawak dahil napatingin ako sa kisame.

Kinuha ako ng isang babae sa kinukutuban kong pulso. Siya na siguro si “Lucky” number 7. Naglakad kami sa pasilyo na sinasabitan ng kurtina. Sumisilip ang liwanag ng araw mula sa labas sa isang palyadong exhaust fan. Tiningnan ko iyon nang mabuti habang nagkakamali sa pagbukas ng pintuan ang babae. Lumapit ako sa kanya at tiningnan ang susing isinasaksak sa door knob. Nalaglag niya ang susi. Pinulot ko iyon at ako na mismo ang nagbukas ng pintuan. Gusto kong basagin ang katahimikan sa pagitan naming dalawa kaya ngumiti ako at una ko siyang pinatuloy sa kuwarto. Simple lang ang damit niya. Pipuwede ko siyang mapagkamalang kaklase o ka-opisina. Suot niya ang kaunting make-up at mumurahing pabango na may katulad na halimuyak ng paa ng nazareno sa Quiapo.

Umupo ako sa kama habang hinuhubad niya ang kanyang palda.

“Ano maghuhubad na ba ‘ko?”

Pero naghuhubad na siya.

“Hindi muna,” sabi ko.

Hindi sa nahihiya o kung anuman. Ayaw ko lang kasi na masyadong nagmamadali. Kahit naman puta ‘yun eh kailangan ding ligawan ng kaunti. Umupo ang babae sa likod ko at minasahe niya ako sa balikat. Pinatigil ko siya.

“Gusto mo ba’ng ginagawa mo?” tanong ko sa kanya.

Hindi niya ako kinikibo. Gusto ko lang kasing siguraduhin na kumportable siya o ako sa ginagawa at gagawin namin. Hindi siya tumigil sa pagmamasahe. Sa bagay, kung hindi rin naman namin kasi gagawin ang dapat naming gawin eh mabuti pang umalis na lang ako.

Hinubad niya ang kanyang blusa at nakita ko ang mala-porselanang kuko ng kanyang mga daliri. Napatid ang mga butones at lumitaw ang hubog ng kanyang dibdib. Maging iyon ay binudburan din pala niya ng pabango.

“Ano pangalan mo,” tanong ko sa kanya.

Tiningnan niya ako at hinubad niya ang kanyang palda.

“Gusto mo bang maghubad na rin ako ng panty?” tanong niya.

“Narinig mo bang sinabi ko tungkol sa pangalan mo?”  sabi ko.

“Joanne.”

Humiga siya sa kama at humiga rin ako. Gusto kong sabihin sa kanya na may kilala rin akong Joanne din ang pangalan. Pero ano bang malay niya kung meron nga. Ipinatong niya ang kanyang ulo sa braso ko at hinalikhalikan ang aking leeg. Isa-isa naman niyang kinalas ang butones ng polo ko at saka siya naghubad ng bra.

Tinanggal niya ang zipper ng pantalon ko. Hindi ko siya inawat. Tutal ‘yun naman ang pinuntahan ko. Ang ipinagtataka ko lang sa sarili, kung bakit simula nang banggitin niya ang kanyang pangalan ay hindi na ako natigil sa pag-iisip nang hindi malaswa, tulad ng basketbol. Madalas naman puro kalaswaan na lang ang naiisip ko kapag ganitong naghahalo na ang balat sa tinalupan.

Tiningnan kong mabuti ang makinis na mukha ni Joanne at para akong dahan-dahang nalalasing sa pag-iisip. Hindi maiwasang isipin na dito sa mismong kamang kinahihigaan namin nakatikim ng kapirasong langit ang marami sa kanyang mga naging customer. Malayung-malayo sa alkohol at puting tiles ng laboratoryo na pinaghahaluan namin ng kemikal. Ibang-iba ang pakiramdam ko na nakapareha ko si Joanne, parang hindi ako nakikipagtalik sa kanya. Wala iyong pinagkaiba sa paglalaro ko ng basketbol mag-isa tuwing Sabado. Nakatingin ako sa ring.

