Welga sa Mendiola

Welga… welga… welga… laging sa kalsada,
Hudyat ng suporta sa kilos-protesta
Ang mga welgista nagtungong Mendiola.

Kan’lang kinundena itong pulitika,
Presidente Gloria dapat ibasura
Welga… welga… welga…laging sa kalsada.

Mga aktibista anupa’t may gera
Dala’y bandila, mga karatula
Ang mga welgista nagtungong Mendiola.

At nang mamahala si Pangulong Gloria
Maraming umalma; baya’y umapela
Welga… welga… welga…laging sa kalsada.

Nang aking makita dalawang puwersa,
Panig ng pulisya’t grupong makamasa
Ang mga welgista nagtungong Mendiola.

Suntok, tadyak, sipa kapalit ang laya
Ang bilanggong madla nais makawala;
Welga… welga… welga… laging sa kalsada
Ang mga welgista nagtungong Mendiola.

Si Rey Tamayo, Jr. ay isinilang sa maliit na bayan ng Jaro, Leyte. Siya’y naging editorial assistant ng diaryong Tambuli at Magandang Balita Newspaper na lingguhang lumalabas sa mga piling lugar sa Manila. Sa South Eastern College niya sinubukang kumuha ng kursong Bachelor of Arts. Ang ilan sa kanyang mga akda ay nailathala sa Liwayway, Bulatlat, Liyab at Philippine Graphic. Siya ay miyembro ng KAMAKATAHAN Poets, National Union of Journalist of the Philippines at naging fellow ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo 2006.

2 responses to “Welga sa Mendiola”

  1. Rey

    Putol po ang tula…may ilang linya na di naisama.

    Salamat

  2. loredel barreda

    hahaha…………… masasabi ko na kulang nga ang tula ngunit di na rin masama

Leave a Reply