Posts by Jon Magat

Si Jon Magat ay nagtapos ng kursong AB Mass Communication sa New Era University. Mahilig gumawa ng tula noong kaniyang kabataan, naging kaaliwan para sa kaniya ang pagsusulat. Unang siyang sumubok gumawa ng online journal noong 2002 at opisyal na naging personal blogger noong 2003. Nagkaroon din siya ng pagkakataong magsulat bilang feature writer sa isang classified magazine at ang kaisa-isa niyang feature article ay nalimbag mismo sa kaniyang kaarawan, taong 2000.

Isang Yugto Sa Buhay-Estudyante

Jon MagatTuwing buwan ng Marso, ang unang-unang pumapasok sa isipan ko ay paaralan. Ito kase ang buwan na karaniwang nagtatapos ang isang school year. Pinakamasaya na sigurong buwan itong Marso para sa mga estudyante dahil hindi lang matatapos ang isang yugto ng kanilang buhay-mag-aaral, hudyat din ito na paparating na ang pinakahihintay na summer vacation.

Noong high school pa ako, kahit masaya kami na matatapos na ang school year, may kaunting lungkot din naman na humahalo sa damdamin namin. Kase, pansamantalang maghihiwa-hiwalay ang magkakaibigan — ang iba ay umuuwi ng probinsya para magbakasyon, ang iba ay magiging abala sa tahanan nila para tumulong sa kani-kanilang pamilya at ang iba naman, naghahanap ng summer job. Pero ang iba, nagkikita-kita pa rin naman kahit bakasyon.

Kung sa karaniwang new year ay nagbabalik-tanaw tayo sa mga pangyayari sa buhay natin sa loob ng isang buong taon, ang Marso marahil ang pinakamagandang pagkakataon naman para sa mga estudyante para magbalik-tanaw sa isang buong school year nila.

Nariyan sa alaala ng mag-aaral ang four periodical tests na talaga namang pinaghahandaan ng lahat. Nariyan din ang mga alaala ng graded recitation, surprise tests, group projects, at syempre ang nakakapagod na Citizens Army Training (CAT).

Kung mayroong mga mahihirap pero nakakaaliw namang karanasan, mayroon ding masasaya. Sino ang makakalimot sa Intramurals? Labanan ng mga year level sa larangan ng sports. Foundation Day ng paaralan na may fair at minsan may rides pa sa loob mismo ng compound ng school. At literary-musical (LITMUS) contest naman sa mga mahilig sa sining. Nariyan din ang educational field trips, at junior-senior prom o graduation ball.

Ang buhay-estudyante ay minsan lang daraan sa buhay ng isang tao. Sa panahong mabigyan tayo ng pagkakataong makapag-aral, huwag sana nating sayangin. Marami man tayong matututunan sa labas ng silid-aralan, iba pa rin ang kaalamang una nating nalaman sa loob ng paaralan. At ang diploma, hindi lang ito kapirasong papel na maaaring maluma ng panahon. Simbolo ito ng ilang taon nating pagsusunog ng kilay at higit sa lahat, ang pagkatuto ng kaalaman na sa atin ay hindi na mababawi ninuman.