Sa simula pa’y nakaukit na sa mukha ng daigdig ang isang natatanging hiyas sa dakong Silangan.

Pilipinas. Bayan ng aking lahi.

Isang perlas na sa simula pa’y nagniningning na sa kanyang kariktan. Hindi kataka-taka na masilaw sa kanyang busilak na liwanag ang mga dayuhan mula sa iba’t ibang lupalop ng mundo.

Pilipino ako. Katulad ko, ikaw ay isa ring tunay na Pilipino. Ang ating mga magulang ay Pilipino katulad ng ating mga ninuno. Ikaw at ako ay kapwa isinilang sa bansang Pilipinas. Sa bayang ito’y una nating nalanghap ang hanging nagbibigay-buhay. Sa bayang ito’y una nating nadama ang mainit na haplos ng init ng araw. Sa bayang ito’y una nating nasilayan ang angking kagandahan ng daigdig. At sa bayang ito’y nag-ugat ang ating sariling lahi sa kanyang kayumangging lupa.

Mapalad ang bawat Pilipino sapagkat ang kanyang bayan ay lubos na pinagpala. Isinabog sa Karagatang Pasipiko ang mahigit pitong libong malalaki at maliliit na isla na animo’y mga batong hiyas na lumulutang sa katubigan. Sumisikat ang maaliwalas na araw sa kanyang tatlong bituing nagniningning. Binabalot ng matatarik na kabundukan na nababalutan naman ng mga matatayog na puno at halaman. Mabibighani sa luntiang kabukiran na pinagtutubuan ng mga gintong butil habang sumasabay sa himig at indak ng sariwang hangin. Maririnig ang rumaragasang lagaslas ng agos ng mga talon, ilog, at dagat na umaapaw sa sari-saring mga isda. Sagana sa likas na yaman. Sagana sa kabuhayan.

Sa dahon ng kasaysayan, ang bansang Pilipinas ay nagbinhi ng kanyang sariling pagkakakilanlan sa sariling lupa na dinilig ng Silangan at Kanluran na nagdulot ng kanyang patuloy na pagyabong sa bawat pag-usad ng panahon habang hinihintay ng bawat Pilipino ang kanyang hinog at matatamis na mga bunga matapos ang maraming unos at bagyong hinarap.

Malayo na nga ang narating ng ating bayan. Katulad niya’y isang balangay sa gitna ng malawak na karagatan na mabilis at buong tapang na sumasalunga sa malalaking alon hanggang sa sumapit sa dalampasigan ng kasaganaan.

Sa simula’t simula pa’y umusbong na ang kabihasnan sa lupaing ito. Umusbong na ang sariling kayamanan. Sariling puso. Sariling talino. Sariling kaluluwa.

Nagtayo ang ating mga ninuno ng mga pamayanan na may iba’t ibang baranggay na sumasalamin sa kanilang maunlad na kabihasnan, pakikipagkalakalan, at pamahalaan bunga ng kanilang kalayaan sa makabuluhang pag-iisip, makabayang damdamin, at matibay na lakas bilang isang nagsasariling lipunan na hinubog ng kanilang sariling wika, alpabeto, at panitikan upang ipahayag ang kanilang karunungan at karanasan gayundin ng kanilang sariling kultura at tradisyon upang ipahayag ang uri ng kanilang maunlad na pamumuhay at paniniwala.

Nakikipagkalakalan na ito sa mga Tsino, Malayo, Hindu, at Arabe. Ngunit sa Kalagitnaang Panahon hanggang sa pagbubukang-liwayway ng Makabagong Panahon ay natanaw ng mga mananakop na Kastila ang anino ng bundok ng Samar na naging hudyat ng kanilang pag-angkin.

Isang kapalarang ipinagkaloob ng Maykapal sa lahing ito ang ipakilala ang Kanyang anak na si Hesus sa pamamagitan ng Kristiyanismo at makisalo sa pagbuhat sa Kanyang mabigat na krus habang niyayakap naman ng mga kapatid nating Muslim sa katimugan ang Koran na sa simula pa man ay nagbigay na sa kanila ng landas tungo sa dambana ng Diyos.

Ang mga dayuhang tagapaghatid sana ng tamang landas ay niligaw ng sariling kapangyarihan at kasakiman. Sa loob ng mahigit tatlong daang taon ay ipinagkait sa atin ang kalayaang magpaunlad pa ng sariling bayan sa sariling pagsisikap.

Sa simula’t simula pa’y mayroon nang isang Pilipinong buong giting na tumanggi na kaluguran ang mga dayuhan sa katauhan ni Datu Lapu-lapu bilang unang tagapagtanggol ng ating lahi. Sa kanyang pamumuno ay nalupig si Magallanes na naging simula lamang ng mga sumunod pang hidwaan at pag-aalsa.

