The One That Got Away

Jon Magat

Una tayong nagtagpo sa pagsasanay ng awit…
Isang magandang dilag, nakatawag ng pansin,
Ipinakilala sa isa’t isa, siyang sibol ng malumanay na hangin
Nang gabing iyon, may tanglaw ang dilim.

Muling pagkikita ay kinasabikan ko na,
Pagdalaw sa tahanan mo tinahak kong may kaba,
Doon ko nakilala ang buo mong pamilya
Aking naranasan mainit na pagtanggap nila.

Maliligayang araw ang sumunod na eksena,
Pamamasyal sa lansangan pinayagan ka nila
Sabi mo nga’y dahil ako ang kasama
Tiwala ng magulang mo, agad kong nakuha.

Akala ko’y hindi na magwawakas
Ang mga sandaling tila pagsasamang wagas,
Subalit isang araw nagdilim ang bukas
Sadya palang hindi magkasama ang landas.

Ang kinatatakutan mo’y biglang dumating
Ang ipinagkasundo sa ‘yo, muling makakapiling,
Ako ay nagtanong: saan ako dadamputin?
Sa isang sandali’y hiwalay ka na sa akin.

Ang pinakamasaklap sa alaala natin
Kailanman sa buhay ko, hindi ko lilimutin
Kung bakit kase, sa iyong ika-18 kaarawang piging
Isinayaw pa kita at ako ang pang number thirteen?
(labindalawa ang paborito kong bilang at ito’y alam mo)

Hindi mo ba naisip na ang mga mata’y nasa akin?
Lahat sila’y nakatutok sa akin pa lamang pagdating,
Kaya nga pagkatapos ng sayaw hindi na ako kumain
Ako’y nagpaalam at lumisan na nang matulin.

Sumunod na alaala’y matagal nang panahon
Ako ay abala sa bangko noon,
Maikling palitan ng mensahe sa cell phone,
Nakausap kita saglit at natigil ang mundo ko doon.

Muling nanumbalik ako sa aking sarili
Nang ipakausap mo sa akin ang iyong unang “baby”
Naririnig kita sa likod nyang nagsasabi:
“Anak kumustahin mo ang tito mo, sige na, dali.”

Yun lang ang marinig ko, ako ay masaya na,
Lalo na nang kaarawan ko ay iyo pang naalaala,
Bakit ganun kailangang nandyan ka,

At ako noon ay iniwan mong nag-iisa?