Ayaw ko na. Tahimik na nagtataas-baba ang katawan niya sa harap ko.

Hinawakan ko nang mahigpit ang kamay niya para tumigil na kami. Binukaka niya ang mga binti at naupo sa gilid ng kama. Wala siyang sinabi at inayos lang ang magulong buhok. Hindi ko na alam kung anong ginagawa ko’t kasama ko ang babaeng ito sa isang masikip na sulok ng isang putahan. Dapat na yata akong manligaw.

Naghanap ako ng kumot pero wala akong nakita, tinanggal ko ang punda ng unan pero basa ito ng pawis. Kinuha ko sa pantalon ang kupas na bulaklaking panyo at pinunasan ko ang buo kong katawan at saka ko siya niyakap. Siguro nakaramdam din ako ng kaunting pagkabaliw nang yakapin ko si Joanne dahil natural na dumating sa akin ang isang bagay na hindi ko normal na gagawin lalo na sa mga inuupahan kong babae. Humarap siya sa akin.

Kinuha ko ang folder na bitbit ko kanina at inilabas ang isang periodic table of elements. Ngumiti sa akin si Joanne na tiyak kong naguguluhan o kaya’y nawi-weirdohan.

“Mag-rereview ka ba dito,” biro niya sa ‘kin sabay hagikhik. Tinakpan niya ng unan ang kanyang bibig at pinakawalan pa ang isang hagikhik.

Ngumiti ako sa kanya. Hubo’t hubad pa rin at pawisan sa kuwarto. Kinuha ko sa likod ng periodic table ang envelope ng suweldo ko. Hindi ko inaabot sa babae ang bayad. Ang ginagawa ko, iniiwan ko sa mesa o kaya sa kama. Hindi ako tumitingin sa mata o mukha nila habang may hawak na pera. Ibinalik ko ulit sa folder ang envelope at periodic table. Ibabalik ko na rin sana ang butones ng polo pero hinawakan ito ni Joanne na may mapanuksong ngiti sa kanyang labi.

“Pasensya ka na, bigla akong nawalan ng gana eh,” sabi ko sa kanya.

“Nawalan ka ng gana sa ‘kin?”

“Hindi, may bigla lang akong naisip.”

“Ano?”

Hindi pa rin siya nagbibihis.

“Wala ka nang pakialam dun,” sabi ko.

Ayaw ibigay ni Joanne ang polo ko. Humiga daw muna ako, sabi niya.

Niyaya akong makipag-usap ni Joanne, tutal bayad ko naman daw ang oras niya. Ganun naman daw ang ibang customer niya, lalo na ‘yung matatanda. Naghahanap lang ng kausap. Tinanong niya ‘ko kung naghahanap lang rin ako ng kausap. Umiling-iling ako. Sinabi ko sa kanya na hindi ko siya kayang galawin dahil kapangalan niya ang isa kong kakilala.  Tinawanan niya ulit ako. Ang sabi ko sa kanya, hindi ko naman siya kamag-anak o kung anuman. Medyo hinahanap ko siya para sa klase. Parang may pakialam talaga kung magtatanong si Joanne, na katabi ko kaya madaling dumulas ang dila ko sa mga detalye ng sitwasyon namin.

Nilabas ko ang pitaka at binunot ang isang retrato na agad naman niyang kinuha.

“Sino ‘to?”

“‘Yan si Joanne.”

“Hiningi mo o napulot mo?”

Tiningnan ko siyang mabuti.

“Ninakaw ko.”

Napakagat siya ng labi. Namumula ang kanyang pisngi. Ganun din ang kanyang buong katawan na namumurok sa init ng kuwarto.

“San mo nakilala?”

“Kaklase ko sa college.”

“Ang sabi ko, pano mo nakilala hindi saan.”

Sandali akong tumahimik. Inisip kong mabuti kung paano ko nga ba siya nakilala.

