Bagong Taon

“Ang bagong taon, para sa mga Pilipino, ay pagkakataon para muling makapagsimula, magkaroon ng bagong pag-asa at tumanaw sa mas maayos na hinaharap.”

Jon MagatIsa ang bagong taon sa mga masasayang okasyong ipinagdiriwang ng lahing Pilipino. Bago pa man ang paghihiwalay ng taon, inihahanda na ng bawat tahanan ang pagsasalu-saluhan ng pamilya sa paghihintay ng hudyat ng panibagong taong darating.

Sa mga himpilan ng radyo, karaniwang inaabangan ng mga tagapakinig ang mga pangunahing awiting napapakinggan sa himpapawidn sa taong lilipas na, at kung alin sa mga ito ang lalabas na “song of the year”. Kasabay nito ay ang isasagawang “countdown” upang ihudyat ang opisyal na pagpapalit ng taon. Hindi lamang sa radyo nagaganap ngayon ang “countdown”. Nauso na rin ang magdamag na palatuntunan na inihahandog ng mga TV stations — walang patid na kantahan at sayawan ng mga sikat na artista hanggang sumapit ang pinakahihintay na oras ng pagpapalit ng taon. Kapansin-pansin ding ang mga nag-iingayang paputok ay unti-unti nang napapalitan ng mga fireworks na mas mainam sa paningin. Mas makulay, mas ligtas, mas magandang pagmasdan sa madilim na kalangitang binibuhay ng samu’t saring pailaw.

Hindi rin nawawala ang nakasanayan nang paniwalaan ng mga Pilipino na nagbibigay “swerte” di-umano kapag sasalubong sa bagong taon. Naroon yaong dapat ay nakasuot ka ng polka dots at dapat ay sagana sa prutas o pagkaing bilog ang inyong hapag-kainan. Ito ay simbolo raw ng kasaganaan. Sabi sa akin ng aking mga magulang, bilog daw kase ang pera (coins) kaya ang bilog na pagkain ay simbolo ng kasaganaan sa taong darating. At sino ang pinalalampas ang paglundag sa pagsapit ng alas dose ng hatinggabi ng bagong taon? Ito ay nakatutuwang paniniwala na ang paglundag sa oras ng bagong taon ay magdudulot sa iyo ng karagdagang taas, dahil nga ang karaniwang Pilipino ay hindi naman gaanong matangkad. Naroon din yung nakagawian ng mga lolo at lola ko na kailangan daw sa pagsalubong sa bagong taon ay bukas na maigi ang mga bintana at pintuan ng bahay upang ang biyaya raw ay madaling pumasok.

Anu’t anupaman ang mga paniniwalang iyan, pinakamasarap pa ring bahagi ng pagsalubong sa bagong taon ang mga handang pagkain. Nariyan ang inihaw na baboy o isda, macaroni salad, fruit salad, sari-saring mga baked goods, halayang ube, leche flan, kalamay, sapin-sapin, at iba pang nakapagpapalimot sa mga taong nagbabawas ng timbang.

Sa nalalapit na Chinese New Year, magdiriwang naman ang mga kaibigan nating Tsino, at marami rin sa kanila ay narito sa ating bansa. Nagsagawa ako ng kaunting survey sa pamamagitan ng group text message sa mga kasamahan ko sa PinoyExchange, at narito ang ilan sa kanilang sagot sa katanungang “Kailangan din bang magdiwang ang mga Pilipino sa pagsapit ng Chinese New Year?”

