February 28, 2008 | Tinig

Alalahanin ang Laro ng Lahi

Emmanuel Joseph Sumatra

Kabilugan ng buwan, maraming mga batang nagkalat sa daan. Laro dito, laro doon. At pagsapit ng umaga, mga bata’y nagkalat na. Hanap dito, hanap doon. Sa pagdating ng hapon, nagkakagulo sa nayon. Sabi raw ay may piyesta roon, kaya mga bata’y naroon.

Kaysarap alalahanin ng mga alaalang dating naging atin. Mga larong may pagkakaisa, larong pinagbuklod ang ating lahi ang ipinapakita.

Hindi gaya nang dati, umaga pa lang, mga bata’y nagtataya-tayaan na. Hanggang tawagin sapagkat kainan na. Lingon dito, lingon doon, tagu-taguan na naman sa dapit hapon. Kapag may piyesta, palosebo ay sikat na sikat na. Sa mga laro sa paaralan, patintero, sipa’t takraw at sipa ay laging nandiyan.

Ngunit, nasaan na ito ngayon? Tuluyan na nga bang nilamon ng modernisasyon? Laro ng lahi ay natabunan, ng mga laruang walang katotohanan. Nagkalat diyan ang mga computer na may laro pa at Friendster. Samahan pa natin ng mga Play Station, Cellphone at MP3, kung saan sarili mo lamang ang ikinukubli. Halos tayong lahat na ay nalamon ng pantasya sa mga larong ngayon ay isa-isa. Hindi gaya ng dati, tayo ay sama-sama. Laro ng lahi nasaan ka na?

Kilala tayong mga Pilipino sa pambihirang pagkakaisa, nagtutulungan, at sama-sama. Naging tulay natin ang mga larong ito upang makilala tayo sa buong mundo.

Hahayaan na lang ba nating malamon tayo ng modernisasyon at ang tunay na kultura ng mga Pilipino ay tuluyan nang mabaon?

One comment
Leave a comment »

  1. Napakagandang katanungan. Ngunit, sa ganang amin (TALIBA), hindi kaya ang pagtataguyod sa ating tunay na kalinangan (kultura) ay dapat magsimula sa ating pangalan at pangalan ng bansa? Alam natin lahat na ang pangalan ng ating bansa (Philippines, Pilipinas o Filipinas) ay HINDI katutubong atin. Sapagkat ito’y ibinigay ng ating mapang-aping mananakop na Kastila, sa pagbibigay pugay sa Hari ng Espanya (Haring Felipe). Kaya naman ang mga mamamayan ng bansa ay tinatawag ngayong Pilipino o Filipino. Tayo mismo, sa ganang amin, ay nawawala at di malaman kung ano ang totoong tayo. Sa pagkakataong ito, hindi ba napapanahon nang alamin ang ating pinagmulan - ang ugat ng ating dakilang lahi?

    Kaibigan, matagal na naming iwinaksi ang mga “dayuhang pangalan” yan, sapagkat ang aming turing at bigay na katutubong pangalan ng ating mahal na bansang ay BANSANG MAHARLIKA at ang mga mamamayan nito bilang mga MAHARLIKA. Bilang pagpupugay sa kadakilaan ng ating mga ninuno at dugong ibinuwis ng mga dakilang bayani ng Lahing Kayumanggi.

    Mabuhay ang Lahing Kayumanggi! Mabuhay ang Bansang Maharlika! Mabuhay ang mga mamamayang Maharlika!

Leave Comment