“Minsan, sa isang rally. Umpisang-umpisa pa lang ng klase. Nagkakasingilan na ng tuition fee nung nilapitan niya ko sa pila para pumirma sa isang manifesto na tutol sa dagdag matrikula.”

Ginawang unan ni Joanne ang dibdib ko. Parang hindi niya iniindang magkahalo na ang pawis naming dalawa. Hinipu-hipo ko ang braso niya at inamoy ang halimuyak ng mumurahing pabangong suot niya.

Natulala ako sa maliit na bintana sa dingding na katulad ng mga selda ng City Jail. Hindi pa naman ako nakukulong doon pero ‘yun ang imahe na pumasok sa isip ko. May mga sulat sa dingding, mga bandalismo ng kung anu-ano. Marami akong nakitang pangalan na nasa loob ng hugis-puso.

“Tapos,” basag niya sa pagkatulala ko.

Nag-aabang ng karugtong na kuwento si Joanne. Hinihipo ko pa rin ang braso niya. Paulit-ulit kong pinaikot-ikot ang daliri sa kanyang siko. Nakatuon naman ang mata ko sa makitid na espasyo sa pagitan ng lamesa at dingding.

“Hindi ako nagbayad ng tuition fee sa tamang oras. Ang akala ko kasi noon, papatulan ng administration ang reklamo namin pero nagkanda-leche leche lang ang enrollment ko. Basta’t ganun na lang at natagpuan namin ang isa’t isa na sabay na nakikiusap sa mga propesor na tanggapin kami sa klase nila. Kaya sa apat na sabdyek na kinuha ko ngayong semester, tatlo sa mga yun, kaklase ko siya.”

“Ano bang kurso mo?” tanong niya.

“Chemical Engineering.”

“Marami ka na bang naging girlfriends?”

“May ilan na rin.”

“Masarap ka bang magmahal?”

Humagikhik na parang isang batang babae si Joanne at napangiti naman ako.

“Hindi ko alam.”

“Okay lang ba sa ‘yo na aggressive ‘yung babae o gusto mo ‘yung parang dalagang Pilipina?”

“Bakit nawawala ba’ng pagka-Pilipina kung lumalandi ka?”

“Ewan.”

“Okay lang sa ‘kin ‘yung aggresive. Pero hindi ko na masasabi siyempre, kung nandyan na di ba?”

“Masarap ka bang magmahal?” ulit niya.

Ngumiti ako sa kanya. Napayuko siya sa dibdib ko na parang nahihiya sa tanong. Naramdaman ko ang kiliti ng malambot niyang buhok na kumakaskas sa balat ko. Kinuha ko siya sa baba para tumingala sa akin.

“Sa tingin mo?”

“Mukhang masarap nga.”

Natawa kaming pareho sa sinabi niya.

“Ibibigay ko ang mundo sa taong mahal ko. Kahit sa pangako lang.”

“Wow!”

“Oo, mundo.”

Natawa siya sa akin. Nakiliti ang dibdib at kilikili ko sa tawa niya. Naging sariwa ang mukha niya sa paniningkit ng kanyang mga mata.

“Graduating ka na ba?”

“Sa October pa.”

Nakatingin kaming pareho sa maliit na bintana, kung saan tumutuloy ang kakaunting liwanag sa kuwarto. Napansin kong may maliliit na butas ang mga dingding ng kuwarto.

“Medyo, sumama tuloy ang pakiramdam ko.”

“Bakit naman?” tanong ko.

“Hindi naman kasi Joanne ang pangalan ko eh. Ginamit ko lang ‘yun para masagot ang tanong mo.”

“Di bale na. At least, matatawag kita sa isang pangalan. Mahirap makipag-usap sa taong walang pangalan.”

Napabuntong-hininga ako pagkatapos. Siguro hindi niya naintindihan ang sitwasyon ko. Hindi naman ito tungkol sa kung kapangalan niya o hindi ‘yung crush ko sa klase. Walang problema dun. Madaling makipaglokohan, nakakailang nga lang kung hubo’t hubad kang nagsisinungaling. Ang pagisinungaling ay parang damit na ipinantatakip sa katawan. Ang totoo niyan hindi ko siya kayang galawin dahil simula nang banggitin niya sa akin ang pangalang “Joanne” ay panay pag-aalala ang pumasok sa ulo ko at hindi na ako ginanahan.