Ayon kina Meanie!!, readmymind, wazdog, at LodRose, hindi kailangang magdiwang ang mga Pilipino sa pagsapit ng Chinese New Year. Pero nagkaisa rin sila sa pagsabi na wala namang masama kung makikiisa ang mga Pilipino sa pagdiriwang, na ngayong 2011 ay tatapat sa petsang Pebrero 3. Ayon naman sa opinyon nina Gillboard, JackNDBeanstalk at granslime_28, ayos lang na makipagdiwang ang mga Pilipino sa Chinese New Year dahil sila man ay nakikipagdiwang rin sa pagsalubong natin ng bagong taon tuwing darating ang Enero 1. Ang katanungang ito ay bunsod ng lumalawak na pagkilala at pagtingkilik na rin ng mga Pilipino sa Chinese Astrology kung saan ang bawat taon ay kinatatapatan ng isang uri ng hayop. Halimbawa nga ay ang taong ito ng 2011 na sinasabi ring taon ng metal rabbit. Naging libangan na rin ng mga Pilipino ang magbasa ng “kapalarang” isinasaad ng mga signs na ito.

Sa tanggapang pinapasukan ko, tuwing Chinese New Year ay ipinagdiriwang ng aming tanggapan ang pagpapalit ng taon batay sa kalendaryo ng mga Tsino. Hindi nawawala sa araw na iyon ang lion dance, na may kasamang paagaw ng barya at mga kendi. Pagkatapos ay pagsasalu-saluhan namin ang handang pananghalian at kung minsan ay ampaw pang ipamimigay ang pamunuan ng aming kumpanya. At syempre, mag-uuwi kami ng tikoy!

Ang bagong taon, para sa mga Pilipino, ay pagkakataon para muling makapagsimula, magkaroon ng bagong pag-asa at tumanaw sa mas maayos na hinaharap. Anuman ang pagkakamaling nagawa noong nakalipas na taon ay pilit na babaguhin upang makapagsimula nang tama. Kaakibat nito ay ang maligayang pagsalubong sa pagpapalit ng taon, hudyat ng positibong pananaw ng bawat Pilipino sa hinaharap niyang buhay.

Author: Jon Magat

Si Jon Magat ay nagtapos ng kursong AB Mass Communication sa New Era University. Mahilig gumawa ng tula noong kaniyang kabataan, naging kaaliwan para sa kaniya ang pagsusulat. Unang siyang sumubok gumawa ng online journal noong 2002 at opisyal na naging personal blogger noong 2003. Nagkaroon din siya ng pagkakataong magsulat bilang feature writer sa isang classified magazine at ang kaisa-isa niyang feature article ay nalimbag mismo sa kaniyang kaarawan, taong 2000.

5 thoughts on “Bagong Taon”

  1. Nakakatuwa na may mga ganito pa palang website na humihikayat sa atin bumasa at sumulat ng mga tagalog na babasahin.

    Para sa akin ang bagong taon talaga ay panahon ng pagbabago. Ito ang pinakamainam na panahon para planuhin ang ating buhay, anupat ito ay pumapagitan sa nakaraan taong hinarap at bagong taong haharapin. Ito rin ang panahon kung saan ako ay nag-ninilay nilay kung ano na ang narating ko sa aking buhay.

    Sana ganoon karamihan sa atin mga pilipino. Hindi lamang tayo manabik sa bagong taon dahil sa mga salu-salo at kasiyahan na gaya na iyong nabanggit, kundi mas lalo sana tayong manabik dahil sa mga pagbabago na gagawin natin sa ating buhay.

    Mabuhay ka! Nawa’y marami pa ang tumangkilik at magpahalaga tulad mo sa pagsulat sa wikang tagalog. At salamat sa impormasyon iyong inihatid, nagpaala-ala sa king panatilihin ang aking mabuting napasimulan sa bagong taon ito. Magtatapos na naman pala ang isang buwan bilis ng panahon. :)

  2. sa aking palagay, naging bahagi ng pagdiriwang ng kulturang pinoy ang chinese new year dahil dumarami na ang maimpluwensyang intsik sa pilipinas.

  3. Mula rito sa China, binabati ko kayong lahat mga kababayang Pilipino ng isang mapayapa at maunlad na bagong taon! Xin nian kuai le!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *