By Noel Sales Barcelona on 5/20/2010
(Crispin B. Beltran, Lider Proletaryo | Enero 7, 1933 – Mayo 20, 2008)
Katulad ay bituin, ang iyong luningning
Araw ang kapara ang liwanag mo mandin
Bulalakaw na gumuhit sa panginorin
Eksaktong lumitaw ng baya’y nasa dilim.
Liryong bumukadkad sa gitna nga ng parang
Tubo sa gitna ng malawak na dawagan
Upang ipakita ang timyas ng paglaban
Nitong aking inaapi na Inang Bayan!
Ay! Sino baga sa iyo’y makalilimot?
Yaman ka ng dukhang dalita’y di matapos…
Nangunang taliba nitong bayang hikahos,
Ama sa pakikibaka kontra-balakyot!
Bagaman pumanaw na’t kayo ay lumisan–
Alaala ninyo ay amin ngang huwaran
Yaman namin ang salita ng katuwiran
Namutawi sa bibig habang nabubuhay
Ito ang gabay namin, hanggang sa tagumpay!
Posted in Tula | Tagged Anakpawis Rep. Crispin "Ka Bel" Beltran, oda |
Dating patnugot ng pahinang pang-overseas Filipino worker (OFW) at internasyonal ng Pinoy Weekly si Noel Sales Barcelona.
Naging public information officer din siya ng pambansang sentro ng mga kawani ng gobyerno, ang Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees o Courage.
Premyadong makata at kwentista, ginawaran siya Kagawaran ng Filipinolohiya ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) ng pagkilala bilang “Makatang Mag-aaral ng Taon” noong 2002 na siya pa rin, magpahanggang ngayon, ang may hawak.
Noong taon ding iyon, nakamit niya ang Ikalawang Gantimpala sa Patimpalak Panulaan ng Pandayan ng mga Literaturang Pilipino, Inc. (Pandaylipi, Ink.), sa okasyon ng ika-25 anibesaryo nito.
Naging isa siya sa mga pinalad na maging finalist sa Kabuwanan Poetry Competition nitong Abril, 2008; at noong Hulyo 29, binasa sa buong mundo, sa pamamagitan ng Internet, ang kanyang kuwentong nalathala rito sa Tinig.com, ang Bote, Dyaryo, Bakal at ginawaran siya ng Certificate of Literary Achievement ng mga Pilipino-Australiyano sa Brisbane, Australia.
Isa ring propesyunal na tagapaturo ng pamahayagan (journalism) at panitikan, naging panauhin siyang tagapagsalita sa iba’t ibang paaralan at kolehiyo rito sa Maynila at sa karatig lalawigan ng Rizal.
Nagsusulat din siya sa investigative news magazine na Bulatlat.com, PINAS (The Filipino’s Global Newspaper) na may sirkulasyon sa 19 na bansa sa Asya, Europa at America Norte, at naging kolumnista sa ngayon ay sarado nang Punto!, isang tabloid sa Filipino.