“Nangumpisal ka na ba sa pari?”

“Noon pa. Kung mangungumpisal ako ngayon, baka masunog na ‘ko hindi pa man ako nakakarating sa impyerno,” ang sabi ko.

Nakatanga naman sa kisame si Joanne. Hawak-hawak niya ang polo na ginawa niyang kumot at ipinantatakip sa kanyang hita at dibdib.

“Madadagdagan lang ang kasinungalingan ko. Masasabi ko ba sa pari ang mga kasalanang ginawa ko sa buhay?”

“Siyempre naman. Pero kung gaya mo ako, baka matupok ka rin sa mga kasalanang ginawa mo.”

“Nahihiya ako,” ang sabi niya.

Pinagmasdan ko ang magandang mukha ni Joanne. Ang kanyang makinis na balat at maiksing buhok. Ang maliit na butas ng kanyang ilong na bahagyang patulis at labing hugis ng isang biniyak na mansanas.

Hindi naman daw ako pangit at medyo may hitsura pa nga daw. Galante din akong magbayad, kung pera lang naman ang usapan. Hindi naman siguro ako bobolahin ni Joanne. Walang taong makapagsisinungaling nang hubo’t hubad sa kama.

“Naging nobya mo ba?”

Mukhang interesado sa tanong niya ni Joanne, o kung ano man ang totoo niyang pangalan na hindi ko na itinanong sa kanya.

“Si Joanne? Hindi. Hindi ko nga niligawan ‘yun eh.”

Tumahimik bigla, sapat na para marinig namin ang yugyugan sa kabilang kuwarto.

“‘Yun ang problema mo.”

“Mukha nga. Bakit, may boypren ka ba?”

“Wala rin. Alam mo naman ang trabaho namin.”

“Sabagay.”

Ilang minuto pa kaming tumanga sa kuwarto. Hinihimashimas ko ang buhok niya na basa ng pawis. Naglakbay ang kamay ko sa kanyang dibdib, hita, mukha at braso.

Ibinalik ni Joanne ang polo ko. Tumayo siya at kinuha ang pares ng kanyang sapatos. Ang pagtama ng ilaw sa isang bahagi ng kanyang katawan ay nagpaalala sa akin ng mga nude sketches ni Jose Joya. Lumingon siya sa akin at ngumiti.

“Pano? baka sa susunod na lang. May iba pa bang naghihintay sa ‘yo?”

“Hindi, sapat na siguro ‘tong binigay mo. Medyo masakit na rin kasi’ng pekpek ko.”

Ganoon siya nagpaalam sa kin.

“San ka na pupunta?”

“Sa baba, sa mga kasama ko.”

“Aalis ka na?” sabi ko.

“Wala nang nangyayari dito, Bakit may gagawin pa ba tayo? Meron pa ba?”

“Ewan, wala na siguro.”

“Wala na? Salamat ha.”

“Para san?”

“Masaya kang kausap.”

Natawa ako sa sinabi niya.

“Puwede mo rin naman akong tawaging Joanne, kung gusto mo,” bilin niya.

Ngumiti ulit siya bago isara ang pinto. Lalong lumalala ang katahimikan ngayong mag-isa na lang ako. Yumuyugyog pa rin ang pader sa kabilang kuwarto.

Hinintay ko si Biton sa mamihan.

Nagmamadali akong umalis noong una akong pumunta dito. Natatakot ako na baka abutan ng raid. Nagtataka ako noon kung bakit bukas ito, bente-kuwatro oras, kahit Linggo o Pasko ang mamihan. Nung tanungin ko ang isang serbidora madali kong nakilala kung sino ang regular na pumupunta dito. Madalas mga lalaking edad medya na, may nakikita raw siyang katulad kong estudyante, pero bihira ‘yung bumabalik katulad ko. May shifting din ang mga puta dito ang kuwento niya pa sa kin. Ibang babae ang makakapareha ko kung sa gabi kami nagpunta ni Biton. Balita niya mga kolehiyala daw ang mga karaniwang kumakayod sa gabi. Naisip ko na ring dayuhin sa gabi ang mamihan pero lagi akong night shift sa pinapasukang trabaho.

Nakiupo ako sa bangko ng guwardiya ng katabing building. Matagal-tagal pa siguro si Biton dahil tatlong hinga kada  kalahiting hagod ‘yun eh. Nagsindi ako ng sigarilyo.

Naisip ko tuloy iwan si Biton dun pero naawa ako sa kanya, baka maligaw pa sa kung saan at isa pa, gusto ko ring may makasama sa “one for the road” na madalas nagiging two or three for the road bago ako tumuloy sa trabaho.

‘Yun ang self-medication ko sa atake ng manic depression. Ayaw kong magwala sa trabaho. Kapag nakainom nang kaunti, kahit paaano depressed ako buong gabi. Hindi na masama, tutal madalas makinilya naman ang kaharap ko at mas madali ngang nakapagsusulat kung ganun.

Matapos ang kulang-kulang isang oras na paghihintay, lumabas din si Biton. Hindi iyon ang mukhang inaasahan kong makita sa kanya.

“Ano pare, kumusta?”

“Okay lang.”

“Anong okay lang? Dinig ko sa sikyu kanina, primera klase daw ‘yung binigay sa ‘yo ah.”

“Bakit sa ‘yo?” tanong niya.

“Wala, bulalo.”

“May gusto nga sana akong sabihin sa ‘yo eh.”

“Ano?”

“Kaya lang, sikretong malupit to ha.”

“Oo naman.”

“Ikukuwento ko sa ‘yo ‘to dahil ‘kaw naman ang may kasalanan kung bakit ako napadpad dito eh.”

Nainip ako sa intro ni Biton. Nakasakay na kami’t nakarating sa beerhouse, panay pa rin ang paalala niyang sikretong malupit ang sasabihin niya at walang dapat makalabas.

“Bakit, ano ba ‘yun?”

Nilaklak ni Biton ang beer hanggang sa mangalahati.

“Umorder ka muna ng pulutan,” sabi niya.

Umorder ako ng pulutan.

“Papasok ka pa ba mamaya,” tanong niya.

“Yayain sana kita sa bahay eh. Dun ka muna matulog. Tulungan mo ako sa lessons natin.”

“Seryoso ka ba?”

“Oo naman.”

“Hindi ako puwedeng umabsent sa trabaho…teka, teka! Kasama ba ‘to sa gusto mong sabihin o ito na ‘yung gusto mong sabihin?”

“Hindi.”

Umiling-iling si Biton.

“Pare, sagot ko na ‘tong inom natin ha, sinagot mo na kanina ‘yung good time eh.”

“Huwag na. Ako na.”

“Hindi pare, maglalasing tayo ngayon kaya ako na ang sasagot,” sabi niya.

Naubos niya ang tatlong bote. Nasa kalahati pa lang ako ng akin.

“Pare, oorder pa ‘ko ng beer ha, Sasamahan mo ako!”

Hindi ko na lang inisip na male-late na ako sa trabaho. Mukhang matindi ang sasabihin ni Biton. Mahina ako

sa mga kaibigan dahil hindi ko sila basta-bastang naiiwan.

“Bakit ano ba ‘yun pare? Bakit gusto mong maglasing?”

“Pare, bobo  ba ‘ko, ha?” natatawang sabi ni Biton.

“Bakit naman pare?”

“Huwag mo nang tanungin kung bakit, sabihin mo na kung bobo ako o hindi.”

“Huwag ganyan pare, hindi naman kita kakaibiganin kung bobo ka eh.”

Lumagok pa ng beer si Biton.

“Huwag mo na akong bolahin pare, pareho naman tayong may bayag dito eh! Ano pare ha, bobo ba ‘ko?”