Ang iba’t ibang pag-aalsa laban sa mga mananakop na Kastila ay sanhi lamang ng mga mapapait na karanasan ng ating mga ninuno tulad ng hindi paggalang sa diwa ng sanduguan sa mga katutubo; ang di-makatarungang pagbubuwis at sapilitang paggawa; pag-angkin sa mga lupa ng ating mga ninuno; pagmamalabis ng mga Kastila sa kanilang kapangyarihan; at maling pagpapalakad sa tunay na diwa ng bagong relihiyon; at lahat ng uri ng diskriminasyon sa ating lahi.

Subalit habang humahapdi ang sugat ng mga Pilipino ay lalong tumitindi ang kanilang pagnanasang makaalpas mula sa malupit na kamay ng mga mapaniil. Sa bawat pagkadapa ay nagpatuloy pa rin sa pagbangon at pakikipaglaban upang makamit ang kasarinlan ng bayan. Sa mabilis na takbo ng panahon, lalong nag-alab ang pag-ibig ng ating mga ninuno sa tinubuang lupa. Sumibol at ganap na yumabong ang diwa ng nasyonalismo na nagsilang sa mga anak ng bayan — ang mga pinagpipitaganang Propagandista at Katipunero na may iisang adhikain.

Isang katotohanan na nananalaytay sa dugo ng bawat isang Pilipino ang kabayanihan nina Rizal, Plaridel, at Bonifacio tulad din ng napakaraming mga magigiting na kalahi. Ginising nila ang ating diwang nahihimbing upang tuluyang makita sa dako pa roon ang panibagong liwayway na ang hatid ay bagong pag-asa.

Sa loob ng mahigit tatlong daang taong paghihinagpis, sa huli’y nakalag din ang tanikalang nagbibigkis sa Inang Bayan sa labis na pagkaalipin. Nakamit ang kalayaan dulot ng pagmamahal ng mga nagkakaisang anak ng bayan.

At sa huli’y isinulat sa dahon ng kasaysayan ang malayang pagwagayway ng bandila ng Pilipinas sa Kawit, Cavite sa himig ng kaligayahan dulot ng tagumpay ng lahing Pilipino.

Ngunit hindi pa man ganap na inabot ng matinding sikat ng araw ang pagbubukang-liwayway sa ating bayan anupa’t muli na namang humarap sa panibagong hamon ang mga Pilipino. Nawasak man ng digmaan ang Pilipinas sa kamay ng mga Amerikano at Hapon ay patuloy tayong mag-aalay ng buhay upang maibalik ang kalayaang minsang nakamit noon. Sumiklab na ang maraming digmaan subalit nananatiling naninindigan ang matatapang na anak ng bayan sa lahat ng panahon.

Mula sa pagkakatatag ng isang Rebolusyong Pamahalaan hanggang sa pagsilang ng Republika ng Pilipinas ay ganap nang nagbagong-anyo ang ating bayan bilang paghahanda sa pagsalubong sa isang Malayang Daigdig.

Sa mga panahong yaon ay muling hinamon ang mga Pilipino sa pamumuno ng isang diktador na pinilit kitilin ang tunay na diwa ng demokrasya sa ating bansa. Isang diktador na sa pagkakataong ito ay kapwa natin Pilipino, at hindi isang dayuhan, ang sumubok na gawing dakila muli ang ating bayan ngunit sa huli’y nilukuban ng kanyang sariling kapangyarihan at pagmamalabis.

Sa simula’t simula pa’y pinatunayan na ng mga Pilipino ang kanilang pag-ibig sa kalayaan. Patuloy na lumulukso ang dugo ng isang magiting na Pilipino sa ating mga ugat. Sabay-sabay silang sumugod sa EDSA upang maghimagsik na ang dalang armas ay hindi itak ni baril kundi dalisay na pagnanasa para sa kapayapaan at lakas ng pagkakaisa upang harapin ang panibagong pagsubok. Sa isang matahimik na paraan ay nagkapit-bisig ang mga Pilipino sa pamamagitan ng People Power upang ipagtanggol ang kanilang karapatan nang walang anumang pagdanak ng dugo. Ang kahanga-hangang Rebolusyong EDSA ay lubos na binigyang-pugay ng buong mundo at nagsilbing halimbawa ng isang tunay na mapayapang pakikibaka.

At ngayon — tulad ng isang puno sa dako pa roon, ang mga Pilipino ay minsang naging isang munting binhi sa matabang lupa na sa mabilis na pagtakbo ng panahon ay umusbong, lumago, at nanatiling matibay sa bawat bagyo’t unos na sumubok sa kanyang katatagan upang sa bawat pagkakataon ay maghandog ng kanyang hinog at matamis na bunga sa bawat salinlahi…

Nasa panibagong paghamon ang mga Pilipino sa isang bagong panahon. Isang paghamon upang patuloy na subukin ang ating lahi. Noon pa man ay laging nakahanda ang mga Pilipino. Handa sa bawat bukas na darating.

