By Lolito Go on 1/4/2010
Unang nahukay ang mga yuping sasakyan
Saka(y) ang mga katawang may yuping mga mukha
Limampu’t pitong bangkay ang opisyal na bilang.
Sapat na dahilan upang magluksa ang bayan.
Sunod nilang nahukay ang mga armas,
Matataas na kalibre ng mga sandatang pang-aklas
Dalawang batalyong rebelde ang opisyal na bilang.
Sapat na upang ilunsad ang batas-militar
Huling nahukay ang kahun-kahong mga balota
At iba pang parapernalyang panghalalan.
Binilanggo’t inilibing na mga bilang. Hindi mabilang
Ang dahilan kung bakit ako nahihibang.
Posted in Tula | Tagged Ampatuan Massacre |

Si Lolito Go ay isang professional bum at ordained Dudeist Priest sa Olongapo City. Siya ay kasapi ng KM64 Poetry Collective, isang aktibo at progresibong samahan ng mga kabataang makata na may layuning pagsilbihan ang bayan sa pamamagitan ng sining. Naging bahagi siya ng Ika-Apat na Palihang Rogelio Sikat ng UP Diliman. Ang kanyang mga tula ay nailathala na sa iba’t ibang online at print publication tulad ng High Chair, Philippines Free Press, Sunday Inquirer Magazine, Bulatlat, Electronic Monsoon Magazine at iba pa. Ang koleksyon ng kanyang mga tulang “Suriyal” ay lumabas sa antolohiyang Ipu-ipo sa Piging at ang “Loser at Iba Pang Tula” naman ay isa sa mga napiling lahok para sa 5th UP Likhaan Journal.