“Alam mo ‘tol, kung masyado mong iniisip ‘yung mga sinasabi sa ‘yo ni Jimbo, talagang mapapaisip ka ng mga ganyan.”

“Eh si Pol ‘tol, tingin mo? May bayag ba ‘yun, ha?”

“Ewan ko, babakla-bakla rin ‘yung tarantadong ‘yun eh.”

Natawa kaming pareho. Masarap palang malasing ‘tong si Biton, inuunahan ka pa.

“Eh, ikaw pare, may bayag ka ba, ha?”

“Bakit, may sasabihin ka pa ba?”

Malamig ang tingin ni Biton sa mga mata ko.

“May bayag ka ba, pare?”

Parang nakakagago na ‘tong si Biton.

“Oo naman, bakit?”

“Nakausap ko na si Joanne. Hindi na raw muna siya papasok ngayong semestre.”

“Pano mo nakausap?”

“Kanina, sa mamihan. Siya ‘yung nakapareha ko sa taas.”

“Eh siya rin ‘yung nakapareha ko kanina eh. Si Joanne di ba?”

“Si Joanne Padilla natin. Siya ‘yung nakapareha ko.”

“Ulitin mo nga?”

“Si Joanne Padilla, ‘yung maganda nating kaklase. Dun sa mamihan kanina, siya ‘yung nakapareha ko.”

Nagtaas ng kaunti ang boses ni Biton.

Hindi bumibitaw ng tingin si Biton. Hindi rin siya sumabay sa tawa ko.

Hindi na ako nagsalita pa ng kahit ano. Uminom ako ng beer at sinubukang ubusin ang laman ng isang bote.

Tinawag ko ang waitress at umorder ako ng isang bote ng Brandy. Hindi na dapat pinapatagal pa ang ganitong klaseng usapan.

“Pano ka ba umiinom?”

“Eh di umiinom.”

Hindi kami natawa sa biro ko.

“Anak ng tupa. Kaya pala hindi na nagpapakita sa klase ‘yun eh.”

“Anak ng tupa talaga.”

“Seryoso ka ba?”

Nanginig ako sa pagtaas ng kilay ni Biton. Hindi siya puwedeng magsinungaling sa ‘kin. Ang mga tipo niya ang hindi marunong magsinungaling. Nilaklak ko nang diretso ang isang bote ng brandy hanggang sa mapaso ang lalamunan ko.

Sinunog ko na siguro ang baga sa dami ng nainom ko.

May mga sinasabi pa siya sa akin pero humahalo na ang boses niya sa usapan ng iba pang tao sa paligid at sa tugtog ng karaoke.

“Teka, pare banyo muna ‘ko.”

Iniwan ko si Biton na tumatagay ng alak. Hindi ako naiihi, gusto kong isuka ang alak na ininom. Binuksan ko ang pintuan ng beerhouse. May isang maliit na lababong uuga-uga akong nakita. Kumapit ako sa tubo at sumuka nang sumuka doon. Humihigpit ang tiyan ko at hindi ako makahinga. Tinitingnan ako ng isang mamang umiihi. Tiningnan ko ang mukha sa salamin, namumugto ang aking mga mata at lumalabas ang dugo sa bibig at ilong ko.

Pumatak ang dugo sa isinuka kong alak at pagkain. Nararamdaman ko ang espasyong kanilang iniwan sa aking bituka. Nandiri ako sa aking nakita at binuksan ko ang gripo. Naghilamos ako nang naghilamos hanggang sa malinis ang mukha ko. Mahapdi pa rin ang ilong ko at parang may nasusunog pa rin sa aking lalamunan. Kinuha ko ang bulaklaking panyo sa bulsa ng polo ko. Nanuot sa kabila ng pagdudugo ng ilong ko ang halimuyak ng mumurahing pabango ni Joanne. Tumingin ako sa salamin at tinakpan ko ang aking mga mata.

29 ng Mayo 2006

Quezon City

No related posts.