Sa bawat paglatag ng liwanag at dilim sa daigdig, nakaukit na sa dahon ng kasaysayan ang mga nasaksihang pakikibaka ng lahing Pilipino. Bagama’t malawak na nga ang ihinakbang ng panahon ay patuloy pa rin nating natatanaw ang bakas ng kahapon.

Sa bawat pagsubok ng kasaysayan, napatunayan na ang angking kaibahan ng lahing kayumanggi. Noon pa mang sumisibol ang kabihasnan sa ating bayan, nasaksihan na ang maunlad na pamumuhay sa bawat pamayanan bunga ng kanilang mayabong na kaisipan at labis na kasipagan. Samahan pa ng kanilang katapatan sa sarili at marangal na pakikipagkapwa. Sa simula’t simula pa’y sumiklab na ang kanilang katapangan upang ipagtanggol ang bayan hanggang sa huling patak ng kanilang dugo. Ito ay bunga rin ng kanilang pagmamahal sa pamilya at sa kinabukasan ng kanilang mga anak at kaapu-apuhan. Lahat ng uri ng kahirapan at pagpapakasakit ay kanilang tiniis dahil sa tibay ng kanilang pananalig na hindi sila pababayaan ng Amang Lumikha.

Anuman ang naganap sa nakalipas ng ating bayan ay hindi dapat talikdan. Ang nakaraan ay nakaraan na ngunit bahagi pa rin ng ating buhay. Mahalaga ang pag-aaral ng ating sariling kasaysayan. Ito ay isang matibay na haligi ng ating pagkakakilanlan bilang isang lahi. Sa pamamagitan nito, nauunawaan natin ang uri ng pamumuhay ng ating mga ninuno; nakikilala ang mga nilalang na naghandog ng kanilang pag-asa sa bayan; at nakapaglalakbay tayo sa bawat panahon.

Ang Republika ng Pilipinas ay sinubok ng panahon sa kanyang kasaysayan subalit sa simula’t simula pa’y laging bumabangon at lumalaban para sa magandang kinabukasan. Isang demokratikong bansa na patuloy sa pakikibaka. Isang bayang may matibay na pananampalataya sa Diyos. Isang lahing taglay ang lupang hinirang upang magbinhi ng perlas sa Silangan.

Pilipino ako. Katulad ko, ikaw ay isa ring tunay na Pilipino. Ang ating mga anak ay Pilipino katulad nating mga magulang nila. Ikaw at ako ay kapwa maghahandog ng buhay sa bansang Pilipinas. Sa bayang ito’y huli nating malalanghap ang hanging nagbibigay-buhay. Sa bayang ito’y huli nating madarama ang mainit na haplos ng init ng araw. Sa bayang ito’y huli nating masisilayan ang angking kagandahan ng daigdig. At sa bayang ito’y nagbunga ang ating sariling lahi sa kanyang kayumangging lupa…

Join the Conversation

9 Comments

  1. Mga kaTinig, maraming salamat sa inyong pagtangkilik. Patuloy nyo sanang basahin ang mga artikulo dito. At maging mabuting halimbawa para sa kapwa.

    Please support BINHI, ang pinakabagong kolum dito sa TINIG.com.

    Godbless.

  2. TUNAY PONG MAKABULUHAN ANG DUGO NG MAKASAYSAYANG LAHI NG PLIPINO,NGUNIT NAKALULUNGKOT ISIPIN NASA HANGGANG NGAYON AY HINDI PA RIN NATIN NAKAKAMIT ANG TUNAY NA MINIMITHING KALAYAAN NA KUNG SAAN ANG MGA NAG ALAY NG BUHAY AT DINILIG NG DUGO ANG TINUBUANG LUPA UPANG MAKALAYA SA KUKO NG MGA DAYUHAN AY MAPUPUNTA LANG SA WALA,NANALANTAY PA RIN NAMAN SA ATING LAHI ANG TUNAY NA PAGIGING MAKABAYAN KAILANGAN LANG NATING GISINGIN SA ATING MGA PUSO ANG TUNAY NA DAMDAMING PILIPINO NA MINANA NATIN SA ATING MGA NINUNO, SA MAKABAGONG PANAHON ANG PAGBABAGO AY DAPAT MANGGALING SA BAWAT ISANG MAMAMAYANG PILIPINO PARA MAKAMIT NATIN ANG INAASAM NATING KALAYAAN SA LAHAT NG ASPETO NG BUHAY UPANG ANG SINIMULANG LABAN NG ATING MGA NINUNO AY MAGING MAKABULUHANG TUNAY

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.