Buryong

Markado ang kanilang noo…
“Mga Latak ng Lipunan”
na pinipilit pagdikitin
ang pira-pirasong bubog
ng basag nilang pagkatao…

Tila isdang pilit pinagkakasya
sa kalawanging lata.
Bolang-bakal na nakadugtong
sa tanikalang nasa paa…
parusa sa nagawang sala.

Kamelyong pilit pinasusuot
sa butas ng karayom…
sa buryong ng pagkakulong.

Sa katorse pesos maghapon
na pagkain nila,
patuloy lang na huminga…
ang pagbabago’y iniangkla
sa ulo ng tuyo…
sa itim na kanin…
sa kapeng namumutla…
kulang na nga’y kinukulangan pa.

Pikit-matang isisiksik
sa hungkag na sikmura…
sa inaanay na katawang
hindi na templo ng kaluluwa,
kundi ng kurikong…
ng buni at pigsa.

Makapagtiis man sila…
“Makalaya” man sila…
bilanggo pa rin ng mapanghusga
at mapang-aping sistema,
na dapat sana’y tumanggap sa kanila.

May puwang ba ang pagsusumamo?
Ang pagkatok sa nakapinid na pinto
ng lipunang pinatigas ang puso?

Saan sila tutungo?

Si Oliver ay kasapi ng Dekada80 Movement (UE Chapter), isang organisasyon ng mga aktibista ng Dekada 80 na naglalayong kabigin at muling ipaloob sa Pambansa Demokratikong pakikibaka ang mga dating aktibista nuong Dekada 80. Bagaman malayo, bilang OFW, gusto niyang isama, kahit sa pamamagitan man lang ng kanyang mga akda, ang sariling tinig sa tinig ng sambayanang humihingi ng pagbabago sa lipunan.

Leave a Reply